
"nowadays, i find myself a sum of borrowed parts."
- e.b. , dear catastrophe tempter
tuwing nagtatapos ang mga chapter sa buhay ko, madalas akong inaatake ng allergic rhinitis ( naalala ko ang testimonial ni iris kay isagani : "because you know, little boy, your mama and i, we slept on dustydusty couches with boys. that's how i got rhinitis") . sa ganitong mga panahon lang ako nakakapaglinis at nakakapag-ayos ng mga bagay sa ilalim ng kama.
nung isang gabi, tinawag ako ng tita ko at tinanong sa akin kung akin ba 'yung mga gamit na nakatambak sa aparador sa dati kong kwarto sa bahay ng lola ko. papaupahan na raw kasi 'yun. makakatulong din sa pagpapagamot ni lola. sa buong pagka-alala ko, nadala ko na sa masikip k0ng espasyo sa bahay ang lahat ng gamit ko. (pinaalis ako sa kwartong iyon noong 2003 kasi hindi na raw ako umuuwi. sayang lang daw at ginagawang tambakan ng basura. pinalayas din nung agosto ang ate ko kasi ayaw niyang magbayad ng kuryente).
nang umakyat ako sa kwartong iyon (na bagamat maganda at maluwag ay sobrang init dahil sobrang lapit sa langit) tumambad sa akin ang gabundok ng mga basura nga ba o alaala. ang pugot na heavy duty na sinaunang electric fan (na saksi sa mga milagro ng room 312), ang file folder kong walang ibang laman kundi mga lab reports sa organic chem na hindi ko na pinasukan, sampung dangkal ng dyaryo (kule nung panahon nina eleyn at sherwin, pinoyweekly mula sa internship, atbp.), at tone-toneladang scratch paper (photocopy ng kung anu-ano), tanging jacket na nabili sa ukay sa baguio, tatlong brief na naka-plastic pa galing divisoria at hindi pa naisusuot, apat na pares ng shorts (kaya pala tig-isang pares ng shorts lang ang ginagamit ko sa bawat linggo) ilang t-shirt, at isang makulay na kumot. naroon din ang mga bag kung saan ko isiniksik ang mga bagay na ayaw kong itapon, scrapbook, notebooks na walang sulat maliban sa mga listahan ng mga paboritong pelikula, at gustong panooring pelikula, doodles, mga tula ng aking kabataan/kabaduyan. at siyempre, kasunod ng mga na-diskubre ko ay ang dumadagundong at walang katapusang pagbahing.
hindi ko kasi ugali ang matapon ng mga bagay. sa katunayan, kapag binisita mo ang bag ko sa hunyo, anuman ang makita mo dun, yun pa rin ang makikita mo sa oktubre. ang lagi lang nawawaglit ay layter at bolpen. Hindi ko madadala sa isang bitbitan ang lahat. Wala na rin akong paglalagayan sa pwesto ko sa bahay. dala na rin ng katamaran, hinayaan ko na lang na maiwan ang mga bagay na naroon. Itatapon na lang daw ng tita ko. Ni hindi ko na sinilip kung mayroon mang mahahalagang bagay na maiiwan. sa tuwing titingnan ko kasi kung anong bagay ang mahahalaga, walang naitatapon. ang kinuha ko na lang ay ilang kopya ng kule, ang mga bag na naglalaman ng mga notebooks at ang mga damit. iniwan ko na ang sobrang bigat na electric fan kahit na maraming sentimental value na ang ipinuhunan dun ng tatay ko, ako, at ng lola kong yumao.
agad kong pinalabhan ang mga nakuha kong mga damit. at agad kong isiniksik sa ilalim ng kama ang mga bag, na hindi ko na rin sinilip ang laman. kinabukasan, inaayos ko ang ilang gamit sa ilalim ng kama. inilagay sa isang walang lamang bag ang lahat ng ginamit sa thesis proposal (salamat kay jeeu, karl, caloy at eleyn). isinalansan at nilagay sa mga malalaking envelopes ang mga kopya ng kule. pero hindi ko na nakuhang piliin pa mula sa mga laman ng bag kung anong mga gamit pa ba ang kakailanganin ko. matapos malinisan ang ilalim ng kama ( todo na ang bahing ko sa puntong ito), nagsimula na akong magpatugtog sa radyo ng bunso kong kapatid. gustong-gusto kong naririnig ang dave matthews band (kahit na satellite lang ang alam kong kanta nila) habang nag-aayos ng gamit. para bang na-teleport na naman ako sa kung anong era at lugar.
naaalala ko ang eksena sa almost famous (ayan, eto ang tinatawag nina caloy na the great fudgie complex, na para bang eksena sa pelikula ang buhay ko). tinitingnan ng batang si william miller ang pinaubaya sa kanyang album koleksyon ng naglayas niyang ate ("look under your bed. it will set you free."). dun ko unang nakilala si joni mitchell at ang malungkot niyang hiling sa ilog. inihalintulad ko dito ang pagtingin ko at pagbasa ng mga dating kolum sa kule.
nung makasama ko ang dakilang manunulat na si k---- sa bistro isang hapon, napausal ako sa pagkasabik. iyon kasi ang una kong beses na napunta sa '70s bistro. kamusta raw at saan ako nanggaling? ang totoo, sa kwarto ko. dun lang naman uminog ang mundo ko. kung madalas man akong mag-isang naglalakad sa sm north o sa quiapo, ang totoo, nanatili pa rin ako sa loob ng masikip kong kwarto. masikip ngunit kumportable. kabisado ko kung saan ako matatapilok, kung paano ayusin ang mga bagay. kahit pa madalas akong mabahing dahil sa alikabok, wala akong takot na baka lumalala ang sipon na iyon.
at kahit na nakalabas na ako sa kwarto ko matapos ang dalawang dekadang hiatus, tuwing may pagkakataon, pinipili ko pa ring manatili at bumalik sa kwarto. mas mura ang pamasahe pabalik. katwiran ko, gusto kong magpahinga. matapos ang buwan-buwang pagsusulat ng mga bagay na sa akala ko'y makakapagpabago ng panahon, ayaw ko munang magsulat kahit naghihintay ang mga mahahalagang gawain. pinili kong mag-kumponi ng pc, magbuo ng panibagong bahay sa sims, mag-experimento ng bagong putahe, manood ng tv, makipagkilala kay jack kerouac, at makiiyak sa sinapit ng tatlong lider-aktibista sa gitnang luson.
at naiwan akong nakatitig sa awa, at tumitig ang awa pabalik sa akin.
pag natapos ko nang masalansan ang mga papel at dyaryo, titingnan ko ang mga nabili kong libro sa loob ng limang taong may pagkakataon akong magkamal ng intellectual at cultural capital. hindi lalagpas sa 50 ang mga libro ko. at tatatlo lamang ang orig kong cd (kung sinuman ang nanghiram ng cynthia alexander ko, ng twice blessed, ng days of disquiet, ng raise high at catcher in the rye, at ng dekada '70 sa ikalimang pagkakataon, paki soli na po! at ng marami pang bagay na nawaglit). marami na rin akong hinayaang mawalang vcds kahit noong una'y ito ang most prized possession ko, wala na rin akong effort na pagsisingilin ang sinumang nanghiram. ganito rin ang nararamdaman ko sa ambisyon ko dating maging filmmaker, o di kaya isang premyadong manunulat. ilang beses ko na ring iniiyak ang pagkawala ng mga pangarap na ito. matay ko mang isipin na hindi rin naman sa loob ng kwarto ko mahahanap ang mga ito.
minsan kahit alam kong walang patutunguhan ang ganitong paglulunoy sa pagiging petiburges ay ginagawa ko pa rin. at iyon na rin ay dahil package deal ito ng pagiging peti-b. na kahit alam kong isang hakbang lang palabas ng kwarto ang kelangan kong gawin, ay lagi't laging akong tumitiklop. sana, tulad nung isang araw, magawa kong hayaan na lang mga bagay, at hindi silipin kung ano pa ang maaring maisalba mula sa mga napag-iwanan.
nabuhay kasi ako sa pelikula kaya para bang kay simple ng mga kontradiksyon kung i-roromanticize ang mga bagay. minsan ako ang namamagang version ni piolo, o kaya ang utal na william miller na wrong grammar, o kaya si vilma santos na nagtataas kamao.
di bale, sa ngayon, nabura ko na ang sims sa pc, at wala akong mahanap na bagong installer.
_____________________________________________________
paumanhin kina ka ric, ka kiko, ka pedy atbp., pasensya na habang naliligo kayo sa sariling dugo ay nagpapakalunod ako sa malalim na balon ng pagkamakasarili. pagpupugay sa inyo, kayong nagmamay-ari ng daigdigan (sabi ng kanta). sana tulad ni eman, balang araw, sana mabunutan ko rin ang sarili tulad ng niyog.




