Thursday, November 16, 2006

Kaligta


I.
Itong paglingon
ay hindi simpleng pagbabaliktanaw,
hindi paghinto sa paglalakad dahil inabutan na ng hingal
hindi ganap na pagtalikod sa mga bagay na ‘di magawang harapin.

Itinakdang maging haliging asin sa Sodom
ang sinumang ipipihit ang leeg
para masdan ang pagkaagnas ng lungsod,
ng panahon at pagkakataon.
Ngunit isinumpa naman ng mga matatanda
na walang patutunguhan
ang mga di alintana ang pinanggalingan
ang mga di nagawang mamaalam.

Ang muni ng sandali
ay hindi kontra sa agos ng pag-unlad.
Hindi ako inaantala ng saglit.
Binabalisa ako ng pagkainip.

Ang paglingon kong ito
ay hakbang palabas sa kandili ng pananatili
pagbalikat sa bigat ng pag-alala
pagbalikwas sa halos natural nang proseso ng pagkaligta.


II.

(Nag-iiwan ng mga patlang at puwang
ang pagsapit ng gunita sa kalagitnaan
ng mga pangungusap at parirala.
Lihim na nililimot ng dila
kung paano bigkasin ang iyong pangalan.)

III.

Napagdesisyunan ko nang samsamin ang lahat ng mga gamit sa ibabaw ng kama. Hindi ko na magawang piliin kung alin ang dapat maiwan: huling nobela ni G na isinantabi at itinupi ang pahina ng Kabanata XV, kalawanging makinilyang natanggalan ng letrang A, salamin sa matang bali ang kaliwang tangkay, pinagbalatan ng mga regalo ng mga nagdaang pasko, anino ng kung sino na maingat na tinupi, dangkal-dangkal na polyetong di naipamudmod sa huling rali, talinghagang hiniram nang walang paalam, at buntonghiningang itinago sa kahon ng sapatos. Inempake ko nang lahat sa maleta bago mahigpit na ikinando.

Pumara ako ng taksi. Isinakay ko ang maleta sa likod nito. (Talaga nga palang kaybigat ng mga katawang nilagutan na ng hininga.)

“Nagtahan po.” Kumaripas ang taksi. Pumaspas ang metro. Naiwan akong nakatulala sa bintana.

Pumara ako pagdating sa eksaktong kalagitnaan ng tulay. “Bawal po.” Iniabot ko ang lamukos na pera. Nagkamot ng ulo ang drayber. Ibinaba ko ang dalang bagahe.

Hindi ko na kailangang ihagis. Sapat na ang bilis na itinakda ng pwersa ng grabedad. Sumisid muna ang maleta ng dalawang talampakan bago lumutang at mabagal na nagpatianod sa daloy ng maputik na ilog. (Ano nga ba ang tinig ng nalulunod? Magawa pa kayang tumakas ng mga salitang hindi nabigkas?)

Sinundan ko ng tingin ang maleta hanggang sa matawid na nito ang kabilang panig ng tulay. Madaling araw na nang maabot ng maleta ang dulo ng aking tanaw. Napagpasiyahan ko nang pumara ng dyip.

Pagdating ko sa bahay, dinatnan ko ang sariling sa sala pa rin nahihimbing.

__________________________
ang larawan ay mula sa cover ng "the ballad of sexual dependency," koleksyon ng photographer na si nan goldin