Monday, February 26, 2007

solitude standing


You are The Hermit


Prudence, Caution, Deliberation.


The Hermit points to all things hidden, such as knowledge and inspiration,hidden enemies. The illumination is from within, and retirement from participation in current events.


The Hermit is a card of introspection, analysis and, well, virginity. You do not desire to socialize; the card indicates, instead, a desire for peace and solitude. You prefer to take the time to think, organize, ruminate, take stock. There may be feelings of frustration and discontent but these feelings eventually lead to enlightenment, illumination, clarity.


The Hermit represents a wise, inspirational person, friend, teacher, therapist. This a person who can shine a light on things that were previously mysterious and confusing.


What Tarot Card are You?
Take the Test to Find Out.

Friday, February 23, 2007

inosente lang ang nagtataka*



nang minsang nagbayad ako ng bayarin sa tubig, nakakita ako ng dvd ng pan's labyrinth. pamilyar ang titulo dahil na rin sa ilang nominasyon nito sa paparating na oscars. duda ako nung una kung magugustuhan ko ito dahil sa hindi naman ako naging fan ng mga fantasy at adventure films. ayon sa ilang nabasa ko sa internet, ang pan's labyrinth ang kauna-unahang pelikulang na fantasy na na-nominate bilang best foreign language film sa oscars. kaya kahit na nauna ko nang nabili ang dvd ng science of sleep at the queen, nakumbinsi na rin akong kunin ang pan's labyrinth.

ipinakita ni guillermo del toro kung paano nabasag ang pagkainosente ng isang bata sa panahon ng pasismo at karahasan sa panahon ng diktadurang franco sa espanya. ginamit ni del toro ang mga malalagim na imahen sa mga kwentong pambata (fairy tales) para ipakita ang mas karumaldumal na katotohanan ng reyalidad.

hindi ko maiwasang makita sa katauhan ng malupit na kapitan at sugo ni franco na si vidal, amain ng bidang babae sa pelikula, si jovito palparan, punong berdugo ng rehimeng arroyo. inilarawan sa pan's labyrinth ang karahasang inihahasik ng sandatahang lakas sa ngalan ng pagsupil sa lehitimong pag-aaklas ng mamamayan. brutal at malupit na tinugis ni vidal ang mga rebeldeng komunista sa kanayunan ng espanya bilang bahagi ng pagsusulong ng adhikain ni franco sa espanya. karaniwang tinutukoy ang pandarahas na ito ng estado bilang pasismo.

kaya pagdating ko sa opisina, agad akong nag-research tungkol sa pasismo. maliban sa pagtukoy sa pandarahas ng estado, hindi malinaw sa akin ang pakahulugan ng konsepto ng pasismo. karaniwang ikinakabit sa konsepto ng pasismo ang totalitarianism. bukod dito, mahalagang salik ng pasismo ang naysunalismo, kolektibismo at bulag na pagsunod sa polisiya ng estado. madalas na ginagamit ang karahasan upang mapuwersa ang mga indibidwal at subject sa mapasailalim sa layon ng estado. isinusulong ng pasismo ang katatagan ng estado sa pamamagitan ng pagkakaisa. malinaw na nakikita ito sa mga ibinandilang islogan ng mga rehimeng marcos at arroyo: bagong lipunan at matatag na republika. hindi na kakatwa na sa dalawang rehimeng ito naganap ang pinakamalalang mga paglabag sa karapatang pantao sa pagsupil.
si palparan ay si kapitan vidal sa totoong buhay. ayon sa duktor ng asawa ni vidal na sumusuporta sa mga rebelde, ang pagsunod sa awtoridad nang di man lang kumukuwistiyon sa motibo at rationale ng mga utos ay ginagawa lamang ng mga tulad ni vidal. at ni palparan. di minsang pinapurihan ni arroyo si palparan sa pagsusulong nito ng kontra-insurhensyang programa ng pamahalaang arroyo. hindi ko malilimutan ang mga brutal at karumaldumal na mga larawan ng mga pisalang na aktibista sa mindoro na paulit-ulit kong napanood noong ginagawa ko ang hindi ko natapos na thesis.

kamakailan lamang, mismong si philip alston, espesyal na rapporteur ng UNHR hinggil sa mga extrajudicial na pamamaslang, ang nagbigay ng pahayag na nagdidiin sa rehimeng arroyo sa pagkunsinti nito sa pamamaslang sa mga aktibista at mamahayag. tinukoy mismo ni alston ang accountability ng afp at ng rehimeng arroyo. gayunpaman makikita na hindi lamang kinukunsinti ni arroyo ang mga pamamaslang kundi inuudyukan pa nito sa pamamagitan ng paglulunsad pa ng mas mababangis pang kontra-insurhensiyang programa at mapanupil na batas gaya ng ant-terrorism bill.

isang mahalagang elemento ng pan's labyrinth ay ang konsepto ng panahon at memorya. malilmit na pinakikita na minamasdan ni vidal ang kanyang orasan. nabanggit sa pelikulang na nang mamatay ang amang sundalo ni vidal sa isang digmaan sa aprika, sinira nito ang sariling orasan para mapahinto ito. ginawa ito ng nakatatandang vidal para sa imortalisasyon ng kanyang kagitingan na ipinamana sa anak. ang pang-alala ay sandata. ngunit mapaniil ang kolektibong gunita kung kinapon mula sa konteksto ng kasaysayan at interes ng nakakaraming pinagsasamantalahan. ginamit din ng mga diktador na sina hitler at marcos upang pagbuklurin ang lipunan tungo sa abstraktong konsepto ng nasyunalismo.

hindi ko inaasaahan na ganitong mga konsepto ang makukuha ko mula sa isang fantasy film. mayroon pa rin namang mga butas/flwas ang pan's labyrinth, pero hindi maikakaila na hindi lamang hungkag na pagka-aliw ang makukuha sa pelikula.
---


* pasintabi sa the wuds at kay ana morayta

Saturday, February 17, 2007

"...that he might jump--- that he sees how in one moment he could choose such an action."-sartre*

dumating siya sa panahong pinakabulnerable ang Tao.

sa kalagitnaan ng pag-aayuno, hinamon niya ang Tao. pinulot niya ang malamig at makinis na bato sa kanyang paanan at inilapat sa nakalahad na palad ng Tao:

"alam kong magagawa mo ito. ibsan ang gutom, gawing tinapay ang bato!"

nanuot ang lamig ng bato sa palad ng Tao-- gumapang sa kalamnan at buto, hanggang marating ng panlalamig ang sikmura. sa unang pagkakataon, tinanggihan siya ng Tao.

inilipad niya ang Tao sa taluktok ng bundok. ipinamalas niya ang lawak ng lupalop.

"malasin mo ang iyong kaharian! saklaw mo anuman ang abot ng iyong tanaw."

sinakmal ang Tao ng pagkalula. pakiramdam nito napuno ang baga ng sanlibong ipo-ipo. kaylawak ng kanyang saklaw. at siya, ang Tao, ay kaymumunti para sa lahat ng ito. di sasapat ang palad ng Tao para ang lahat ng ito'y magagap. di niya ito matatanggap.

di siya nakuntento. dinala niya ang Tao sa bingit ng bangin. at sa huling pagkakataon, hinamon ito:

"magpatihulog ka! tawagin ang mga anghel sa kalangitan at ika'y sagipin!"

umugong ang hangin mula sa kanluran at ibinudyong ang pangalan ng Tao sa sanlupalop. hindi natinag ang Tao. halos madali ng lintik na kidlat ang tagiliran ng Tao. hindi pa rin ito natinag. bumuhos ang malakas na ulan. ngunit hinding-hindi natitinag ang Tao.

magkagayunman, nahihintatakutan ang Tao. hindi lamang sa posibilidad na siya'y magpatihulog. higit sa lahat, nalula ang Tao sa kapangyarihan niyang taglay. sa tayog nang narating. sa kawalang hanggan. sa magkatuwang na pagnanais sa kapangyarihan at katubusan. dito, sa puwang na ito sa ubod ng Tao, dito siya nanahan magpakailanaman.

ang nais lamang ng Tao ay maisalba ang sarili. sa bingit ng bangin. sa pagdarahop. sa kawalan ng pag-aari.

paminsan-minsan, nahuhuli ng Tao ang sarili na lihim na nagsasanay sa paglikha ng tinapay mula sa bato. siya, ang Tao, ay tao lamang. at kung magawa man ng Tao ang magpatihulog, iyon ay hindi dahil gusto niyang siya'y maisalba pa. batid ng Tao hangga't nanahan sa puso niya ang takot, ang pangamba, hindi darating ang inaasam niyang katubusan. di niya magagawang magpatihulog. hindi.


----
*pasintabi kay VJ Rubio

Sunday, February 04, 2007

one for my baby and one more for the road

iginupo na naman ako ng lagnat, sipon at ubo nitong mga nakaraang araw. balak ko mang i-enjoy ang mahaba-habang pahinga (2 araw na akong absent sa trabaho), eh wala ako masyadong na-accomplish o nagawang produktibo. sinsisimulan ko pa lamang ang pagbabasa ng mrs. dalloway (bilang follow up matapos kong basahin ang the hours) at tanging the squid and the whale ni noah baumbach (kramer vs. kramer meets wonder boys, ayus!) ang napanood ko gayung ngayon lang uli ako nagkaroon ng ganito pahinga. pero hindi itong pagkakasakit ko ang point nitong entry na ito. nais ko lang i-recall ang mga pangyayari o bagay na recently ay kinaaliwan ko.

---

kahit papaano, naging maayos ang pagbubukas ng taon ko, maayos ang aking enero kahit na kalakhan ng panahon ko ay kinakain ng trabaho (hay, kalahati ng buwan ay nasa graveyard shift ako). nakailang pelikula rin ang napanood ko sa dvd: babel, the departed, loving annabelle, bayaning 3rd world, high art, kissing jessica stein, st. elmo's fire at imagine me and you (hehehe, bilangin ang L films dito). napanood ko rin ang ZZZ sa CCP with my hayskul friends. niregaluhan ako ni F ng concert dvds ni joni mitchell, ng simon & garfunkel at the who at ni G ng tootsie roll lip balm at sangkatutak na chocolates kontra depression(salamat, sobrang nagustuhan ko silang lahat) . natapos ko na rin sa wakas ang the hours ( jeeu, pasensya na, gutay-gutay na yung kopya mo).

---

dahil sa hindi pa naayos ang body clock ko magmula ng mag-graveyard shift ako 2 weeks ago, madalas nagigisng ako ng alas-7 kahit pa madaling araw na ako natulog. at dahil katatapos ko lang mabasa ang the hours, na-enjoy ko ang mga umagang umag tulad nang isang umagang napagpasyahan ni clarissa dalloway na siya na mismo ang bibili ng mga bulaklak para sa iho-host niyang party para sa isang kaibigan. at ako, inaako ko na ang pagbili ng pandesal sa panaderya sa may palengke (wahahahaha, para na akong baliw). kahit na pupungas-pungas ako pagdating ko sa trabaho, na-enjoy ko ang paggising sa umaga para lamang bumili ng pandesal at mag-agahan. parang buhay na buhay ako sa umaga, maraming naiisip pero parang walang pangamba.

---

bago ako nagkasakit, sinarado ko ang aking enero with a perfect night cap: isang one for my baby and one more for the road experience. umatak ako sa 70s bistro mag-isa (paumanhin kay W, punuan ang bigote with matching rannie raymundo pa kaya agad akong tumalilis). ito ang una kong bistro experience na may gig na nagaganap (hapon nun nung unang beses ako nakapasok ng bistro). kakaunti lang ang tao pero napagdesisyunan kong maupo sa bar to make it more perfect. tumutugtog sina johnoy and kakoy (na kalakhan ay cover songs mula sa dave matthews). at nalasing ako sa 2 sanmig light kaya umorder ako ng kape para mabalik sa huwisyo at matiwasay na makauwi ng bahay.

---

nung gabing iyon ko lang naramdaman ang isang uri ng kaligayahan. walang pangamba, walang regrets. sa unang pagkakaton naramdaman ko ang contentment. kahit na hindi ko magawa ang mga bagay na gusto ko, dumating mga pinakaasam-asam, maibalik ang mga nawala, kaya ko rin palang maging maligaya. corny ito, marahil pag binasa ko uli ang entry na ito ay mapapangiwi ako sa mga pinagsasabi ko. pero kung darating muli ang mga lonely nights and sad days, masasabi ko sa sarili ko na nagawa kong maging maligaya kahit paminsan-minsan lang. (iba ang epekto sa akin ni v, imbes malungkot ako ay naappreciate ko ang buhay:"fresh as if issued to children on a beach" 'life, london this moment of june," eheheh)

Monday, January 15, 2007

"it's that little souvenir from that terrible year which makes my eyes feel sore"

alas-kwatro ng madaling araw sa ikatlong lunes ng 2007. ngayon lang ako nagkaroon ng tiyaga na muling magsulat sa blog na ito. ngayon lang nabigyan ng panahon para gunitain ang mga pangyayari noong 2006, ikwento ang uneventful na paghihiwalay ng taon, at maglista ng mga resolution.

Kaydami nang nangyari at kaytagal nang paso ang mga kwento para pa mabanggit pa ang mga detalye dito. Para sa mga nakakilala at nakauunawa sa akin, siguro hindi na kailangan pang isa-isahin ang mga pagbabago at kawalang pagbabago sa buhay ko sa mga nagdaang araw/linggo/buwan/taon.

sinisimulan ko na ang pag-aayos ng buhay sa pamamagitan ng pag-aayos ng bookshelf. kaydami na rin palang libro/vcd/dvd ang nakolekta at nawala ko. Marami-rami pa ang nahiram at hindi pa nababasa/napapanood. makakatulong siguro sa akin kung muli akong gumawa ng mga listahan ng mga gamit na hiniram at ipinahihiram, mga bagay na gusto9ng bilhin at pangarap gawin. tuturuan ko ang sariling huwag mainip sa antisipasyon, sa halip, i-enjoy ang proseso nang sa ganun mabawasan ang anxiety pana-panahong umaatake.

kung meron mang naibunsod na kongkreto ang 2007, yun ay nararamdaman ko na sa katawan ko ang pag-usad ng mga oras. nababawasan na ang panahon ko. parang wala akong mapagkasya e wala naman talaga akong tunay na nagagawa. tumatanda na nga ba ako?

ilang buwan na lang bago matapos ang 23rd year ko sa mundo. 23 years old sina celine at jesse nang una nilang natagpuan ang isa't isa. baliw akong nag-iisip na kung walang maganap sa 23rd year ko eh hihintayin ko na lamang ang susunod na exciting na kabanata sa buhay ko pagsumapit ang ika-32 kong birthday, age kung kelan uli nagkrus ang landas nina celine at jesse. na may darating sa buhay ko, tao man, bagay o pangyayari, na makakapagpabago sa worldview ko at magbibigay ng ganap na direksyon. o di ba, at least may ni-look forward ako at hindi pa naman ganap na depressive. hehehe. sana, by that time, hindi man sumapit ang tunay at wagas na pag-ibig, ay natagpuan ko na ang passion ko sa buhay. at alam ko na ang gagawin ko, sana, sa wakas.

Monday, December 25, 2006

The Ultimate Survivor

Una ko siyang nakilala isang Sabado ng hapon noong Setyembre 2002. Kagagaling lang namin sa isang piket sa Camp Aguinaldo para gunitain ang ika-30 taong anibersayo ng deklarasyon ng Batas Militar. Inanyayahan siya ng organisasyon ko noon para sa isang hapon ng kape at kuwentuhan sa taluktok ng Vinzons Hall. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa payong, bukod kasi sa makulimlim, nagsisilbing tungkod na rin niya ang payong sa pagpanik sa ika-apat na palapag ng Vinzons.

May tatlumpu siguro kaming taimtim na nakikinig sa mga kuwento niya. Sariwang-sariwa pa sa kanya ang mga pangyayari noon. Binuod niya sa amin ang mapait niyang karanasan sa isang tula na siya mismo ang sumulat. Parang nararamdaman pa rin niya ang mga tadyak at kulata sa kaniyang tagiliran sa pagsambit niya ng bawat kataga. Sabik na sabik akong itanong sa kanya kung kilala ba niya ang mga tauhang dati-rati’y nababasa ko lang sa mga libro. Nabanggit ko ang pangalan ni Lorena. “Si Lorie,” wika niya at biglang naglumiwanag ang mga mata niya. Naalala niya ang mga dating kasama at kaibigang dumating at lumisan ngunit nag-iwan ng pitak sa kanyang puso at tatak sa mahabang tradisyon ng pakikisangkot at pakikibaka.

Hindi lang ito ang naging laman ng huntahan noon. Sa kanya ko natutunan ang hindi paglalagay ng asukal at cream sa brewed coffee. Iginugupo na rin kasi siya ng panahon at ng kanyang katawan. Hindi na naghilom ang mga sugat niya sa binti na kanyang natamo nang ma-ambush siya noong dekada ’80. Ang kwento pa nga, mayroon pang shrapnel na naiwan sa kanyang ulo. Magkagayunman, nagpapatuloy pa rin siya.

Hinikayat niya rin kaming maging vegetarian at huwag tangkilikin ang mga dairy products dahil sa masamang epekto hindi lamang sa tao kung di maging sa mga hayop na inaabuso sa ngalan ng mass production. Ganun na lamang ang pangangalaga niya sa kanyang katawan kaya’t katakatakang madali na siyang iginugupo ng mga sakit na kumakapit sa kanya. Hidni man niya ako nakumbinseng maging vegetarian, maraming bagay na rin ang natutunan ko mula sa hapong iyon.

Muli ko lamang siyang nakasalamuha nang mag-prerog ako sa klase niya sa PI noong 2004. Siguro hindi na niya ako natatandaan dahil sa madalas akong late o di kaya absent dahil alas-7 ang klase ko sa kanya. Laking gulat ko na lamang nang tawagin niya ako sa klase para i-congratulate nang mapili ako para pamatnugutan ang dyaryo. Kilala pala niya ako. Kilala pala niya ang bawat isa samin. Matalas pa rin ang memorya niya. Bukod sa gagap niya ang leksyon sa bawat session, kayrami niyang kuwentong ibinabahagi. Pinagsisihan kong madalas akong late at hindi naririnig ang bawat kuwento niya. Pakiramdam ko noon, kayraming bagay ang nais niyang ibahagi sa amin, higit kay Rizal, higit sa mababasa namain sa libro at readings.

Hindi na ako nakabawi sa kanya. Nang sunod na kunin ko bilang elective ang isang kursong itinuturo niya, lalong dumalas ang pag-aabsent ko. Ang laki ng tampo niya sa amin ng ilan kong kaklase dahil madalas na nga kaming wala, bihira pa kaming magsalita sa klase. Iyon pa naman daw ang pinakamabisang propaganda. Isa pang kasalanan ko sa kanya ay ang pagbinbin ko ng mga requirements sa subject na iyon. Kaya ganun na lamang ang panlalamig niya sa akin nang magpasa ako sa kanya ng completion form. Doon ko lang napansin ang pamamalat ng kanyang boses. Nagiging madalas na ang pagkawala ng boses niya at nagiging bagahe na sa kanya ang pagsasalita. Pero dahil sa dedikasyon niya, patuloy pa rin siyang nagtuturo sa kabila nang paghihirap niya sa pagsasalita.

Naging magaan na lang uli ang pakitungo niya sa akin nang iabot ko sa kanya ang isang poetry zine na gawa ng mga kaibigan bilang pagtugon noon sa deklarasyon ng state of emergency. Parang na-reassure ko siya kahit papaano na may pag-asa pa. Na kahit madalas ay binibigo namin siya, ay nagagawa pa rin naming ipakita na mahal din namin ang bayang ito katulad ng ipinamalas niyang pagmamahal dito. Hindi man namin mahigitan, magawa man lang naming bantayan ang kalayaang ipinaglaban niya nang maraming taon. Iyon ang inaasahan niya sa amin at sa mga susunod pa.

Kanina, muli ko siyang nakita ilang oras bago mag-Pasko. Bagamat tinutulungan ng aparato, lumalaban pa rin siya para magpatuloy. Wala man ang pamilya niya rito, matiyaga siyang binabantayan ng mga dating estudyante, kasama at kaibigan sa unibersidad at paaralan ng lansangan. Mga taong minsan niyang nakahuntahan, nasermunan at nabigyan ng aral. Sir Nic, hindi kayo nag-iisa, kasama niyo pa rin kami sa laban niyong ito. Hihintayin po namin ang inyong paggaling. Mahal namin kayo.

Thursday, November 16, 2006

Kaligta


I.
Itong paglingon
ay hindi simpleng pagbabaliktanaw,
hindi paghinto sa paglalakad dahil inabutan na ng hingal
hindi ganap na pagtalikod sa mga bagay na ‘di magawang harapin.

Itinakdang maging haliging asin sa Sodom
ang sinumang ipipihit ang leeg
para masdan ang pagkaagnas ng lungsod,
ng panahon at pagkakataon.
Ngunit isinumpa naman ng mga matatanda
na walang patutunguhan
ang mga di alintana ang pinanggalingan
ang mga di nagawang mamaalam.

Ang muni ng sandali
ay hindi kontra sa agos ng pag-unlad.
Hindi ako inaantala ng saglit.
Binabalisa ako ng pagkainip.

Ang paglingon kong ito
ay hakbang palabas sa kandili ng pananatili
pagbalikat sa bigat ng pag-alala
pagbalikwas sa halos natural nang proseso ng pagkaligta.


II.

(Nag-iiwan ng mga patlang at puwang
ang pagsapit ng gunita sa kalagitnaan
ng mga pangungusap at parirala.
Lihim na nililimot ng dila
kung paano bigkasin ang iyong pangalan.)

III.

Napagdesisyunan ko nang samsamin ang lahat ng mga gamit sa ibabaw ng kama. Hindi ko na magawang piliin kung alin ang dapat maiwan: huling nobela ni G na isinantabi at itinupi ang pahina ng Kabanata XV, kalawanging makinilyang natanggalan ng letrang A, salamin sa matang bali ang kaliwang tangkay, pinagbalatan ng mga regalo ng mga nagdaang pasko, anino ng kung sino na maingat na tinupi, dangkal-dangkal na polyetong di naipamudmod sa huling rali, talinghagang hiniram nang walang paalam, at buntonghiningang itinago sa kahon ng sapatos. Inempake ko nang lahat sa maleta bago mahigpit na ikinando.

Pumara ako ng taksi. Isinakay ko ang maleta sa likod nito. (Talaga nga palang kaybigat ng mga katawang nilagutan na ng hininga.)

“Nagtahan po.” Kumaripas ang taksi. Pumaspas ang metro. Naiwan akong nakatulala sa bintana.

Pumara ako pagdating sa eksaktong kalagitnaan ng tulay. “Bawal po.” Iniabot ko ang lamukos na pera. Nagkamot ng ulo ang drayber. Ibinaba ko ang dalang bagahe.

Hindi ko na kailangang ihagis. Sapat na ang bilis na itinakda ng pwersa ng grabedad. Sumisid muna ang maleta ng dalawang talampakan bago lumutang at mabagal na nagpatianod sa daloy ng maputik na ilog. (Ano nga ba ang tinig ng nalulunod? Magawa pa kayang tumakas ng mga salitang hindi nabigkas?)

Sinundan ko ng tingin ang maleta hanggang sa matawid na nito ang kabilang panig ng tulay. Madaling araw na nang maabot ng maleta ang dulo ng aking tanaw. Napagpasiyahan ko nang pumara ng dyip.

Pagdating ko sa bahay, dinatnan ko ang sariling sa sala pa rin nahihimbing.

__________________________
ang larawan ay mula sa cover ng "the ballad of sexual dependency," koleksyon ng photographer na si nan goldin