Sunday, May 29, 2005

fragments/figments

i."hindi laging kupas ang kulay ng nakaraan... maraming hindi nasasabi, maraming hindi nasusulat, pero marami rin ang hindi makakalimutan." -castroboy the great (naks, wehehehe)

pinagtatalunan namin ni castro isang gabi matapos mag-mini stop sa katipunan kung ano ang kulay ng nostalgia. kay castro, matitingkad lahat ng kulay sa bawat eksena tuwing sumsumpong ang nostalgia. pero para sa akin, nag-uumapaw ang aking balintataw ng kulay kahel. nakaantok na nakakahilo, pareho ng epekto ng pinahid na vicks sa gilid ng lente ng kamera.

ii."pinakamasakit ang alaala tuwing umuulan" -ricky lee (mula sa kabilang sa mga nawawala)

nung biyernes lang nanghuhulas ang diliman nang bumagsak ang namimigat at namumugtong kalangitan. nagkakape-yosi kami ni wrongbee sa grandstand habang pinagsasaluhan ang sandali. sa mga ganitong pagkakataon, masarap lang magpatianod sa daluyong ng alaala. ang dati palang tagline ng blog na ito ay galing sa maikling kwento ni ricky lee: "pinakamasakit ang alaala tuwing umuulan." pinakamasarap din itong pagsaluhan.

mula sunken kumain na naman kami ng makasaysayang miso sa dampa sa timog (kung saan suki na kami). nagpakaladkad ako kay wrongbee tulad ng dati. despedida ni d. at babalik na siyang utrecht, holland. anim na buwan din si d. sa pilipinas. sa dami ng problema ng bansa, malamang marami siyang karanasang babaunin pabalik at kahit papaano'y maunawaan kung bakit kinakailangang patuloy na bumalikwas. bagamat wala sa europa ang laban, umaalingawngaw ang kalunoslunos na kalagayan ng bansa saanman may pilipinong nakikibaka. hindi man kami lubos na nagkakilala ni d., hindi na rin naman kailangang madrama ang mga pamamaalam.

tinapos namin ang isang magandang gabi sa pakikinig ng bersyon ni eva cassidy ng fields of gold sa my brother's moustache sa scout borromeo.

iii."memory is a wonderful thing if you don't have to deal with the past." - celine/julie delpy (in richard linklater's before sunset)

huling linggo ng mayo, habang ang karamihan ay nasa kani-kanilang lakad, nasa bahay ako, naglulunoy na naman sa pangungulila. katatapos ko lang ayusin ang santambak na basura/alaala na naipon ko sa loob ng isang taon (kasabay ng pagtapon sa mga bagay na napag-isip-isip kong hindi ko na kailangan). pinakalma ko ang sarili sa pamamagitan ng panonood ng binili kong 3-in-1 na dvd (aviator, before sunset at after the sunset; ang akala ata ng mga pirata sequel ng before sunset ang after the sunset).

ayaw ko nang pag-usapan ang aviator, kahit na maganda naman ang opus na ito ni scorsese at kamanghamangha si cate balnchett bilang katharine hepburn. didiretso na ako sa ikaapat na beses kong panonood sa before sunset.

kinikilabutan pa rin ako sa tuwing inuumpisahan ko ang panonood sa sunset. malaking bahagi ang pelikula kung bakit ko tinawag ko ang blog kong dapithapon. isang mahaba-maikling talakayan ang paghihintay sa dapithapon. sa before sunset, sa loob lamang ng humigi't isang oras na usapan, halos isang dekada ang nilingon ni jesse at celine. kasabay tayo (bilang manonood) nila celine at jesse sa pagpansin kung ano ang nabago sa bawat tauhan. binabsa natin sa pagitan ng kawalang-patlang kung sino nga ba kina celine at jesse ang sinikal ang pagtingin sa mundo (na sa kalaunan ng pelikula ay sa relasyon; ganito naman tayo binuyo ng pelikula, mula sa labas paloob).

si celine ba ang sinikal? isang may pagka-neurotic na environmental activist (sabi nga ni edel garcellano, walang aktibista, kung gayon matinong tao, ang nasa matinong kaisipan). o si jesse? si jesse na naniniwala siyang “the world is getting better” dahil may mga katulad ni celine na gumagaw ng paraan para baguhin ang mundo.

nakakatuwang panoorin si julie delpy habang tinutuya ang pagkabarumbado ng bansa (maging ang kultura ng karahasan na may pagpapatungkol sa pag-aari ng baril sa US) ni ethan hawke bilang mamamayan ng US (“which imperialist country are you referring to?”). gayundin naman ang makailang ulit na pag-aakusa ni jesse sa impluwensiyang komunista sa babaeng pranses.

mula sa pagpoposisyon kay jesse at celine sa pamamagitan ng kanilang pampulitikang paninindigan (naks!), dito rin naman pumapasok ang usapan sa pagbabalik sa nakaraan (at kung gayon, sabay nito ay ang prospect ng dalawa sa hinaharap, o sa mas malapit na hinaharap). produkto ba ng pagtingin sa nakaraan na may panghihinayang ang sinisismo? ng ugnayan/diyalektika ng mga bagay na hindi nagawa at mga bagay na hindi na magagawa?

nagungulila tayo sa pag-alala dahil sa inuulila tayo sa paglikha ng alaala. nilisan tayo sa dapithapon ng ating buhay. araw-araw ang dapithapon. marami man tayong nakikilala at dumarating sa ating buhay, marami rin naman ang umaalis at nagpapaalam. sabi nga ni ana villaverde sa state of war ni ninotchka rosca (dada, pahiram ulit), "what strange paths we've crossed."

kung gaano kaikli ang oras sa madaling araw, ganoon din naman ang kakulangan ng panahon sa maghapon.

3 comments:

Anonymous said...

same here. ganun siguro talaga. baka memorioso din ako. wehehehe.

anamorayta said...

at isa pang kakatwa: bakit kaya tuwing may naaalala tayo -- kahit masasayang alaala -- nakakalungkot pa rin?

guillerluna said...

true. dahil ang pag-alala bilang proseso ay may kakabit na pangungulila (o longing). hehehe. sense ko lang.