hahagkan ng araw
ang dulo ng tanaw
dito niya sisimulan ang pagkulay
sa tubig ng kulay pula
hanggang sa maging kupas na kahel
ang nakalatag na katawan ng dagat
humihikab ang mga alon
sa tulad nitong dapithapon
pahihintuin ang langay-langayan
sa pagdagit ng bangus, tilapia
o kung anupamang laman-tiyan,
upang tirhan ang mangingisdang sa madaling-araw pa makakapalaot
upang may pasobrang maihahain sa hapag-kainan ng mag-anak
na masaya na sa isang maghapong bentahan sa bayan
o ng mga dayong namumualan
sa pagmamahal ng nagdarahop na komunidad
tiwalang pinagbubuklod sila ng iisang adhikaing
iahon ang nayong nasanay na sa pagtaas at paghupa ng tubig-alat
darating ang panahong
hindi na lamang sa madaling araw
papalaot ang mga mangingisda
o maging ang mga dayong walang alam sa pamamalakaya
ngunit masigasig umunawa sa mga alituntunin ng pangingisda
hindi na hihikab ang dagat sa pagkainip
12:04 AM; 18 Abril 2005
Haliging Asin
-Henesis 19: 25-26
I.
sabay nating binagtas
ang likaw ng sala-salabid na eskinita ng lungsod
minapa sa ating gunita
ang mga kalsadang tayo ang nagpangalan:
(ayon sa pagkakasunod-sunod)
diliman
katipunan
kalayaan
mendiola
(makakarating din tayo sa)
sangandaan
di tayo marunong maligaw
dito tayo tinuruang magkuyom ng kamao
at gurlisan ang natutuklap niyang pader
ng mga salitang hubad sa talinghaga
ngunit tigib ng kahulugan
nanangis ang lungsod
ngunit mas nadirinig ang panaghoy
nang-uudyok
ang libong kamao
matamang naghihintay (walang bantay-salakay!)
upang ang lintik ay dumating
nagsisimula ang lahat sa wakas.
walang pagbabagong hindi marahas.
II.
lisanin
ang lungsod
tibagin ang mga pader
basagin ang mga kalsada
burahin ang mga pananda
tupukin!
kapwa nating batid
(iniluluwal ng abo)
ang phoenix
walang nanaginip
(at tanging ang binabangungot lang)
ang di nagigising
walang natutulog
sa panahon ng pagbangon
wasakin ang lungsod!
III.
lumilingon, umuusad
sumungaw sa kaliwang mata
ang haliging-asing nagkatawang-tubig
dito bubukal ang dagat
(ah! ang dagat! hihikab ang dagat!)
sumusuntok
ang alaala
minsang dumadalaw
sa kay tagal, kay init
na tag-araw
sambit mo: hamunin ang panahon
kahit na gunita
huwag palinlang
kahit na sa sarili
lahat nga ba ng alaala’y
bakas ng luha?