
Atat akong gumawa ng bawal nung unang tuntong ko sa UP. Pagyoyosi, cutting classes, pagsama sa rally—mga bagay naman di talaga bawal pero takot akong gawin noon. Mas excited ako sa mga posibleng kong gawin sa bago kong “kalayaan” kesa sa mag-aral (kahit na nagpalit ako ng kurso sa ikatlo kong taon, na hindi ko rin natapos, di ko pa rin kinukunsidera ang sarili na nagpabaya sa pag-aaral. May personal na issue lang ako kaya siguro di ko natapos ang thesis ko. Charot!). Pero hindi rin naman ako mahilig gumimik. Sa UP ko lang din natuutnan ang ligaya sa pagpunta sa mga concert kahit na hindi ako rakista.
Para sa isang henerasyon na di ko na naabutan, marami sa mga bagay na di nila akalain magagawa nila ay naituro sa kanila ng mga awit ng Eraserheads. Matapos ang bagong kalayaan at pag-asang hatid ng dekada 80, muling naghanap ang kabataan ng kanilang espasyo at lugar sa mga sulok na kanilang ginagalawan. Sa Eraserheads silang natutong magmura at ilabas ang kanilang angas sa lipunang nagtatakda ng kanilang lugar at espasyo.
Kaya nga sigurong marapat lang na pambungad ng Eheads sa kanilang reunion concert ang kantang “Alapaap.” Tila isa itong parangal sa henerasyong tumangkilik sa kanilang musika. Minsan nang naging kontrobersyal ang Alapaap, nang tinangkang ipa-ban ito ni Tito Sotto dahil inuudyakan daw nito ang mga kabataan na gumamit ng droga. Pero malinaw ang mensahe ng kanta: “Ang daming bawal sa mundo/ Sinasakal nila tayo/ Buksan ang puso at isipan/ Paliparin ang kamalayan.” At sumunod na nga ang iba pang mga banda at kanta na may hawig ding tema: “Kung gusto niyo kaming sigawan/ Bakit hindi niyo subukan/ Lalo lamang kayong hindi maiintindihan. (Awit ng Kabataan, Rivermaya)”
Tulad ko, ni isa sa mga miyembro ng Eheads ay di pa grumadweyt sa unibersidad (naks! Kamusta naman ang pagjajustify sa di paggradweyt). Pero ang henerasyong binigyan nila ng boses at lakas ng loob na sumuway ay matagal nang lumabas sa mga unibersidad. Ang marami siguro’y nakakapagtrabaho na sa mga matatayog na gusali ng komersyo, ang iba’y nangibang bayan. Ang sigurado lang ay nakahanap na ang marami ng kani-kanilang lupalop, sulok o lugar sa lipunan.
Magkagayunman, patuloy ang pagdagsa ng bagong henerasyon ng kabataan, sa loob at labas ng unibersidad, na magtatangka pa ring sumuway at hanapin ang sariling lugar sa lipunan. Ang ilan nama’y mas mapangahas na sa halip na hanapin ang sariling lugar sa lipunan ay tatangkaing baguhin ito.
---
Dekada 90: Eraserheads*
by Kerima Lorena Tariman
Sa dyip, walkman, dorm. Kung bakit bumenta ang Chuck Taylors noong 1994. Kaya maraming nakyuryus sa salitang "alternatibo," sa LA 105.9, at sa Club Dredd. Kaya nasundan ng marami pang konsyerto ang "Bistro sa Amoranto." Sa clubs, telebisyon, malls. Kung bakit maraming recording companies ang naglakas-loob na mangontrata ng mga bagong banda. Kaya umalma ang senado sa mga "alternatibong kanta." Kaya taun-taon kang nanonood ng Elvis at UP Fair.
Sa klasrum.
Kaya pinag-aaralan sa Humanidades ang liriks ng "Ang Huling El Bimbo." Kung bakit pinaka-mainam na halimbawa ang studio work ng Eraserheads sa art studies subject mo sa ilalim ng prodyuser nilang tinatawag mong Sir Robin Rivera.
Mula Pop U!…Sa 87 nagsisimula ang student number ni Ely Buendia, bokalista, at gitarista ng Eraserheads. Pumasok siyang Film major sa Masscomm isang taon bago mapadpad si Raymund Marasigan (drums) sa parehong kolehiyo; si Marcus Adoro (gitara) sa CSSP; at si Buddy Zabala (bass) sa Eng'g. Napunta na si Buddy sa LibSci. Naka-sampung taon na ang STFAP. Nakita na natin sila sa magasin, etiketa, sine, internet, dyaryo, paskil, songhits, at libro. Marami nang estudyante ang gumawa ng thesis tungkol sa kanila pero hindi pa rin guma-gradweyt ang Eraserheads.
"Actually, nag-enrol kami sa UP para magbanda talaga, e, " sabi ni Ely. Sunday School ang pangalan ng nauna niyang grupo. Sina Marcus, Buddy at Raymund nama'y nasa bandang The Curfew, at minsan ding naging mga miyembro ng KontraGapi. Nabuo ang Eraserheads sa jamming sa dorm, nang iwanan sila ng mga kabanda. Lumanding sila sa mga pa-konsert sa loob ng UP. Ilang taon silang naging regular sa Club Dredd na nasa Timog pa noon. Nang ilabas nila ang demo tape na Pop U!, paborable ang naging rebyu ni Bomen Guillermo sa Philippine Collegian.
Banda raw ang dahilan kung bakit sila pumasok sa UP, "kaso," wika ni Raymund, "hindi kami tinanggap sa (College of ) Music kasi hindi kami marunong mag-sight read (ng nota)."
"Pero marunong kaming mag-read ng sights," dagdag ni Ely. Kahit sa simula'y hindi ganoon kagaling sa paghawak ng mga instrumento, ang pagiging sensitibo sa "pop music hooks" at "90s Pinoy pop culture" ang pinanghawakan ng grupo. Popular at "pang-masa" ang bansag sa kanilang musika. Gayunpaman, may pakiwaring esklusibo sa UP, halimbawa, ang isaw, tansan, at thesis sa "Ligaya," ang karakter ni "Shirley" na "naka-dress sa skwela…papunta sa CASAA," at ang pagmumukmok ng nagmumurang persona sa "Pare Ko." Bagamat pop, may hibo ng punk ang aktitud na ipinakita nila sa madla.
Nang tanggapin ng maraming tagapakinig ang ultraelectromagneticpop! na inilabas ng BMG Records noong 1993, kasabay nito'y sumabog ang isang "alternatibong" eksena na nagbigay-daan sa iba pang bandang kasama nila sa andergrawnd - Color It Red, Alamid, The Youth, at Yano, na banda rin mula sa UP.
…Hanggang Natin99Pitong taon at pitong album. Nalibot na nila ang Pilipinas. Wala nang Club Dredd kahit sa EDSA. Nakapag-endorso na sila ng serbesa't tsitsirya. Binansagan na silang bastos, baduy, at pa-Beatles. Mas uso na ulit ang basketbol kaysa sa gitara. At dahil nakita na natin ang Eraserheads sa magasin, etiketa, sine, internet, dyaryo, paskil, songhits, at libro - kakatwang minsa'y nakakalimutan ng ilan na meron nga pala silang musika.
Milya na ang layo ng ultraelectronmagneticpop! sa pinakahuling album na Natin99 - mula sa porma, eksperimentasyon sa tunog at instrumento, hanggang sa nilalaman at tema. Habang napaka-kongretong karanasang kalye ang ibinabahagi ng "Ligaya" o "Magasin" (Circus, 1994), abstrakto at 'matayog' na ang "Kaliwete" (stickerhappy, 1997) at ang "Maselang Bahaghari" (Natin99).
Kung paanong umukit ng pangalan ang Eraserheads sa eksenang kasama nilang nilikha sa gitna ng Dekada '90, ay dala syempre ng komersyal na tagumpay ng mga trabaho nila sa loob ng studio. Pero kasama ng multiplatinum ng Circus, matatagpuan ang komentaryo sa eksena at industriya ng musika sa seryeng-filler na "Punk Zappa." Maging ang mga bagong abstrakto't di-maintindihang kanta ng E'heads ay maaari pa ring tingnan bilang pagbasag sa nakasanayan nating mga titik at tugtog sa radyo - sa diwa ng "non-conformity" na aktitud na nila mula't sapul nang sumambulat ang banda.
"Apolitical kami," anila. Pag-aabolish sa ROTC ang tanging "mariing paninindigan" na nabanggit nila sa maigsi naming kwentuhan. Pero sa katunayan, sa pitong mahahabang taon na nagdaan - sa "Punk Zappa," sa tema ng di mabilang na kanta, at maging sa kanilang aktitud sa harap ng midya - nakagawa ang Eraserheads ng napakaraming political statements kahit hindi nila namamalayan. Ngayon, nakakalulang isipin ang mga mensaheng pwede pa nilang iparating - lalo na kapag nagkaroon sila ng sensitibidad at sensibilidad sa pang-unawa sa mas malawak na tungkulin ng isang popular na musikero.
Kung bakit sa buong Dekada '90, kwentong kalye ng apat na drop-out mula sa Diliman ang nagsumuot hanggang sa loob ng mga silid-aralan. Mas marami na silang nalaman sa labas ng UP, at mas marami pang gustong makita sa labas ng bansa. May balak pa ba silang bumalik sa skwela?
"Siguro," sabi ni Buddy. "Kung wala nang classcards."
"Kung di na uso ang pera…" tapos ni Marcus.
*mula sa ispesyal na isyu ng Kule na
Dekada 90