Monday, August 11, 2008

muni sa pagtanda

inisip ko noong bata pa ako na kahit papano naman siguro'y may isang milyong piso ang halaga ng lahat ng pag-aari ng pamilya namin. kahit na hindi sa amin ang bahay na tinitirhan namin, naisip kong mas nakaalwan pa rin kami kung ikukumpara sa ibang mga kalaro at pinsan ko. linggo-linggo kaming nakakapag-mall (bago pa lang noong galleria, sta lucia at megamall). naka-enrol kaming magkakapatid sa mga pribadong paaralan at hatid-sundo ng school service. nakabili ng second-hand na kotse ang tatay ko na ginagamit niya sa pagpasok sa opisina sa may ortigas.

kung ikukumpara ko ang pamumuhay namin noong mas bata pa kami sa ngayon, tiyak na mas ok kami noon. hayskul ako nang magsimulang bumababa nang husto ang pang-ekonomyang katayuan namin. nang tumigil ako sa pag-aaral, nagresign ang daddy ko sa pinagtatrabahuhan niya.

lalo pang humirap ang buhay namin sa ngayon. kinalkula ko ang pinagsamang buwanang sahod namin ng mommy ko at ikinumpara sa estadistika ng poverty threshold na pinag-aaralan ko sa opisina. konti na lang ay mapapabilang na kami sa 70 porsyento ng mga pilipinong naghihirap. kung tutuusin, liberal pa nga ang ginamit na pamantayan ng gobyerno. maaari ngang isa na kami sa lumalawak na bilang ng mga mahihirap sa bansa.

at ramdam na ramdam ko ito. higit sa kalahati ng sweldo ko ay napupunta sa mga bayarin sa bahay: kuryente, telepono, LPG at bahagi ng pamalengke. sagot ng tatay ko yung bill sa tubig mula sa dilihensya niya sa pagtitinda ng yelo. di ko na idedetalye ang kumplikadong dahilan ng di namin pagbabayad ng renta sa bahay. binali na ng mommy ko ang panuntunan niya sa buhay tungkol sa di pangungutang. nauubos ang sahod niya sa pagbabayad ng amortization ng mga loan sa gsis, sss at pag-ibig.

sinara na ng mommy at daddy ko ang kani-kaniyang account sa bangko. di ko na magawa pang magbukas ng sariling account sa bangko para sa kung anumang natitira sa sahod ko buwan-buwan dahil nagagalaw at nagagalaw pa rin naman ito sa mga pangangailangan sa bahay. kung kailan pa tumaas ang presyo ng mga bilihin at ng pamsahe, kailan pa ako nawalan ng raket.

hindi man ako maluho, hindi rin naman ako nakakapag-ipon. di nga ako bumibili ng damit. puro hand me down ng mga kamag-anak na singlaki ko ang mga isinusuot ko. ang tanging bisyo ko lang ay pagbili ng mga libro at dvd (na naiipon lang na hindi ko nababasa at napapanood).

ilan sa mga kaibigan ko ang naniniwala sa simpleng pamumuhay. wala akong choice kundi mamuhay ng simple. (pero maaari din naman tingnan na pinili kong magtrabaho sa isang NGO at hindi sa isang malaking kumpanya.) iniisip ko pa rin hanggang ngayon na tapusin ang thesis ko para makagradweyt na. bukod sa tinik ito sa lalamunan, maaaring maraming oportunidad ang magbukas kung mayroon na akong degree. maaari na akong mag-aral at magtrabaho sa ibang bansa. maaari na ring magbago ang takbo ng pamumuhay ng pamilya namin.

ito nga ba ang gusto ko? sa tingin ko, kung yun at yun lang ang dahilan, matagal ko na sanang tinapos ang thesis at tineyk-advantage ko na ang lahat ng magagandang oportunidad. alam kong hindi lang iyon ang gusto ko.

ang hirap hanapin ang gusto kong gawin at mangyari sa gitna ng krisis na nararanasan ng bansa at, sa kongkreto, ng pamilya ko. simple lang naman ang gusto kong mangyari. sabi ko nga sa isang kaibigan sa isang makabagdamdaming tagpo, tatlong bagay lang ang gusto kong gawin: tulungan ang mga magulang ko, gawin ang mga bagay na ikasasaya ko at gumampan ng tungkulin para sa isang adhikaing higit sa aking sarili. pero di rin pala sila simple dahil higit na mahirap na tuparin ang mga ito. nang sabay-sabay. lagi't laging may isinasaalang-alang at kinukunsidera, tinitimbang at pinagdedesisyunan.

iniisip kong hindi makatarungan para sa mga magulang ko na kung kailan sila tumatanda, kailan pa lalong humirap ang buhay nila. limang taon na lang, magreretiro na ang mommy ko pero wala pa rin siyang naipupundar para sa sarili. malupit ang ganitong sistemang hindi magagawang kumalinga ng mga matatandang walang ginawa sa buhay nila kundi magtrabaho at lumikha ng yamang pinakikinabangan ng iilan. hindi kaugaliang pyudal ang nagtutulak sa akin para tumulong sa mga magulang ko sa kanilang pagtanda. hindi rin pagbabayad utang.

paano nga ba pagsabayin ang tungkulin sa bahay at lipunan, at magkapanahon pa para sa sarili? iniisip kong, kailangan ko lalong magpursige dahil hindi na lang sarili ko ang kailangan kong isipin. dito pa lang, punung-puno na ang listahan ng mga gagawin ko sa araw-araw.

No comments: