Saturday, February 09, 2008

pag-ibig, masdan mo ang ginawa mo

* halaw sa Love in the Time of Depression ni VJ Rubio
(sampung pelikula ng pag-ibig at pagpapakasakit sa linggo ng mga puso)


Pagbilang mo ng sampu, hubad na ang mga hanger sa nakabukas na cabinet. Nauna nang kumaripas ang anino palabas ng ibinagsak na pinto. At ang langitngit ng kalawanging gate ang tumapos sa usapan. At ikaw? Iniwan kang nagmumukmok ng kasawian sa iyong kwarto. “Not again,” sambit mo sa sarili. Sinu ba kasing nagsabi na ang pag-ibig na wagas ay katubusan sa mga nanampalataya dito? Pag-ibig ang marahang dampi ng balahibo sa pisngi. Ngunit pag-ibig din ang labahang susugat sa iyong leeg.

At bilang pakonsolasyon, nagluto ka ng paborito mong pasta. Nilabas mo ang pinakamahal na alak mula sa pantry. Sumalampak ka sa sopa. Inabot ang remote. Humarap sa telebisyon, at humanap ng karamay at kasalo sa pighati at kasawian sa mga tauhan ng masikip, mumunti at kwadrado mong mundo.

---
  1. Separada (Chito Roño)


“I don’t need a parasite!” pagtatakwil ni Maricel kay Edu. Hindi nga ba’t pag-ibig ang parasitikong nabubuhay lamang sa dugo ng kanyang biktima? Sooner or later, ikaw ay masasaid, matutuyo, at wala nang maibibigay. At matatauhan.

  1. Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (Aureus Solito)
“Balikan ang tamis at pait ng unang pag-ibig.” Growing pains. Hindi dysmenorrhea o tuli ang unang magpapasakit sa iyong puso(n), kundi ang unang pag-ibig na imposible’t di makakamit. Pag-ibig ang unang bahid sa inosente at dalisay mong puso.

  1. Lost in Translation (Sofia Coppola)
Unibersal daw ang pag-ibig. Walang lenggwaheng katulad ng pag-ibig ang higit na nauunawaan ng bawat lahi sa mundo. Ngunit, sa tuwina, dayuhan ka pa ring sumusuong sa tuwing sinasambit mo ang mga mailap na katagang “minamahal kita.” O magawa nga bang pakawalan ito ng tikom mong mga labi?

  1. Happy Together (Wong Kar Wai)
Pag-ibig daw ay ang pagtalon sa kawalang kasiguraduhan. O pagtayo sa bingit ng rumaragasang talon. Ngunit kung ang lahat ng ito’y tapos na, mamasdan mo ang sariling nagkalurayluray sa paghampas ng malupit na tubig mula sa taluktok ng bundok. At ang tanging maisasalba mo ay ang souvenir na table lamp kung saan ipininta ang pinakaiibig mong Iguaçu Falls.

  1. Brokeback Mountain (Ang Lee)
“All we have is Brokeback Mountain!” Paano kung ang tanging saksi sa inyong pag-ibig ay isang di natitinag na bundok? Ito ba ay tanda ng inyong di nagmamaliw na pagmamahalan? O ng pag-iibigang walang patutunguhan?

  1. Before Sunset (Richard Linklater)
Lagi’t lagi tayong may binabalik-balikan. Lagi ring may pinakamamahal at nakahihigit. Ngunit ang pinakamasakit ay ang katotohanang ang saglit na pag-ibig ay haplit lang na nanatili habambuhay. Pilit kang gumagawa ng karugtong katulad ng kapag ika’y nagising mula sa pananaginip. Pag-ibig nga ba ang epilogong isinusulat sa matagal nang tapos na kabanata?

  1. Kung Mangarap Ka’t Magising (Mike De Leon)
Ang gamot nga lang ba sa sawing pag-ibig ay pag-ibig din? Pag-ibig ang kubling mga sulok kung saan nagtatago ang mga tulad mong may tinatakasang nakaraan at nagbabakasakaling makakasapat ang mga saglit at sandali.

  1. In the Mood for Love (Wong Kar Wai)
Pag-ibig ang mga masisikip at marurungis na eskinitang magdadala sa iyo sa mga pagdududa. Ngunit ito rin ang tatahakin mo para matagpuan ang sarili. Dito mo madadarama ang mga mahihigpit na yakap na hindi mo magawang ibalik at ipadama. Saka mo ibubulong sa butas na ikinutkot mo sa katawan ng puno ang mga panghihinayang at pinakawalang pagkakataon.

  1. Amores Perros (Alejandro Gonzalez Inarittu)
“Love’s a bitch.” Ang pag-ibig ay ang asong ulol sa interseksyon ng mga pagkakataon. Handa ka nga bang magkasala sa ngalan ng pag-ibig? Ano ang kaya mong talikuran? Magagawa mo bang pakawalan ang asong ulol mula sa pagkakatali nito sa poste? O ang pumaspas kahit sumindi na ang red light?

  1. Eternal Sunshine of the Spotless Mind (Michel Gondry)
Hindi natuturuan ang pusong umibig. Mas lalong hindi ito natuturuang lumimot. Walang tabula rasa pagdating sa pag-ibig. Pag-ibig ang mabagsik na virus na di maalis-alis ng Norton, AVG o ng Kaspersky. At ang tangi mo lang magagawa ay ang mag-reboot at mag-reformat.

---

Paglabas ng end credits, kukusutin mo ang namumugto mong mga mata. I-o-off ang TV at ang DVD player. Ililigpit ang naiwang kalat. Agad kang makakatulog dahil sa pagkalango sa isang bote ng red wine. At paggising mo sa umaga, matapos mong mag-shower, at habang nagkakape, masasambit mo sa sarili: “I’m ready for a new love.” Handa ka na uling pagdaanan ang lahat ng ito.



**pasintabi kina vj at dada, mga patron ng mga mangingibig

No comments: