
di ako mahilig sa mga sorpresa, pero sadyang nakapapawi ng lumbay ang mga tawag na di inaasahan pero inaasam-asam:
Walang Paglimot (Sonata)
No Hay Olvido (Sonata)
ni Pablo Neruda
salin ni Romulo P. Baquiran, Jr.
Kung tatanungin mo ako kung saan nagmula,
dapat kong sabihing "Maraming nangyari."
Dapat akong magsaysay ng lupang
nagpaitim sa mga bato,
sa mga nasirang ilog sa katagalan nito,
wala akong alam sa mga bagay-bagay
liban sa nawaglit ng mga ibon,
ang iniwan kong dagat, o kapatid na babaeng lumuluha.
Bakit napakaraming pook? Bakit naipon sa bibig
ang gabing pusikit? Bakit may mga patay?
Kung tatanungin mo ako kung saan nakarating,
dapat kong kausapin ang mga nasirang bagay,
ang kagamitang nagdurusa ng labis,
ang malalaking hayop na palagiang naaagnas,
at ang sawi kong puso.
Hindi ito mga gunitang nagkurus ng landas
o ang naninilaw na kalapating nakahimlay sa paglimot,
ito'y mga mukhang lumuluha
at mga daliri sa ating lalamunan
at anumang napigtal sa piling ng mga dahon:
ang lumipas na dilim ng isang araw,
ng isang araw na nasandat sa ating
nalulumbay na dugo.
Ito'y biyoleta, langay-langayan,
lahat ng inibig natin at matutunghayan
sa malalambing na tarhetang may mahabang kolang
dinaraanan ng panahon at ng katamisan.
Ngunit hindi tayo makaigpaw sa mga ngiping ito,
hindi natin makagat ang mga talukab
na inipon ng katahimikan,
dahil hindi ko batid ang sagot:
kay-raming mga patay,
at kay-raming dikeng pinigtas ng pulang araw
at kay-raming ulong bumunggo sa mga barko
at kay-raming palad na lumikom sa mga halik
at kay-raming bagay na nais kong limutin.
---
salamat kina js at jc, at sa iba pang nagbasa sa akin ng tula isang gabing pusikit
No comments:
Post a Comment