
pero siguro ito na rin naman ang tamang pagkakataon para pag-usapan ito. napakarelevant din kasi ng issue na ito sa atin. panahon na naman kasi ng graduation (at hindi ako kasama sa mga gagaraduate) at malaking bilang na naman ang madadagdag sa statistics ng unemployed ang mga kabataan. mayor kasing usapin sa bagong batas ng france ay ang optional na pagteterminate ng mga kompanya sa mga empleyadong kabataan (26 years old pababa) ng walang sapat na batayan kung lumampas na ito sa takdang dalawang taong pagtatrabaho . ang rationale ng gubyerno ng france, sa pangunguna nina villepin at chirac (afraid parliamentary system sila, baka ganito rin ang mangyari kung maaprubahan ang chacha, or worse) ay matutugunan daw ng batas na ito ang mataas na unemployment rate sa bansa. mas maaccomodate daw ng industriya ang mga kabataan sa ganitong sistema dahil sa mas maikli ang panahon na maari silang magsilbi sa mga kumpanya.
hindi kakaiba ang batas na ito sa mga patakarang ipinapatupad sa bansa natin. katunayan, mas malala ang batas paggawa sa pilipinas o ang tinatawag na herrera law (kakatwa na tinatawag ni boy herrera ang sarili bilang unyonista at para sa mangagawa). sa batas na ito, pinapahintulutan ng pamahaalaan ang kontraktwalisasyon. ang mas karumaldumal pa dito ay anim na buwan lamang ang palugit kung saan may option ang mga employer na i-renew o tanggalin ang isang empleyado. di tulad sa france, walang sinisino ang batas na ito. hindi lamang kabataan ang tatamaan, kahit sinong manggagawa ay saklaw ng mapagsamantalang batas na ito regardless of age, ika nga.
parehong nahaharap ang dalawang bansa sa tumataas na bilang ng mga unemployed taun-taon. at lagi't laging paling ang mga solusyon ang ipinapataw ng mga pamahalaan. sa kaso ng pilipinas, ipinagmamalaki ng administrasyong arroyo na umaabot sa 103, 000 ang nabigyan ng trabaho sa mga nagsulputang call centers sa bansa. malaki daw ang naitutulong nito sa pag-unlad ng ekonomya. pero ang simpleng mag-aaral ng kahit na liberal na economics 101 ay alam na hindi na binibilang sa gross domestic product ang kinikita sa call center, tulad ng mga ofws dahil itinuturing na outsourcing ito ng mga kumpanya ng iba't ibang bansa.
ang kalunos-lunos pa dito, maging ang mga propesyunal ay naitataboy sa pagko-call center (kahit ako ay natetempt na minsan na mag-apply dahil sa kahirapan ng buhay). hindi na nga nakakapag-contribute sa pag-unlad ng bansa, hindi pa lalo sa pagpapaunlad ng mga empleyado. totoong nakakatugon ito sa maraming pangangailangan ng mga empleyadol at ng kanilang pamilya. pero hindi nito naitutulak ang bawat indibidwal na umunlad ayon sa kanilang skills at training na napag-aralan ng matagal na panahon sa paaralan. matagal nang basag ang mito na ang pag-iingles ay sukatan ng pagiging marunong ng isang tao. naaalala ko tuloy ang titser ko sa english nung high school. sabi niya, nakakabobo raw ang pagtatrabaho sa pabrika ng kendi kung saan napaka-mekanikal ng mga gawain. wala namang pinagkaiba ito sa call center kung saan ang pagiging pasensyoso at matiyaga ay bahagi ng isang mekanikal na proseso ng pagsagot sa telepono o paghanap ng mga posibleng kustomer sa amerika. isang kaibigan ko nga ang nagsabing naging masungit at maiinitina ng ulo niya magmula nang nagcall center siya. pero hindi naman niya maikakaila na kumikita siya mula rito. pero alam naman nating hindi ito sasapat para tugunan ang laganap na kahirapan sa bansa.
nakagalit pa ang sinabi ni trade secretary favila na kaya marami raw ang walang trabaho ay dahil sa mapili raw ang mga pinoy. parang gusto niyang sabihin na kunin na lang kung anong meron at ipiangkakaloob ng pagkakataon. mahirap tayo kaya wala tayong choice. kaputahan!
sa france kung saan nakaamba na ang pagbabago batas paggawa kaugnay ng mga batang empleyado, nag-aapoy na ang galit nila. patunay ang milyun-milyong nagprotesta. mangilan-ngilan pa nga ang naging bayolente at gumagamit ng molotov para ipadama nila ang silakbo ng kanilang galit sa isang pamahalaang nagtatangkang supilin ang kanilang demokratikong karapatan para magtrabaho. habang sa bansa natin, mas malala na ang usapin kung saan sagad-sgarang tinatalikuran na ng gubyerno ang tungkulin nito sa mamamayan sa pamamagitan ng nakaambang ChaCha, patuloy pa nitong sinusupil ang karapatan ng mamamayang lumalaban sa pamamagitan ng mga pagpaslang sa mga aktibista at sa pagpasa ng anti-terrorism bill sa kongreso.
sa mga susunod na araw, ako mismo ay nangangailangan nang sumabak sa paghahanap/pagtatrabaho. ilang linggo na lang ay mayo uno na naman. sana matularan natin ang nag-aalab na pagtutol ng mga pranses sa anumang pagtatangkang sikilin ang ating karapatan hindi lamang sa paggawa kundi para mabuhay nang marangal.
hanggang sa maunawaan ng mga taong nakapaligid sa atin na wasto ang pakikipaglaban. na higit sa lahat, wasto ang pakikibaka para sa isang mas maaliwalas, makatarungan at mas malayang bukas(pero pwedeng i-delete ang "mas" kasi hindi naman talaga maaliwalas, makatarungan at malaya ang kasalukuyang lipunan). gaano man ka-ideyalista/romantiko ang ating pananaw. hanggang sa hindi na lamang sinematiko ang pakikipagtunggali kundi isang katotohanang dapat na isabuhay. at ang isang hakbang nito ay ang pagpapatalsik kay arroyo na numero unong sagka sa pag-unlad hindi lamang ng bansa kundi ng bawat indibidwal. (charot! ahahahaha. para maka move on na di ba?)
(ang mga litrato ay nagmula sa website ng bbc)
3 comments:
true, nkakarelate ako jan. hehe.
ako din. hindi pa rin kasi ganoon kalawak ang information drive tungkol sa mga karapatan ng manggagawa. naroon din kasi ang pagpipigil ng gobyerno sa ganitong aksyon. haaaay.... anyway, napanood ko din pala yung the dreamers. at na-wirduhan ako sa ending. wala lang. :]
hi fujie. what if a few months later sumiklab naman ang riots dito sa pinas? diba historically a few months/years later nung paris riots naganap ang first quarter storm? tama ba history ko. hay. miss you kape tayo.
Post a Comment