
Awit ni Joni*
Ana Morayta
Ano e, pagod si Joni noon, naalala kong sinabi niya
Minsan sa Bigote: Pagod ako Mami
Sabay ubo, malalim at dumadarang –
Nakarinig ako ng gasgas sa lalamunan
Isang kanta lang, isang Brickell o Chapman,
Sabi ng mga taong medyo lasing na
At sentimental sa isang gabi
ng muling pagkikita
at pag-alis ng isang kasama
E ganun naman ata talaga, hindi ba't
magkatuwang ang pagtatagpo at paglisan
Dahil wala namang bigat ang paglisan
kung hindi iyung nais mong makatagpo ang magpapaalam
At ano lang nga ba naman ang muling pagkakatagpo
kung hindi siya ang iyong inaasam?
Dahil kahit tila wala kang magawa,
Sa katunayan e ang pag-ibig ay isang pagpapasiya
Ang pag-ibig ay pagpanig
At pagkitil sa kabilang hindi mo pinili
At pagkikipagtitigan sa mata
O pagpapaputok ng mga buto sa daliri
At marami pang iba,
Pero mabalik nga tayo sa kwento,
Na isang gabi sa Bigote pinapakanta,
Pero pagod na itong ating kasama
Pero - kumanta pa rin - kumanta si Joni
Pinunit ng boses niya ang hatinggabi.
May bahid ng paos
Nagpapaalala ng dausdos ng usok ng yosi
at matagal na paghihintay.
Pagpupuyat paglalakad at paglalakbay
Pabulong at humahagod sa ilang bahagi
Parang nanunuyo at nanunukso
Parang humihimas sa katawang hapo
Malutong at marahas kung bumirit,
Galit at nag-aalimpuyo
Sa sagasa ng pakikipag-iibigan
O sa malupit na panahon
Sa hilalil at panlilinlang
Sa walang katarungan
Sa mga sandaling nasayang
Sa pagpapatuloy
At sa bukas na sinusubukang mabago
Tuluy-tuloy lang.
At maalala ko lang,
Nung gabing umawit si Joni
Nakita n'yo ba kung paanong bago siya tumayo
Ay marahan at mariing hinaplos ni Anton
ang isang eksaktong lugar sa kanyang likod niyang hapo.
________________________________________
*mula sa Kasal sa Apoy at iba pang Nagbabagang Balita
1 comment:
testing.testing
Post a Comment