Sunday, August 31, 2008

Dekada 90: Eraserheads

Atat akong gumawa ng bawal nung unang tuntong ko sa UP. Pagyoyosi, cutting classes, pagsama sa rally—mga bagay naman di talaga bawal pero takot akong gawin noon. Mas excited ako sa mga posibleng kong gawin sa bago kong “kalayaan” kesa sa mag-aral (kahit na nagpalit ako ng kurso sa ikatlo kong taon, na hindi ko rin natapos, di ko pa rin kinukunsidera ang sarili na nagpabaya sa pag-aaral. May personal na issue lang ako kaya siguro di ko natapos ang thesis ko. Charot!). Pero hindi rin naman ako mahilig gumimik. Sa UP ko lang din natuutnan ang ligaya sa pagpunta sa mga concert kahit na hindi ako rakista.

Para sa isang henerasyon na di ko na naabutan, marami sa mga bagay na di nila akalain magagawa nila ay naituro sa kanila ng mga awit ng Eraserheads. Matapos ang bagong kalayaan at pag-asang hatid ng dekada 80, muling naghanap ang kabataan ng kanilang espasyo at lugar sa mga sulok na kanilang ginagalawan. Sa Eraserheads silang natutong magmura at ilabas ang kanilang angas sa lipunang nagtatakda ng kanilang lugar at espasyo.

Kaya nga sigurong marapat lang na pambungad ng Eheads sa kanilang reunion concert ang kantang “Alapaap.” Tila isa itong parangal sa henerasyong tumangkilik sa kanilang musika. Minsan nang naging kontrobersyal ang Alapaap, nang tinangkang ipa-ban ito ni Tito Sotto dahil inuudyakan daw nito ang mga kabataan na gumamit ng droga. Pero malinaw ang mensahe ng kanta: “Ang daming bawal sa mundo/ Sinasakal nila tayo/ Buksan ang puso at isipan/ Paliparin ang kamalayan.” At sumunod na nga ang iba pang mga banda at kanta na may hawig ding tema: “Kung gusto niyo kaming sigawan/ Bakit hindi niyo subukan/ Lalo lamang kayong hindi maiintindihan. (Awit ng Kabataan, Rivermaya)”

Tulad ko, ni isa sa mga miyembro ng Eheads ay di pa grumadweyt sa unibersidad (naks! Kamusta naman ang pagjajustify sa di paggradweyt). Pero ang henerasyong binigyan nila ng boses at lakas ng loob na sumuway ay matagal nang lumabas sa mga unibersidad. Ang marami siguro’y nakakapagtrabaho na sa mga matatayog na gusali ng komersyo, ang iba’y nangibang bayan. Ang sigurado lang ay nakahanap na ang marami ng kani-kanilang lupalop, sulok o lugar sa lipunan.

Magkagayunman, patuloy ang pagdagsa ng bagong henerasyon ng kabataan, sa loob at labas ng unibersidad, na magtatangka pa ring sumuway at hanapin ang sariling lugar sa lipunan. Ang ilan nama’y mas mapangahas na sa halip na hanapin ang sariling lugar sa lipunan ay tatangkaing baguhin ito.

---


Dekada 90: Eraserheads*
by Kerima Lorena Tariman

Sa dyip, walkman, dorm. Kung bakit bumenta ang Chuck Taylors noong 1994. Kaya maraming nakyuryus sa salitang "alternatibo," sa LA 105.9, at sa Club Dredd. Kaya nasundan ng marami pang konsyerto ang "Bistro sa Amoranto." Sa clubs, telebisyon, malls. Kung bakit maraming recording companies ang naglakas-loob na mangontrata ng mga bagong banda. Kaya umalma ang senado sa mga "alternatibong kanta." Kaya taun-taon kang nanonood ng Elvis at UP Fair.

Sa klasrum.

Kaya pinag-aaralan sa Humanidades ang liriks ng "Ang Huling El Bimbo." Kung bakit pinaka-mainam na halimbawa ang studio work ng Eraserheads sa art studies subject mo sa ilalim ng prodyuser nilang tinatawag mong Sir Robin Rivera.

Mula Pop U!…
Sa 87 nagsisimula ang student number ni Ely Buendia, bokalista, at gitarista ng Eraserheads. Pumasok siyang Film major sa Masscomm isang taon bago mapadpad si Raymund Marasigan (drums) sa parehong kolehiyo; si Marcus Adoro (gitara) sa CSSP; at si Buddy Zabala (bass) sa Eng'g. Napunta na si Buddy sa LibSci. Naka-sampung taon na ang STFAP. Nakita na natin sila sa magasin, etiketa, sine, internet, dyaryo, paskil, songhits, at libro. Marami nang estudyante ang gumawa ng thesis tungkol sa kanila pero hindi pa rin guma-gradweyt ang Eraserheads.

"Actually, nag-enrol kami sa UP para magbanda talaga, e, " sabi ni Ely. Sunday School ang pangalan ng nauna niyang grupo. Sina Marcus, Buddy at Raymund nama'y nasa bandang The Curfew, at minsan ding naging mga miyembro ng KontraGapi. Nabuo ang Eraserheads sa jamming sa dorm, nang iwanan sila ng mga kabanda. Lumanding sila sa mga pa-konsert sa loob ng UP. Ilang taon silang naging regular sa Club Dredd na nasa Timog pa noon. Nang ilabas nila ang demo tape na Pop U!, paborable ang naging rebyu ni Bomen Guillermo sa Philippine Collegian.

Banda raw ang dahilan kung bakit sila pumasok sa UP, "kaso," wika ni Raymund, "hindi kami tinanggap sa (College of ) Music kasi hindi kami marunong mag-sight read (ng nota)."

"Pero marunong kaming mag-read ng sights," dagdag ni Ely. Kahit sa simula'y hindi ganoon kagaling sa paghawak ng mga instrumento, ang pagiging sensitibo sa "pop music hooks" at "90s Pinoy pop culture" ang pinanghawakan ng grupo. Popular at "pang-masa" ang bansag sa kanilang musika. Gayunpaman, may pakiwaring esklusibo sa UP, halimbawa, ang isaw, tansan, at thesis sa "Ligaya," ang karakter ni "Shirley" na "naka-dress sa skwela…papunta sa CASAA," at ang pagmumukmok ng nagmumurang persona sa "Pare Ko." Bagamat pop, may hibo ng punk ang aktitud na ipinakita nila sa madla.

Nang tanggapin ng maraming tagapakinig ang ultraelectromagneticpop! na inilabas ng BMG Records noong 1993, kasabay nito'y sumabog ang isang "alternatibong" eksena na nagbigay-daan sa iba pang bandang kasama nila sa andergrawnd - Color It Red, Alamid, The Youth, at Yano, na banda rin mula sa UP.

…Hanggang Natin99
Pitong taon at pitong album. Nalibot na nila ang Pilipinas. Wala nang Club Dredd kahit sa EDSA. Nakapag-endorso na sila ng serbesa't tsitsirya. Binansagan na silang bastos, baduy, at pa-Beatles. Mas uso na ulit ang basketbol kaysa sa gitara. At dahil nakita na natin ang Eraserheads sa magasin, etiketa, sine, internet, dyaryo, paskil, songhits, at libro - kakatwang minsa'y nakakalimutan ng ilan na meron nga pala silang musika.

Milya na ang layo ng ultraelectronmagneticpop! sa pinakahuling album na Natin99 - mula sa porma, eksperimentasyon sa tunog at instrumento, hanggang sa nilalaman at tema. Habang napaka-kongretong karanasang kalye ang ibinabahagi ng "Ligaya" o "Magasin" (Circus, 1994), abstrakto at 'matayog' na ang "Kaliwete" (stickerhappy, 1997) at ang "Maselang Bahaghari" (Natin99).

Kung paanong umukit ng pangalan ang Eraserheads sa eksenang kasama nilang nilikha sa gitna ng Dekada '90, ay dala syempre ng komersyal na tagumpay ng mga trabaho nila sa loob ng studio. Pero kasama ng multiplatinum ng Circus, matatagpuan ang komentaryo sa eksena at industriya ng musika sa seryeng-filler na "Punk Zappa." Maging ang mga bagong abstrakto't di-maintindihang kanta ng E'heads ay maaari pa ring tingnan bilang pagbasag sa nakasanayan nating mga titik at tugtog sa radyo - sa diwa ng "non-conformity" na aktitud na nila mula't sapul nang sumambulat ang banda.

"Apolitical kami," anila. Pag-aabolish sa ROTC ang tanging "mariing paninindigan" na nabanggit nila sa maigsi naming kwentuhan. Pero sa katunayan, sa pitong mahahabang taon na nagdaan - sa "Punk Zappa," sa tema ng di mabilang na kanta, at maging sa kanilang aktitud sa harap ng midya - nakagawa ang Eraserheads ng napakaraming political statements kahit hindi nila namamalayan. Ngayon, nakakalulang isipin ang mga mensaheng pwede pa nilang iparating - lalo na kapag nagkaroon sila ng sensitibidad at sensibilidad sa pang-unawa sa mas malawak na tungkulin ng isang popular na musikero.

Kung bakit sa buong Dekada '90, kwentong kalye ng apat na drop-out mula sa Diliman ang nagsumuot hanggang sa loob ng mga silid-aralan. Mas marami na silang nalaman sa labas ng UP, at mas marami pang gustong makita sa labas ng bansa. May balak pa ba silang bumalik sa skwela?

"Siguro," sabi ni Buddy. "Kung wala nang classcards."

"Kung di na uso ang pera…" tapos ni Marcus.

*mula sa ispesyal na isyu ng Kule na Dekada 90

Monday, August 11, 2008

muni sa pagtanda

inisip ko noong bata pa ako na kahit papano naman siguro'y may isang milyong piso ang halaga ng lahat ng pag-aari ng pamilya namin. kahit na hindi sa amin ang bahay na tinitirhan namin, naisip kong mas nakaalwan pa rin kami kung ikukumpara sa ibang mga kalaro at pinsan ko. linggo-linggo kaming nakakapag-mall (bago pa lang noong galleria, sta lucia at megamall). naka-enrol kaming magkakapatid sa mga pribadong paaralan at hatid-sundo ng school service. nakabili ng second-hand na kotse ang tatay ko na ginagamit niya sa pagpasok sa opisina sa may ortigas.

kung ikukumpara ko ang pamumuhay namin noong mas bata pa kami sa ngayon, tiyak na mas ok kami noon. hayskul ako nang magsimulang bumababa nang husto ang pang-ekonomyang katayuan namin. nang tumigil ako sa pag-aaral, nagresign ang daddy ko sa pinagtatrabahuhan niya.

lalo pang humirap ang buhay namin sa ngayon. kinalkula ko ang pinagsamang buwanang sahod namin ng mommy ko at ikinumpara sa estadistika ng poverty threshold na pinag-aaralan ko sa opisina. konti na lang ay mapapabilang na kami sa 70 porsyento ng mga pilipinong naghihirap. kung tutuusin, liberal pa nga ang ginamit na pamantayan ng gobyerno. maaari ngang isa na kami sa lumalawak na bilang ng mga mahihirap sa bansa.

at ramdam na ramdam ko ito. higit sa kalahati ng sweldo ko ay napupunta sa mga bayarin sa bahay: kuryente, telepono, LPG at bahagi ng pamalengke. sagot ng tatay ko yung bill sa tubig mula sa dilihensya niya sa pagtitinda ng yelo. di ko na idedetalye ang kumplikadong dahilan ng di namin pagbabayad ng renta sa bahay. binali na ng mommy ko ang panuntunan niya sa buhay tungkol sa di pangungutang. nauubos ang sahod niya sa pagbabayad ng amortization ng mga loan sa gsis, sss at pag-ibig.

sinara na ng mommy at daddy ko ang kani-kaniyang account sa bangko. di ko na magawa pang magbukas ng sariling account sa bangko para sa kung anumang natitira sa sahod ko buwan-buwan dahil nagagalaw at nagagalaw pa rin naman ito sa mga pangangailangan sa bahay. kung kailan pa tumaas ang presyo ng mga bilihin at ng pamsahe, kailan pa ako nawalan ng raket.

hindi man ako maluho, hindi rin naman ako nakakapag-ipon. di nga ako bumibili ng damit. puro hand me down ng mga kamag-anak na singlaki ko ang mga isinusuot ko. ang tanging bisyo ko lang ay pagbili ng mga libro at dvd (na naiipon lang na hindi ko nababasa at napapanood).

ilan sa mga kaibigan ko ang naniniwala sa simpleng pamumuhay. wala akong choice kundi mamuhay ng simple. (pero maaari din naman tingnan na pinili kong magtrabaho sa isang NGO at hindi sa isang malaking kumpanya.) iniisip ko pa rin hanggang ngayon na tapusin ang thesis ko para makagradweyt na. bukod sa tinik ito sa lalamunan, maaaring maraming oportunidad ang magbukas kung mayroon na akong degree. maaari na akong mag-aral at magtrabaho sa ibang bansa. maaari na ring magbago ang takbo ng pamumuhay ng pamilya namin.

ito nga ba ang gusto ko? sa tingin ko, kung yun at yun lang ang dahilan, matagal ko na sanang tinapos ang thesis at tineyk-advantage ko na ang lahat ng magagandang oportunidad. alam kong hindi lang iyon ang gusto ko.

ang hirap hanapin ang gusto kong gawin at mangyari sa gitna ng krisis na nararanasan ng bansa at, sa kongkreto, ng pamilya ko. simple lang naman ang gusto kong mangyari. sabi ko nga sa isang kaibigan sa isang makabagdamdaming tagpo, tatlong bagay lang ang gusto kong gawin: tulungan ang mga magulang ko, gawin ang mga bagay na ikasasaya ko at gumampan ng tungkulin para sa isang adhikaing higit sa aking sarili. pero di rin pala sila simple dahil higit na mahirap na tuparin ang mga ito. nang sabay-sabay. lagi't laging may isinasaalang-alang at kinukunsidera, tinitimbang at pinagdedesisyunan.

iniisip kong hindi makatarungan para sa mga magulang ko na kung kailan sila tumatanda, kailan pa lalong humirap ang buhay nila. limang taon na lang, magreretiro na ang mommy ko pero wala pa rin siyang naipupundar para sa sarili. malupit ang ganitong sistemang hindi magagawang kumalinga ng mga matatandang walang ginawa sa buhay nila kundi magtrabaho at lumikha ng yamang pinakikinabangan ng iilan. hindi kaugaliang pyudal ang nagtutulak sa akin para tumulong sa mga magulang ko sa kanilang pagtanda. hindi rin pagbabayad utang.

paano nga ba pagsabayin ang tungkulin sa bahay at lipunan, at magkapanahon pa para sa sarili? iniisip kong, kailangan ko lalong magpursige dahil hindi na lang sarili ko ang kailangan kong isipin. dito pa lang, punung-puno na ang listahan ng mga gagawin ko sa araw-araw.

Monday, August 04, 2008

"The stones say little of these former lives, just that they once were valiantly loved*"

When the Heart Flies from Its Place

by Eric Gamalinda

The names are the first to go,
then the dates of births and deaths.
It's as if everything moves on another,
esoteric level, here among the gravestones
where the elements collude so we don't realize
how we succumb to forgetting. The milkweed unfolds
its damascened leaves and monarch caterpillars
devour them scrupulously, and out of this simple act
something marvelous is already happening,
the promise of a massive and silent migration.
Order is natural progression: a century from now
the sugar maples planted by the pioneers
will still be growing, too ancient to remember
everyone who's seen them here. This once
was a church, where now two benches meet
in mute conviviality, and this a pound for stray sheep;
one village will be mowed over by another,
one more road will cut through the forest here.
A tractor roars to say the conquest is complete:
we tame the land until it accepts
our habits, our fear of need. When I hear these sounds,
says Stansik, age five, my heart flies from its place.
Just eight months in the country, he is learning
the landscape of language where there is no
fixed geography, and everything
still evokes another memory: cowdung is
smell of village, a pond is primal, rippling
with translucent newts. The stones
say little of these former lives, just that
they once were valiantly loved;
you can almost hear them calling the roll:
Thompson, Merritt, Thayer, each a perfect
solitude, a stilled comet. Stansik again:
Why are there no blacks in Massachusetts?
And: You are not black but gray. Pretty soon he'll forget
his Russian, the language he is slowly
inventing, the man from whom his mother
had to run away. I wonder if he will remember
this summer, and how the heart feels
when it flies for no reason other than
—what was it? I didn't know, I had never learned
the word for it, and to this day I walk
the unspeakable territories.


*pasintabi kay gamalinda sa panghihiram ko sa kanyang tula pamalit sa mga salitang di ko magawang isulat sa espasyong ito. kasabay ng edad, tinatakasan na rin kasi ako ng abilidad na magpaliwanag, sapulin ang mga punto at bigyang dahilan ang bugso ng emosyon. salamat kay K para sa pagpapabasa sa tulang ito.

Monday, July 28, 2008

Paglalakad-lakad

salin ng Walking Around ni Pablo Neruda

Mangyari’y pagod na ako sa pagiging tao.
At mangyari'y napapadaan ako sa mga sastre at sinehan
nang lanta, di maarok, katulad ng isang sisneng piyeltro,
naglalayag sa tubig na pinagmulan at abo.
 
Ang amoy ng mga barberya’y nakakapagpapahagulgol sa kin
at ang tanging nais ko’y humimlay tulad ng mga bato o lana.
Di ko na nais pang makakita ng mga tindahan o hardin,
ng mga kalakal, mga salamin, mga asensor.
 
Mangyari’y sawa na ako sa aking mga paa at kuko
at sa aking buhok at anino.
Mangyari’y pagod na ako sa pagiging tao.
 
Magkagayunman, katutuwa-tuwa pa ring
manakot ng notaryo gamit ang pinitas na liryo
o patayin sa sindak ang isang madre sa isang ihip sa tainga.
Magandang gawin siguro
ang maglakad sa labas habang tangan-tangan ang isang luntiang sundang
nang nagsisigaw hanggang panawan dahil sa lamig.
 
Ayaw kong manatiling ugat sa kadiliman,
urong-sulong, banat, nanginginig sa pananaginip,
pababa, sa mamasa-masang kaloob-looban ng lupa,
sumisipsip at nag-iisip, araw-araw na kumakain.
 
Ayaw kong maging tagapagmana ng labis-labis na kasawian.
Ayaw kong magpatuloy bilang ugat at puntod,
tulad ng isang lagusan sa ilalim ng lupa, isang bodega ng mga yumaong
nanigas sa lamig, naaagnas sa sakit.
 
Kung kaya’t nalulustay tulad ng langis ang Lunes
kapag nakikita akong paparating na mukhang preso,
at humihiyaw itong tulad ng napatid na gulong,
at nag-iiwan ng bakas ng mainit na dugo patungong gabi.
 
Itinutulak ako nito sa kung anong mga sulok, sa kung anong mga basang bahay,
sa mga ospital kung saan ang mga buto’y sa bintana lumilisan,
sa kung anong mga sapatos na amoy suka,
sa mga lansangang kakilakilabot tulad ng mga bitak.
 
Mayroong mga ibong kulay asupre at mga nakaririmarim na bitukang
nakasabit sa mga pintuan ng mga bahay na aking kinasusuklaman,
may pustisong naiwan sa isang takore ng kape,
mayroong mga salaming
marapat na manangis sa kahihiyan at takot.
May mga payong sa paligid, at mga lason, at mga  pusod.
 
Kampante akong nakakapaglakad-lakad, nang may mga mata, nang naka-sapatos,
nang may galit, nang madalas nalilimutan ang lahat,
napapadaan ako, tumatawid sa mga opisina at tindahan ng gamit pang-ortopediya
at sa mga patyong may nakasampay na damit sa alambre:
mga karsonsilyo, mga tuwalya at mga pinagdamitang nananangis
ng mababagal, maruruming luha.

Sunday, June 22, 2008

para sa ika-100 taon ng unibersidad ng pilipinas

Serye ng Sobresaliente*
ni Kerima Lorena Tariman
(unang lumabas sa CD na Uniberso: New Poets Calling at sa antolohiyang Latay sa Isipan)

I.
Ibarra, Sisa, Basilio
Huwag mong salingin
Ang sugat ng bawat
Metro kuwadrado.
Ang instruksyon ng kanto:
sanayin ang paa
Sa paroo't parito.
Alamin ang lengguwahe
Ng halowblaks at yero.
Kilalanin ang tanod,
Tambay, at filibustero.
Huwag maliligaw.
Huwag na huwag babarkada
Sa mga ipis at langaw.

II.
Ang kanto ng Instruccion
Ay paaralang elementarya.
Sa eskwelahan ng sikmura,
Ang patakaran ay kalam
At kulo ang panata:
Iniibig ko ang eskinita.
Ito ang aking sinilangang sulok.
Ito ang pusod ng aking piitang bulok.
Ako'y kanyang pinupukpok
At ipinagtutulakan,
Upang maging matalas
Sa batas ng lansangan.
Saan nagmumula
Ang wastong kaisipan?
Ito'y hulog ng ngitngit
Mula sa panunupil,
Mula pa sa unang baitang.

III.
Ang trapik sa Dapitan
Ay walang salungatan.
Kaya't sa dulo ng biyahe,
Laging matatagpuan
Ang uniberso ng mga unibersidad.
Kulumpunan ng mga gusali
Na nagsisiksikan,
Sa pumipintig na litid
Sa leeg ng Kamaynilaan.
Palagiang daluyan ng pula
Ang kahabaan ng Espana't Morayta.
Patungong Recto at Mendiola,
Bugbog ang hangin sa mga kamao.
Mga pader ang pisara,
Ng mga talumpati at kuwento.
Nakatungo ang pamantasan
Sa mga leksyon sa kanto.
Sa mga martsa sa lansangan,
Walang mukha ang henyo.

IV.
Dumating ang surbeyor
Sa malawak na bukirin
Ng aking ulo.
Pagkasukat sa aking talino,
Ang ahente ay isinugo,
Kasama ang opisyal
Mula sa munisipyo.
"Ano ho ang sadya ninyo?"
Tanong ng aking kuto.
"Nais naming idebelop ang kanyang ulo."
"Napakalawak ng tiwangwang na utak."
"Meron po ba itong titulo?"
Nang marinig ang masamang balak,
Nagulantang ako
At nagkamot ng balakubak.
Lalagyan nila ng bakod
Ang aking hinagap!
Sila na ba ang magtatakda
Ng alaalang may muhon,
Hanggang ang aking pang-unawa
Ay maging subdibisyon?
"May katibayan ba kayo,
o kahit sertipiko?!"
Wala, wala, wala,
Wala akong diploma.
Naisip kong magpapeke
Sa Recto-Avenida,
Ngunit ginawa kong magpatunay
Sa pasya ng Kabesa.


________
*kahit na ang university belt sa maynila ang ginamit na metapora ng tula, hindi maikakaila na akma rin itong pagsasalarawan sa kolonyal na edukasyon na ipinanatili ng UP at ng buong sistemang pang-edukasyon sa bansa. ngayong sentenaryo ng UP, hindi pagbabago ang hatid ng korporatisasyon ng pamantasan, sa pamamagitan ng bago nitong charter, kundi pagpapalawig at pagpapaigting ng paniniil sa malayang kaisipan. Tunay lamang na magiging mapagpalaya ang edukasyon ng UP kung ito'y magsisilbi sa sambayanan (i.e libreng edukasyon, mas mataas na budget, maayos na pasilidad atbp.) at hindi sa kapakinabangan lamang ng iilang korporasyon.

Wednesday, April 30, 2008

Cordillera Day 2008: Ang tunay na yaman ng Baay Licuan

Ikalima ang dyip na sinasakyan namin sa mga lumarga mula sa isang maliit na gas station sa Bangued. At dahil sa puno na sa loob ng dyip, 14 sa aming mga pasahero ang pinili na lamang mag-topload o sumakay sa ibabaw. Pangkaraniwan na sa mga dyip biyaheng Baay-Licuan ang magsakay ng mas marami sa kaya nitong isakay. Ang kaibahan lang sa pagkakataong ito, sa ordinaryong araw, iisang beses lamang nagbibiyahe ang nag-iisang dyip palabas at papasok sa maliit na bayan ng Baay-Licuan sa Abra.

Espesyal ang araw na ito para sa mga taga-Baay-Licuan. Sa unang pagkakataon, gaganapin ang taunang taunang pagdiriwang ng Araw ng Kordilyera o Cordillera Day (Cordi Day) sa maliit nilang bayan. Sa kabila ng makipot, malubak at peligrosong daan patungong Brgy. Poblacion, humigit-kumulang 20 dyip at mangilan-ngilang bus at trak ang matiyagang naghatid sa may 2,000 delegadong dadalo sa pagtitipon.

Nang marating na ang Baay Licuan, isang tahimik na bayan sa pusod ng Kordilyera, sinalubong kaming mga hapong manlalakbay ng mainit na pagbati ng mga lokal at maging ng mga taga-karatig bayan na dumayo sa poblasyon para sa selebrasyon.

Baay Licuan
Agad kaming pinapunta sa kusina kung saan naghihintay ang bande-bandehadong kanin at bagong lutong nilagang baboy. Baboy at kanin ang karaniwang pagkain sa Baay Licuan. Sapat lang kasi sa kinokonsumo ng bawat pamilya ang mga pananim na gulay at prutas habang bibihira namang makarating sa poblasyon ang mga aning gulay ng karatig-probinsyang Benguet. Dahil na rin ito sa di magandang kundisyon ng kalsada sa Baay Licuan at sa kakulangan ng pampublikong transportasyon.

Dahil likas na mataba ang lupa sa poblasyon, di naman kinukulang sa suplay sa bigas ang Baay Licuan. Ang kaso lang, sa 4,000 populasyon ng munisipalidad, isang kapat lamang ng ektarya ang pag-aari ng bawat isa sa 230 magsasaka. Dahil dito, sasapat lamang ang inaani ng bawat pamilya para sa kani-kaniyang pangangailangan. Bagamat sagana sa likas na yaman ang Baay Licuan, nanatiling salat sa maraming bagay ang mga tagarito gaya ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Dahil na rin sa kahirapan, katulad ng iba pang Igorot (tawag sa indigeneous people ng Kordi) na nakapagtapos ng hayskul ay nagtatrabaho bilang mga factory worker at domestic helper sa Taiwan at Hong Kong. Kung kaya naman idinadaraos din ng mga komunidad ng mga migranteng galing sa rehiyon ang Cordi day sa mga nasabing bansa.


Banta ng pagmimina
Gayong mahirap na ang kalagayan ng mga Igorot sa Baay Licuan at maging sa buong rehiyon, nakaamba pang madagdagan ang kanilang problema sa planong pagsasagawa
ng kompanyang Canadian na Olympus Pacific Mining ng malaking operasyon sa pagmimina sa 4300 ektaryang lupain ng munisipalidad. Hindi lamang ang kabundukan at ilog na pinanggagalingan ng kanilang tubig at kabuhayan ang mapipinsala kundi magreresulta rin ito sa pagpapaalis sa mga komunidad sa paligid ng mining site.

Ang mining exploration sa Baay Licuan ay isa lamang sa marami pang aplikasyon ng mga dayuhang kompanya sa lokal na pamahalaan ng Abra para magsagawa ng mining operation sa iba’t ibang dako ng probinsya. Hindi kaila na mayaman sa ginto, tanso at iba pang mineral ang mga kabundukan ng Kordilyera. Sinasabing nauubos na ang ginto sa mga kabundukan ng Benguet dahil sa deka-dekadang pagmimina kaya sa Abra ang puntahan ngayon ng mga mining companies. Mariing tinututulan ng mga lokal ng Licuan maging ng mga iba’t ibang organisasyon sa Abra ang mga planong operasyon sa kanilang lugar.

Kasaysayan at tradisyon
Hindi ito nalalayo sa mga nakaraang pagtutol ng mga katutubo ng Kordilyera noong nakaraang dekada. Sa katunayan, ang pagdiriwang ng Cordillera Day ay paggunita sa kabayanihan ni Macliing Dulag, pinuno ng isang tribo sa Kalinga. Pinamunuan ni Ama Macliing ang paglaban sa pagtatayo ng Chico Dam na proyekto ng rehimeng Marcos at pinondohan ng World Bank. Pinaslang ng mga pinaghihinalaang sundalo si Ama Macliing noong Abril 24, 1980. Magmula noon, taun-taong gunugunita ang kabayanihan ni Ama Macliing sa pamamagitan ng isang selebrasyon at pag-imbita sa mga sumusuporta sa adhikain ng mga mamamayan ng Kordilyera. Limang taon matapos mapaslang si Ama Macliing, idinaos ang kauna-unahang Cordillera Day sa araw mismo ng kanyang pagkapaslang.

Sa pagdiriwang ng Cordi Day, ipinagpapatuloy at pinagyayaman ng mga Igorot ng Kordilyera ang kanilang kultura at tradisyon Sa loob ng tatlong araw na selebrasyon ng Cordi Day, hindi na mabilang kung ilang beses isinayaw ang pattong, katutubong sayaw ng mga Igorot. Sa saliw ng pagtambol sa gangsa, pinangunahan ng mga delegado mula sa anim na probinsya ng rehiyon ang pagsayaw ng pattong. Inaanyayahan din ang mga delegado mula sa Metro Manila at iba pang probinsya. Maging ang mga delegado mula sa iba’t ibang bansa ay magiliw na nakisayaw sa mga lokal.

Ang bawat pagsayaw ng pattong ay pagdiriwang ng mga mamamayan ng Kordilyera ng kanilang natatanging tradisyon at kultura. Selebrasyon ito ng kanilang buhay. At ang buhay nila ay nakaugat na sa lupang kanilang binungkal at pinagyaman. Kung ito’y kukunin at tatanggalin sa kanila, parang ang buhay na rin nila ang binawi. Ang pagtatanggol nila sa kanilang lupa ay pakikipaglaban nila para mabuhay at magpatuloy na umiral ang kanilang mayamang tradisyon at kultura.

Sunday, March 16, 2008

Good times for a change*: England in the 80s/ Thatcher's England


Apat sa mga naging paborito kong pelikula sa mga nakalipas na buwan—This is England, The History Boys, Control at Starter for 10—ay pawang tungkol buhay sa England noong dekada 80. At ginawa at ipinalabas lamang ang mga ito sa nakalipas na dalawang taon. Sa yugtong ito ng UK cinema, mistulang inaatake ng nostalgia ang bagong henerasyon ng English filmmakers. Sa paglaganap ng pelikulang Hollywood maging sa mga lokal na sinehan sa Inglatera, hindi katakatakang nagbaliktanaw ang mga batang filmmaker sa dekada 80 bilang panahong kanilang kinagisnan.

Pinakamatingkad na katangian ng Inglatera noong dekada 80 ay ang laganap na kahirapan bunsod ng kawalan ng trabaho sa ilalim ng panunungkulan ng konserbatibong si Margaret Thatcher. At katulad ngayon, ang tropang Ingles ay sumabak noon sa isang gera, ang Falklands War. Tulad ng pagiging di popular na pagsali ng UK sa Iraq War, marami sa mamamayan ng England ang di pabor sa pagdedeklara ng gera ng Britanya laban sa Argentina para igiit ang karapatan nito sa Falklands.

Lumawak ang hanay ng mga uring manggagawang walang trabaho bunsod na rin ng maling prayoridad ng gubyernong Thatcher. Nagresulta ang ngayo’y tinaguriang Thatcherism sa malawak na pagkadiskontento ng mga mamamayan. Sa ganitong panahon umusbong ang iba’t ibang subkultura sa England gaya ng mods at skinheads. Gayung may hibo ang ilan sa mga subkulturang ito ng subersyon at pagiging progresibo, ang polarisasyon sa mga mamayan ay nagbigay din ng pagkakataon para lumaganap ang mga grupong ultra-nasyunalistiko, pasista at neo-Nazi.

Ito marahil ang dahilan kung bakit ilan sa mga bagong dugo ng UK Cinema ay nagbabaliktanaw sa 80s England bilang mayamang inspirasyon para sa kani-kanilang mga gawa. Makikita sa bawat pelikula ang mga tema ng isolation, kawalang-pag-asa, depresyon, desperasyon at, sa kabilang banda, ang pagpupunyagi sa ng kawalang pag-asa. Pinagyayaman din ang bawat pelikula ng distinct na musika ng 80s England.

---

4) Starter for 10 (2006)

Bagamat nasa tradisyunal na pormula ng romantic-comedy, dinala ng first time director na si Tom Vaughan ang mga manonood sa isang nostalgia trip gamit ang musika ng 80s. Tampok sa pelikula ang pangunahing tauhang si Brian (James McAvoy, Atonement), na bagamat galing sa uring manggagawa, ay determinadong makapagtapos sa isang unibersidad at matupad ang pangarap ng kanyang ama na mapasali siya sa isang popular na quiz show. At tulad ng tradisyunal na rom-com, tampok sa pelikula ang pagkalito ni Brian kung sino ang iibigin sa pagitan ng nakaaalwang teammate na si Alice at ng aktibistang si Rebecca.


3) Control (2007)

Pinili ng tanyag na MTV director at videographer na si Anton Corbijn ang talambuhay ni Ian Curtis, nagpakamatay na bokalista ng bandang Joy Division, bilang unang pelikula niya. Sa paggamit ng black and white na sinematograpiya, nagawang ni Corbijn na ipako ang pokus ng manonood sa ligalig na kinasasadlakan ni Curtis (na magaling na ginampanan ng baguhang aktor na si Sam Riley) sa gitna ng biglang kasikatan at gumuguhong relasyon sa kanyang asawa (Samantha Morton).Tila elektrisidad na pinakawalan ni Riley ang kanyang rendisyon ng mga kantang pinasikat ng Joy Division na lalong nagpatingkad ng atmospera ng England sa unang bahagi ng dekada 80.


2) The History Boys (2006)

Tungkol ang The History Boys, ang patok na dula ni Alan Bennett, sa pagpupunyagi ng isang grupo ng mga matatalinong estudyante mula sa isang grammar school sa Sheffield, England na makapasok sa mga prestihiyosong unibersidad sa Oxford at Cambridge sa tulong ng kanilang mga dalubhasang guro sa general studies at history.

Sa pagiging diverse ng grupo, naipakita nina Bennett at Nicholas Hytner ang demograpiya ng lipunan sa England noong 1980. Umupa ang headmaster ng isang baguhang guro para kinisin ang kakayahan ng mga mag-aaral. Ipinakita sa magkasalungat na pamamaraan ng paghahasa at pagtuturo ang banggaan ng makaluma at makabagong kaisipan sa Inglatera sa dekada 80 kung kalian malaganap na ang halina ng kaisipang postmoderno.


1) This is England (2007)

Matagumpay na naisalarawan ni Shane Meadows ang hitsura ng 1980s England sa perspektibo ng 12-year-old na si Shaun (Thomas Turgoose). Matapos maulila sa amang namatay sa Falklands War, nakahanap ng pagtanggap si Shaun isang grupo ng mga skinheads. Unit-unting lumubog at namulat si Shaun sa kultura ng mga skinheads at sa reyalidad ng lumalaganap na ultra-nasyunalismo sa gitna ng krisis pang-ekonomya sa bansa.

Epektibong naipakita ni Meadows, gamit ang isang coming of age film, ang ugat ng rasismo at pasismo sa panahong ang Inglatera ay nasa gitna ng gerang agresyon laban sa Argentina. Pinagyaman pa ang pelikula ni Meadows di lamang ng paggamit ng angkop na musika ngunit maging ng mga documentary clippings ng mga kaganapan sa England at sa Falklands upang maisakonteksto ang kwento ni Shaun at ng kanyang mga kaibigan.

Itinanghal ang This is England na Best British Film ng Bafta (katumbas ng Oscars sa UK) para sa taong ito.

----------
*unang linya ng Please, please, please let me get what I want ng The Smiths