Saturday, March 31, 2007

sining ng pakikisangkot: baliktanaw sa mga obrang sister stella l. at orapronobis


Maituturing na mahahalagang dokumento ng kasaysayan ng pakikisangkot ng pelikulang Pilipino ang mga obrang Sister Stella L.(1984) ni Mike de Leon at Orapronobis (1989) Lino Brocka. Gayong marami pang pelikula na nagawa noong dekada ‘70 at ‘80 ang naglarawan at tumuligsa sa pamahalaan at, sa pangkalahatan, sa sistemang panlipunan, namumukud-tangi ang Sister Stella L. at Orapronobis na lantarang tumalakay sa aktibismo at sa pakikisangkot bilang paraan ng paglaban sa namamayaning kaayusan. Dahil sa katangiang ito ng dalawang pelikula, naiigpawan ng mga obrang ito ang pagiging reliko na lamang ng nakalipas.

Dalawang dekada na ang nagdaan mula nang isapelikula ang mga ito, masasabi pa ring “napapanahon” ang mga obra sa kasalukuyang konteksto ng maligalig na sitwasyon ng bansa sa kinakaharap nitong krisis pampulitika sa ilalim ng pamahalaang Macapagal-Arroyo. Pagpatay sa mga aktibista at lider unyon, militarisasyon sa kanayunan, pakikisangkot ng mga taong simbahan sa pulitika, kaliwa’t kanang kilos protesta at labis na kahirapan ay ilan lamang sa mga isyung tinalakay sa mga pelikulang ito na kung tutuusi’y araw-araw na nakikitang mga imahe sa mga peryodiko at telebisyon sa ngayon.

Sa maraming bahagi, malaki ang pagkakatulad ng dalawang pelikula sa isa’t isa bukod sa kapwa isinulat ito ng batikang mamamahayag/manunulat na si Jose F. Lacaba (kasama si Jose Almojuela, Mike De Leon at Ricardo Lee sa Sister Stella L.) kahit na tumatalakay ito sa magkaibang rehimen. Idinirihe ni De Leon ang Sister Stella L. para sa Regal Films noong 1984, isang taon matapos paslangin ang lider ng oposisyon na si Ninoy Aquino na diumano’y nagpalawak sa kilusang laban sa diktadura. Ginawa naman ng namayapang pambansang alagad ng sining na si Brocka ang Orapronobis sa tulong ng mga prodyuser na Pranses bilang protesta sa lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa “liberal-demokratikong” rehimen ni Corazon Aquino, tatlong taon lamang matapos ng pag-aalsang EDSA.

Sangandaan

Sa pagbabalik-tanaw sa dalawang pelikulang ito, hindi nalalayo ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa mga naganap noong panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos o sa cacique democracy sa ilalim ni Cory Aquino. Ang mga pagkakahawig ng dalawang pelikula ang siya ring mga kantangian na nag-uugnay sa kasalukuyang sitwasyon. Bagamat tumatalakay sa mga unibersal na tema ng kahirapan, karapatang pantao, katarungan at kalayaan, sumesentro ang bawat pelikula sa partikularidad ng kani-kaniyang milieu.

Kahit na ang pinakamatingkad na usapin noong unang bahagi ng dekada ’80 ay ang nagpapatuloy na diktadurang Marcos sa kabila ng pag-alis ng batas militar, piniling talakayin ng Sister Stella L. ang problema sa paggawa at ang tumitinding kahirapan (na mas binigyang mukha sa sumunod na kolaborasyon ni Brocka at Lacaba na Bayan Ko: Kapit sa Patalim), hayagan na itong nagtatanong at nagbibigay ng alternatibong kasagutan. Tila ba nang-uudyok ang matagal nang sigaw at tanong: “Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan?” Kung tutuusin, mas mapangahas pa nitong inilalantad ang ugat ng problema, sa pamamagitan ng madreng si Sister Stella Legaspi (na sinasabing hinalaw ang karakter kay Coni Ledesma, dating madre at ngayo’y kasapi, kasama ang asawang si Luis Jalandoni, na dati ring pari, ng National Democratic Front), iminulat ni De Leon maging ang mga manonood sa nakapanlulumong reyalidad ng isang kapitalistang sistema kung saan “ang pang-aapi ang siyang nagpapanatili sa kapangyarihan ng mga nang-aapi,” ayon na rin sa isang tauhan sa pelikula.

Rumurok ang pelikula sa pagdukot, pagtortyur at pagpaslang sa pangulo ng Republic Oil Labor Union na si Ka Dencio (Tony Santos) at sa panawagan para bigyang hustisya ang pagkamatay nito. Hindi na ito bago sa mga makakapanood ngayon ng pelikula. May ilang lider ng mga unyon na rin ang napapaslang sa loob lamang ng limang taong panunungkulan ni Gloria Arroyo. Dalawa sa mga ito ay sina Ding Fortuna, pangulo ng unyon ng mga nagwelgang manggagawa ng Nestle Philippines, at Ric Ramos pangulo ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Hacienda Luisita ng mga Cojuangco.

Wala Nang Tao sa Santa Filomena

Maihahalintulad naman sa panawagan ni Ginang Arroyo para sa all-out war laban sa mga komunista ang pagtugis ng grupo/kulto ng mga vigilanteng Orapronobis sa mga pinaghihinalaang rebelde sa pelikulang Orapronobis. Nanatiling limitado ang mga nakapanood ng pelikulang ito ni Brocka nang patawan ng X-rating ng MTRCB noong rehimeng Aquino. Tanging mga nasa akademya lamang ang nabibigyang pagkakataon na mapanood ito maliban na lamang sa mga patagong pagpapalabas ng pelikulang ito sa mga komunidad. Patunay ito na magpasahanggang ngayon, itinuturing pa rin ng pamahalaan at ng estado ang pagiging delikado ng pelikulang ito. Ngunit, kung tutuusin, wala na rin namang itatago ang pamhalaan mula sa mga nailantad sa pelikulang ito. Maliwanag ang mensahe ng pelikula: ang estado ang rekruter ng mga rebelde.

Kamakailan lamang nang mapabalita na naubusan na ng cedula ang mga barangay sa San Jose sa Nueva Ecija matapos ipag-utos ni Major General Jovito Palparan na ang bawat mamamayan na magdala ng cedula bilang pagkakakilanlan. Para kay Palparan, kung wala nito ang isang tao, nangangahalugang ito ay rebelde na dapat arestuhin at/o likidahin bilang bahagi ng anti-insurgency campaign sa Gitnang Luson. Kahit na kay Norberto Manero, pinuno ng kulto at vigilanteng pumatay sa Italyanong paring si Tulio Favali, pa unang hinulma ni Brocka ang tauhang si Kumander Kontra (Bembol Roco), hindi maikakaila ang pagkakahawig ng karakter na ito sa itinuturing na berdugo ng mga aktibistang si Palparan.

Humigit 700 na ang kaso ng extrajudicial killings sa bansa magmula nang iluklok sa EDSA 2 si Arroyo. Kalakhan ng bilang na ito ay sa mga rehiyon kung saan nakatalaga si Palparan. Taong 2002 nang magsilikas ang daan-daang Mangyan at mamamayan mula sa Mindoro matapos tugisin ng batalyong pinamumunuan ni Palparan ang mga kasapi ng mga ligal na militanteng grupo sa Timog Katagalugan. Noong 2004, pumalo ang dami ng mga pagpaslang at pagdukot sa mga lider aktibista at magsasaka sa Eastern Visayas nang madestino doon si Palparan. Ang paglikidang ito sa mga kasapi ng militanteng grupo ay walang ibang pagsisilbihan kundi ang pananatili ni Arroyo sa Malacanang. Maihahalintulad ito sa pagsasalarawan ni Brocka ng pasismo bilang panatisismo ng mga vigilante, na kinakatawan ni Kontra, sa altar ng kapangyarihan at karahasan.

Tumabo na sa 50,000 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang naitatala sa limang taong panunungkulan ni Arroyo. Hinihigitan na nito ang tinatayang 30,000 kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa halos dalawang dekada ng rehimeng Marcos at 20,000 kaso sa rehimeng Aquino. At tumataas pa ang kaso ng mga hamletting, extrajudicial killings, enforced disappearances at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa bawat araw ng pananatili ni Arroyo sa puwesto laluna nang ideklara niya ang all-out war laban sa CPP-NPA. Nagpahayag na ang iba’t ibang grupo ng mga human rights advocates, maging sa international community, ng pagkundena sa pamahalaang Arroyo sa di masawatang pagdami ng mga kaso ng pagpaslang sa mga aktibista at kasapi ng media. Maliban sa isyung ito, laganap na rin ang pagkadiskuntento ng mamamayan sa pamahalaang Arroyo bunsod ng mga akusasyon ng pandaraya sa eleksyon, katiwalian at ang di maampat na krisis pang-ekonomya ng bansa.

Kung hindi tayo, sino?

Bukod sa political opposition, ang simbahan ang isa sa mga binabantayang sektor sa kanilang tindig sa kasalukuyang krisis. Inaantabayanan ang bawat pahayag o pastoral letter na inilalabas ng CBCP kaugnay ng krisis pampulitika. Patunay lamang nito na lumalawak ang pagkadiskontento sa pamahalaan at ang pagkahiwalay ng rehimeng Arroyo mula sa mamamayan. Bagay namang pinatunayan na sa kasaysayan na masisipat sa mga pelikulang Orapronobis at Sister Stella L. Kapwa alagad ng simbahan ang mga pangunahing tauhan sa dalawang pelikula—si Sister Stella Legaspi (Vilma Santos) na naghahanap ganap na pakikisangkot para sa pagbabagong hubog ng lipunan at si Jimmy Cordero, dating pari at napalayang detenidong pulitikal matapos ang pagbagsak ng rehimeng Marcos. Pagsanib ng simbahan sa taumbayan nang mag-aklas ang mga ito sa EDSA 1 at 2 ang isa sa mga salik sa pagtatagumpay ng mga ito.

Magmula sa usaping pulitikal, ang saklaw ng mga pagkakasala ni Arroyo at ng mga rehimeng bago ito ay nagiging usaping moral bagay na hindi mapapalagpas ng simbahan. O sa ibang pagtingin, sa paglala ng krisis, hindi maiiwasan ang pagiging pulitikal ng iba’t ibang sektor na dati’y nyutral gaya ng militar, simbahan at maging ang mga manggagawang kultural/alagad ng sining.

Kung kaya hindi kataka-taka sa panahon ng panunupil umuusbong ang mas mapapangahas pang akdang sining. Makikita sa Sister Stella L. at Orapronobis na itinutulak ang mga alagad ng sining na pumanig at makisangkot. Malinaw kung anong posisyon ang pinili nina Brocka at De Leon.

Kilala si Brocka sa pagiging aktibistang alagad ng sining. Siya ang nagtatag ng Concerned Artists of the Philippines. Itinalaga siyang kasapi ng constituent convention para sa paglikha ng Saligang Batas ng 1987 bilang pagkilala sa suporta niya kay Aquino at sa kanyang paninindigan para sa kalayaan sa pamamahayag. Naging kontribusyon niya ang free speech clause sa naratipikahang Konstitusyon, pero nagbitiw din siya sa ConCon dahil hindi niya magawang ikompromiso ang tindig niya sa iba’t ibang mahahalagang usapin kabilang na ang agraryong reporma. Pero higit na hinangaan si Brocka nang siya’y mapiit sa kulungan noong rehimeng Marcos dahil sa pagsuporta sa jeepney strike. Bagamat kaibigan niya si Aquino, hindi siya nangiming tuligsain ito sa pamamagitan ng pelikulang Orapronobis dahil sa pagtindi ng militarisasyon sa kanayunan gayong demokrasya ang pangako ng naunang pag-aalsang EDSA.

Di tulad ni Brocka, hindi nakikita si De Leon sa lansangan at nakikibaka, ngunit hindi maitatanggi ang tapang at talas ng pelikulang Sister Stella L. kung ikukumpara sa iba pa niyang pelikulang may pahaging na komentaryo sa diktadura (maging si Mother Lily Monteverde ng Regal ay napabulalas ng: “komunista na yata ako,” sa isang manunulat matapos mapanood ang prinodyus na pelikula. Binawi niya rin ito at sinabing tama na muna sa paggawa ng mga socially relevant na pelikula matapos langawin sa takilya ang Sister Stella L. Sa kaso naman ni De Leon, kakatwa naman ang pagkuha niya sa proyektong ito na tumatalakay sa labor unrest gayong ganitong uri ng problema ang kinaharap ng kanyang pamilya kung kaya’t nagsara ang pag-aari nilang LVN Pictures ). Sinasabing hubad sa “tatak Mike De Leon” ang Sister Stella L. dahil nakupot ito sa pagiging agit-prop, pero ito rin mismo ang kapangyarihang taglay ng pelikula bilang de-kalibreng obra ng panahon nito, at ito rin ang lakas ni De Leon bilang filmmaker. Waring nangungusap ang pelikula direkta sa manonood: “kung hindi tayo, sino?”

Kung hindi ngayon. kailan?

Sa kabila ng hindi magandang takbo ng industriya ng pelikulang Pilipino, masigla at puno ng optimismo ang independent cinema kung saan sumibol ang mga tulad nila Brocka at De Leon. Maituturing na matabang lupa para sa mga mapagplayang naratibo ng panahon ang kasalukuyang ligalig ng lipunan. Mas nakakaluwag pa nga ang panahon ngayon para makagawa ng mapapangahas pang naratibo ng pakikisangkot sa kalayaang tinatamasa ng independent cinema (walang Mother Lily na aayaw sa mga socially relevant na pelikula) dahil mas mura na ang gumawa ng pelikula kumpara ilang dekada na ang nakararaan.

Isa muling hamon ang gamitin ang kapangyarihan ng sining ng awdyo-biswal bilang matalas na sandata ngayong nahaharap ang bansa sa matinding panunupil ng batayang karapatan. Hakbang tungo sa “demokratisasyon” sa access sa sining nga awdyo-biswal ang pag-unlad ng teknolohiya ng digital video. Sa kasalukuyan, naging mabisa ang paggamit ng midyum na pelikulang dokyumentaryo sa pagsisiwalat ng katotohanan sa panahong sinisikil ang paglabas nito. Patunay ang masigasig na paglabas ng iba’t ibang dokyu mula sa mga grupong Kodao, Sine Patriyotiko, Tudla at Southern Tagalog Exposure. Nagagamit ang teknolohiya ng LCD projectors para maibahagi sa mga komunidad ang mga pelikula at ang mga isyu. Magkagayunman, nagagamit din ang teknolohiyang ito para sikilin ang mismong karapatan sa pamamahyag sa pamamagitan ng paglabas ng propagandang dokyu ng gubyernong Paglaban sa Kataksilan 1017. Ginagamit naman ang powerpoint presentation na Know the Enemy sa mga komunidad at kanayunan para takutin ang mga mamamayan at tugisin ang mga lehitimong nagpapahayag ng pagkadismaya sa pamahalaan.

Tulad noon, hindi rin ligtas ang mismong mga filmmakers sa panunupil. Ilang kasapi ng mga audio-visual groups ang nakulong, inaresto, sinaktan, pinagbantaan at inakusahang terorista habang gumagawa ng pelikula at/o habang pinalalaganap ang kanilang sining sa mga komunidad. Patunay na delikado pa rin ang sining ‘pag isinangkot sa pulitika.

Tuesday, March 20, 2007

"things i have loved i am allowed to keep"

Nagwakas ang linggo ng kaarawan ko sa isang maulang umaga sa UPLB. Ito na marahil ang pinaka-eventful na birthweek ko sa 24 na taon ko sa lupalop na ito. Kasama ang mga kule alumni ay umatak kami sa UPLB para suportahan ang mga kaibigang sina Caloy at Reagan sa kanilang unang dula. Ang Pagbulas ng Sibol ay tungkol sa pagbabagong nagaganap sa tatlong kabataan sa Laguna matapos ang Ikalawang Digmang Pandaigdig.

pagsibol sa guho.
nagsilbing entablado ng dulang Pagbulas ng Sibol ang guho ng isang gusali sa UPLB.


punk(s), poet(s) and pose(u)rs.
the playwright, the dramaturge, melchor and a bunch of camwhores



"things i've loved i'm allowed to keep, i'll never know if i go to sleep..."
-regina spektor, the flowers



--

hindi ko maiwasang maisip ang sariling mortalidad at ang konsepto ng eternal nang magpaalam kami ng aking mga hayskul friends kay ate pia, kapatid ng aking matalik na kaibigan si bea. naging inspirasyon ng kanilang pamilya ang matapang na pagharap ni ate pia sa kanyang karamdaman. at inspirasyon din siya para sa aming laging dinadalaw ng panglaw para magpatuloy sa kabila ng mga pana-panahong yugto ng kalungkutan-- para paminsan-minsan ay makita ang kulay ng buhay sa kabila nang pagiging masalimuot nito. hindi ka namin malilimot, ate pia.

--

kahit na mas mahirap makahanap ng tiyempo, nagawa pa rin naming magkakaibigan nung hayskul na maglaan ng oras para magkita. pinagbubuklod kami ng ganitong pagkakataon para suportahan ang isa't isa.

naging instrumental din ang aking kaarawan noong nakaraang linggo para muling makapag-reconnect sa mga kaibigan matagal nang hindi nakikita tulad nin a bj at jenny. over cups of coffee, nagawa namin ipagkasya sa kakarampot na oras ang mga pangyayaring naganap sa buhay namin sa nagdaang 3 taon.

Thursday, March 08, 2007

"women hold up half the sky*"

"Anyone who knows anything of history knows that great social changes are impossible without the feminine ferment." - Karl Marx

sa lahat ng kababaihan, nais kong magbigay pugay sa inyo na araw-araw na nakikibaka sa lipunang tigmak sa patriyarka at karahasan.


(armida sings babae)

BABAE
(inang laya)

Kayo ba ang mga Maria Clara, mga Hule at mga Sisa
Na di marunong na lumaban, kaapiha’y bakit iniluluha
Mga babae, kayo ba’y sadyang mahina?

Kayo ba ang mga Cinderella, na lalaki ang tanging pag-asa
Kayo nga ba ang mga Nena, na hanapbuhay ang pagpuputa?
Mga babae, kayo ba’y sadyang pangkama?

Ang ating isip ay buksan at lipuna’y pag-aralan
Paano nahubog, inyong isipan at tanggaping tayo’y mga libangan
Mga babae, ito nga ba’y kapalaran?

Bakit ba mayroong mga Gabriela,mga Teresa at Tandang Sora
Na di umasa sa luha’t awa, sila’y nagsipaghawak ng sandata
Nakilaban, ang mithiin ay lumaya.

Bakit ba mayroong mga Lisa, mga Liliosa at mga Lorena
Na di natakot makibaka at ngayo’y marami nang kasama
Mga babae, ang mithiin ay lumaya.

---

incidentally, congrats kay S. sa wakas, graduate na siya MA niya sa women's studies. o ayan, timing pa sa celebration ng international women's day.

-----------
*sipi mula kay mao

Monday, February 26, 2007

solitude standing


You are The Hermit


Prudence, Caution, Deliberation.


The Hermit points to all things hidden, such as knowledge and inspiration,hidden enemies. The illumination is from within, and retirement from participation in current events.


The Hermit is a card of introspection, analysis and, well, virginity. You do not desire to socialize; the card indicates, instead, a desire for peace and solitude. You prefer to take the time to think, organize, ruminate, take stock. There may be feelings of frustration and discontent but these feelings eventually lead to enlightenment, illumination, clarity.


The Hermit represents a wise, inspirational person, friend, teacher, therapist. This a person who can shine a light on things that were previously mysterious and confusing.


What Tarot Card are You?
Take the Test to Find Out.

Friday, February 23, 2007

inosente lang ang nagtataka*



nang minsang nagbayad ako ng bayarin sa tubig, nakakita ako ng dvd ng pan's labyrinth. pamilyar ang titulo dahil na rin sa ilang nominasyon nito sa paparating na oscars. duda ako nung una kung magugustuhan ko ito dahil sa hindi naman ako naging fan ng mga fantasy at adventure films. ayon sa ilang nabasa ko sa internet, ang pan's labyrinth ang kauna-unahang pelikulang na fantasy na na-nominate bilang best foreign language film sa oscars. kaya kahit na nauna ko nang nabili ang dvd ng science of sleep at the queen, nakumbinsi na rin akong kunin ang pan's labyrinth.

ipinakita ni guillermo del toro kung paano nabasag ang pagkainosente ng isang bata sa panahon ng pasismo at karahasan sa panahon ng diktadurang franco sa espanya. ginamit ni del toro ang mga malalagim na imahen sa mga kwentong pambata (fairy tales) para ipakita ang mas karumaldumal na katotohanan ng reyalidad.

hindi ko maiwasang makita sa katauhan ng malupit na kapitan at sugo ni franco na si vidal, amain ng bidang babae sa pelikula, si jovito palparan, punong berdugo ng rehimeng arroyo. inilarawan sa pan's labyrinth ang karahasang inihahasik ng sandatahang lakas sa ngalan ng pagsupil sa lehitimong pag-aaklas ng mamamayan. brutal at malupit na tinugis ni vidal ang mga rebeldeng komunista sa kanayunan ng espanya bilang bahagi ng pagsusulong ng adhikain ni franco sa espanya. karaniwang tinutukoy ang pandarahas na ito ng estado bilang pasismo.

kaya pagdating ko sa opisina, agad akong nag-research tungkol sa pasismo. maliban sa pagtukoy sa pandarahas ng estado, hindi malinaw sa akin ang pakahulugan ng konsepto ng pasismo. karaniwang ikinakabit sa konsepto ng pasismo ang totalitarianism. bukod dito, mahalagang salik ng pasismo ang naysunalismo, kolektibismo at bulag na pagsunod sa polisiya ng estado. madalas na ginagamit ang karahasan upang mapuwersa ang mga indibidwal at subject sa mapasailalim sa layon ng estado. isinusulong ng pasismo ang katatagan ng estado sa pamamagitan ng pagkakaisa. malinaw na nakikita ito sa mga ibinandilang islogan ng mga rehimeng marcos at arroyo: bagong lipunan at matatag na republika. hindi na kakatwa na sa dalawang rehimeng ito naganap ang pinakamalalang mga paglabag sa karapatang pantao sa pagsupil.
si palparan ay si kapitan vidal sa totoong buhay. ayon sa duktor ng asawa ni vidal na sumusuporta sa mga rebelde, ang pagsunod sa awtoridad nang di man lang kumukuwistiyon sa motibo at rationale ng mga utos ay ginagawa lamang ng mga tulad ni vidal. at ni palparan. di minsang pinapurihan ni arroyo si palparan sa pagsusulong nito ng kontra-insurhensyang programa ng pamahalaang arroyo. hindi ko malilimutan ang mga brutal at karumaldumal na mga larawan ng mga pisalang na aktibista sa mindoro na paulit-ulit kong napanood noong ginagawa ko ang hindi ko natapos na thesis.

kamakailan lamang, mismong si philip alston, espesyal na rapporteur ng UNHR hinggil sa mga extrajudicial na pamamaslang, ang nagbigay ng pahayag na nagdidiin sa rehimeng arroyo sa pagkunsinti nito sa pamamaslang sa mga aktibista at mamahayag. tinukoy mismo ni alston ang accountability ng afp at ng rehimeng arroyo. gayunpaman makikita na hindi lamang kinukunsinti ni arroyo ang mga pamamaslang kundi inuudyukan pa nito sa pamamagitan ng paglulunsad pa ng mas mababangis pang kontra-insurhensiyang programa at mapanupil na batas gaya ng ant-terrorism bill.

isang mahalagang elemento ng pan's labyrinth ay ang konsepto ng panahon at memorya. malilmit na pinakikita na minamasdan ni vidal ang kanyang orasan. nabanggit sa pelikulang na nang mamatay ang amang sundalo ni vidal sa isang digmaan sa aprika, sinira nito ang sariling orasan para mapahinto ito. ginawa ito ng nakatatandang vidal para sa imortalisasyon ng kanyang kagitingan na ipinamana sa anak. ang pang-alala ay sandata. ngunit mapaniil ang kolektibong gunita kung kinapon mula sa konteksto ng kasaysayan at interes ng nakakaraming pinagsasamantalahan. ginamit din ng mga diktador na sina hitler at marcos upang pagbuklurin ang lipunan tungo sa abstraktong konsepto ng nasyunalismo.

hindi ko inaasaahan na ganitong mga konsepto ang makukuha ko mula sa isang fantasy film. mayroon pa rin namang mga butas/flwas ang pan's labyrinth, pero hindi maikakaila na hindi lamang hungkag na pagka-aliw ang makukuha sa pelikula.
---


* pasintabi sa the wuds at kay ana morayta

Saturday, February 17, 2007

"...that he might jump--- that he sees how in one moment he could choose such an action."-sartre*

dumating siya sa panahong pinakabulnerable ang Tao.

sa kalagitnaan ng pag-aayuno, hinamon niya ang Tao. pinulot niya ang malamig at makinis na bato sa kanyang paanan at inilapat sa nakalahad na palad ng Tao:

"alam kong magagawa mo ito. ibsan ang gutom, gawing tinapay ang bato!"

nanuot ang lamig ng bato sa palad ng Tao-- gumapang sa kalamnan at buto, hanggang marating ng panlalamig ang sikmura. sa unang pagkakataon, tinanggihan siya ng Tao.

inilipad niya ang Tao sa taluktok ng bundok. ipinamalas niya ang lawak ng lupalop.

"malasin mo ang iyong kaharian! saklaw mo anuman ang abot ng iyong tanaw."

sinakmal ang Tao ng pagkalula. pakiramdam nito napuno ang baga ng sanlibong ipo-ipo. kaylawak ng kanyang saklaw. at siya, ang Tao, ay kaymumunti para sa lahat ng ito. di sasapat ang palad ng Tao para ang lahat ng ito'y magagap. di niya ito matatanggap.

di siya nakuntento. dinala niya ang Tao sa bingit ng bangin. at sa huling pagkakataon, hinamon ito:

"magpatihulog ka! tawagin ang mga anghel sa kalangitan at ika'y sagipin!"

umugong ang hangin mula sa kanluran at ibinudyong ang pangalan ng Tao sa sanlupalop. hindi natinag ang Tao. halos madali ng lintik na kidlat ang tagiliran ng Tao. hindi pa rin ito natinag. bumuhos ang malakas na ulan. ngunit hinding-hindi natitinag ang Tao.

magkagayunman, nahihintatakutan ang Tao. hindi lamang sa posibilidad na siya'y magpatihulog. higit sa lahat, nalula ang Tao sa kapangyarihan niyang taglay. sa tayog nang narating. sa kawalang hanggan. sa magkatuwang na pagnanais sa kapangyarihan at katubusan. dito, sa puwang na ito sa ubod ng Tao, dito siya nanahan magpakailanaman.

ang nais lamang ng Tao ay maisalba ang sarili. sa bingit ng bangin. sa pagdarahop. sa kawalan ng pag-aari.

paminsan-minsan, nahuhuli ng Tao ang sarili na lihim na nagsasanay sa paglikha ng tinapay mula sa bato. siya, ang Tao, ay tao lamang. at kung magawa man ng Tao ang magpatihulog, iyon ay hindi dahil gusto niyang siya'y maisalba pa. batid ng Tao hangga't nanahan sa puso niya ang takot, ang pangamba, hindi darating ang inaasam niyang katubusan. di niya magagawang magpatihulog. hindi.


----
*pasintabi kay VJ Rubio

Sunday, February 04, 2007

one for my baby and one more for the road

iginupo na naman ako ng lagnat, sipon at ubo nitong mga nakaraang araw. balak ko mang i-enjoy ang mahaba-habang pahinga (2 araw na akong absent sa trabaho), eh wala ako masyadong na-accomplish o nagawang produktibo. sinsisimulan ko pa lamang ang pagbabasa ng mrs. dalloway (bilang follow up matapos kong basahin ang the hours) at tanging the squid and the whale ni noah baumbach (kramer vs. kramer meets wonder boys, ayus!) ang napanood ko gayung ngayon lang uli ako nagkaroon ng ganito pahinga. pero hindi itong pagkakasakit ko ang point nitong entry na ito. nais ko lang i-recall ang mga pangyayari o bagay na recently ay kinaaliwan ko.

---

kahit papaano, naging maayos ang pagbubukas ng taon ko, maayos ang aking enero kahit na kalakhan ng panahon ko ay kinakain ng trabaho (hay, kalahati ng buwan ay nasa graveyard shift ako). nakailang pelikula rin ang napanood ko sa dvd: babel, the departed, loving annabelle, bayaning 3rd world, high art, kissing jessica stein, st. elmo's fire at imagine me and you (hehehe, bilangin ang L films dito). napanood ko rin ang ZZZ sa CCP with my hayskul friends. niregaluhan ako ni F ng concert dvds ni joni mitchell, ng simon & garfunkel at the who at ni G ng tootsie roll lip balm at sangkatutak na chocolates kontra depression(salamat, sobrang nagustuhan ko silang lahat) . natapos ko na rin sa wakas ang the hours ( jeeu, pasensya na, gutay-gutay na yung kopya mo).

---

dahil sa hindi pa naayos ang body clock ko magmula ng mag-graveyard shift ako 2 weeks ago, madalas nagigisng ako ng alas-7 kahit pa madaling araw na ako natulog. at dahil katatapos ko lang mabasa ang the hours, na-enjoy ko ang mga umagang umag tulad nang isang umagang napagpasyahan ni clarissa dalloway na siya na mismo ang bibili ng mga bulaklak para sa iho-host niyang party para sa isang kaibigan. at ako, inaako ko na ang pagbili ng pandesal sa panaderya sa may palengke (wahahahaha, para na akong baliw). kahit na pupungas-pungas ako pagdating ko sa trabaho, na-enjoy ko ang paggising sa umaga para lamang bumili ng pandesal at mag-agahan. parang buhay na buhay ako sa umaga, maraming naiisip pero parang walang pangamba.

---

bago ako nagkasakit, sinarado ko ang aking enero with a perfect night cap: isang one for my baby and one more for the road experience. umatak ako sa 70s bistro mag-isa (paumanhin kay W, punuan ang bigote with matching rannie raymundo pa kaya agad akong tumalilis). ito ang una kong bistro experience na may gig na nagaganap (hapon nun nung unang beses ako nakapasok ng bistro). kakaunti lang ang tao pero napagdesisyunan kong maupo sa bar to make it more perfect. tumutugtog sina johnoy and kakoy (na kalakhan ay cover songs mula sa dave matthews). at nalasing ako sa 2 sanmig light kaya umorder ako ng kape para mabalik sa huwisyo at matiwasay na makauwi ng bahay.

---

nung gabing iyon ko lang naramdaman ang isang uri ng kaligayahan. walang pangamba, walang regrets. sa unang pagkakaton naramdaman ko ang contentment. kahit na hindi ko magawa ang mga bagay na gusto ko, dumating mga pinakaasam-asam, maibalik ang mga nawala, kaya ko rin palang maging maligaya. corny ito, marahil pag binasa ko uli ang entry na ito ay mapapangiwi ako sa mga pinagsasabi ko. pero kung darating muli ang mga lonely nights and sad days, masasabi ko sa sarili ko na nagawa kong maging maligaya kahit paminsan-minsan lang. (iba ang epekto sa akin ni v, imbes malungkot ako ay naappreciate ko ang buhay:"fresh as if issued to children on a beach" 'life, london this moment of june," eheheh)