
nang minsang nagbayad ako ng bayarin sa tubig, nakakita ako ng dvd ng pan's labyrinth. pamilyar ang titulo dahil na rin sa ilang nominasyon nito sa paparating na oscars. duda ako nung una kung magugustuhan ko ito dahil sa hindi naman ako naging fan ng mga fantasy at adventure films. ayon sa ilang nabasa ko sa internet, ang pan's labyrinth ang kauna-unahang pelikulang na fantasy na na-nominate bilang best foreign language film sa oscars. kaya kahit na nauna ko nang nabili ang dvd ng science of sleep at the queen, nakumbinsi na rin akong kunin ang pan's labyrinth.
ipinakita ni guillermo del toro kung paano nabasag ang pagkainosente ng isang bata sa panahon ng pasismo at karahasan sa panahon ng diktadurang franco sa espanya. ginamit ni del toro ang mga malalagim na imahen sa mga kwentong pambata (fairy tales) para ipakita ang mas karumaldumal na katotohanan ng reyalidad.
hindi ko maiwasang makita sa katauhan ng malupit na kapitan at sugo ni franco na si vidal, amain ng bidang babae sa pelikula, si jovito palparan, punong berdugo ng rehimeng arroyo. inilarawan sa pan's labyrinth ang karahasang inihahasik ng sandatahang lakas sa ngalan ng pagsupil sa lehitimong pag-aaklas ng mamamayan. brutal at malupit na tinugis ni vidal ang mga rebeldeng komunista sa kanayunan ng espanya bilang bahagi ng pagsusulong ng adhikain ni franco sa espanya. karaniwang tinutukoy ang pandarahas na ito ng estado bilang pasismo.
kaya pagdating ko sa opisina, agad akong nag-research tungkol sa pasismo. maliban sa pagtukoy sa pandarahas ng estado, hindi malinaw sa akin ang pakahulugan ng konsepto ng pasismo. karaniwang ikinakabit sa konsepto ng pasismo ang totalitarianism. bukod dito, mahalagang salik ng pasismo ang naysunalismo, kolektibismo at bulag na pagsunod sa polisiya ng estado. madalas na ginagamit ang karahasan upang mapuwersa ang mga indibidwal at subject sa mapasailalim sa layon ng estado. isinusulong ng pasismo ang katatagan ng estado sa pamamagitan ng pagkakaisa. malinaw na nakikita ito sa mga ibinandilang islogan ng mga rehimeng marcos at arroyo: bagong lipunan at matatag na republika. hindi na kakatwa na sa dalawang rehimeng ito naganap ang pinakamalalang mga paglabag sa karapatang pantao sa pagsupil.

kamakailan lamang, mismong si philip alston, espesyal na rapporteur ng UNHR hinggil sa mga extrajudicial na pamamaslang, ang nagbigay ng pahayag na nagdidiin sa rehimeng arroyo sa pagkunsinti nito sa pamamaslang sa mga aktibista at mamahayag. tinukoy mismo ni alston ang accountability ng afp at ng rehimeng arroyo. gayunpaman makikita na hindi lamang kinukunsinti ni arroyo ang mga pamamaslang kundi inuudyukan pa nito sa pamamagitan ng paglulunsad pa ng mas mababangis pang kontra-insurhensiyang programa at mapanupil na batas gaya ng ant-terrorism bill.
isang mahalagang elemento ng pan's labyrinth ay ang konsepto ng panahon at memorya. malilmit na pinakikita na minamasdan ni vidal ang kanyang orasan. nabanggit sa pelikulang na nang mamatay ang amang sundalo ni vidal sa isang digmaan sa aprika, sinira nito ang sariling orasan para mapahinto ito. ginawa ito ng nakatatandang vidal para sa imortalisasyon ng kanyang kagitingan na ipinamana sa anak. ang pang-alala ay sandata. ngunit mapaniil ang kolektibong gunita kung kinapon mula sa konteksto ng kasaysayan at interes ng nakakaraming pinagsasamantalahan. ginamit din ng mga diktador na sina hitler at marcos upang pagbuklurin ang lipunan tungo sa abstraktong konsepto ng nasyunalismo.
hindi ko inaasaahan na ganitong mga konsepto ang makukuha ko mula sa isang fantasy film. mayroon pa rin namang mga butas/flwas ang pan's labyrinth, pero hindi maikakaila na hindi lamang hungkag na pagka-aliw ang makukuha sa pelikula.
---
* pasintabi sa the wuds at kay ana morayta
4 comments:
Yey! I've seen this last Christmas at nagustuhan ko rin. Yung nabili ko pang 8 in 1, puro horror, kasama ito, at di ko pa alam na may chance pala ito sa Oscars. Ang scary nung momo.
wala pa akong napapanood ni isang oscar-nominated picture. naaawa na ako sa sarili ko. crap.
Ako wala pang sampu. Pero sa mga napanood ko, paborito ko yung The Last King of Scotland, An Inconvenient Truth at The Departed. Nahilo ako sa Quiapo kakahanap ng Letters from Iwo Jima, walang nakakaalam doon tungkol sa pelikulang ito. Pero gusto ko rin yung Flags of our Fathers kahit hindi nominated.
At may dvd na ako na portable, kaya pwede na kong magyaya ng movie marathon kahit sa gitna ng kalye haha.
aksidente ko rin lang napanood 'to, at parang nung mga panahong napanood mo rin, recently lang. extra siya sa isang 9in1 dvd ng ironman atbp action-animation movies. di kami makatulog ni anton after! :/
Post a Comment