Thursday, October 27, 2005

" i'm uncool. i am (or i want to be) the enemy."


"nowadays, i find myself a sum of borrowed parts."

- e.b. , dear catastrophe tempter



tuwing nagtatapos ang mga chapter sa buhay ko, madalas akong inaatake ng allergic rhinitis ( naalala ko ang testimonial ni iris kay isagani : "because you know, little boy, your mama and i, we slept on dustydusty couches with boys. that's how i got rhinitis") . sa ganitong mga panahon lang ako nakakapaglinis at nakakapag-ayos ng mga bagay sa ilalim ng kama.

nung isang gabi, tinawag ako ng tita ko at tinanong sa akin kung akin ba 'yung mga gamit na nakatambak sa aparador sa dati kong kwarto sa bahay ng lola ko. papaupahan na raw kasi 'yun. makakatulong din sa pagpapagamot ni lola. sa buong pagka-alala ko, nadala ko na sa masikip k0ng espasyo sa bahay ang lahat ng gamit ko. (pinaalis ako sa kwartong iyon noong 2003 kasi hindi na raw ako umuuwi. sayang lang daw at ginagawang tambakan ng basura. pinalayas din nung agosto ang ate ko kasi ayaw niyang magbayad ng kuryente).

nang umakyat ako sa kwartong iyon (na bagamat maganda at maluwag ay sobrang init dahil sobrang lapit sa langit) tumambad sa akin ang gabundok ng mga basura nga ba o alaala. ang pugot na heavy duty na sinaunang electric fan (na saksi sa mga milagro ng room 312), ang file folder kong walang ibang laman kundi mga lab reports sa organic chem na hindi ko na pinasukan, sampung dangkal ng dyaryo (kule nung panahon nina eleyn at sherwin, pinoyweekly mula sa internship, atbp.), at tone-toneladang scratch paper (photocopy ng kung anu-ano), tanging jacket na nabili sa ukay sa baguio, tatlong brief na naka-plastic pa galing divisoria at hindi pa naisusuot, apat na pares ng shorts (kaya pala tig-isang pares ng shorts lang ang ginagamit ko sa bawat linggo) ilang t-shirt, at isang makulay na kumot. naroon din ang mga bag kung saan ko isiniksik ang mga bagay na ayaw kong itapon, scrapbook, notebooks na walang sulat maliban sa mga listahan ng mga paboritong pelikula, at gustong panooring pelikula, doodles, mga tula ng aking kabataan/kabaduyan. at siyempre, kasunod ng mga na-diskubre ko ay ang dumadagundong at walang katapusang pagbahing.

hindi ko kasi ugali ang matapon ng mga bagay. sa katunayan, kapag binisita mo ang bag ko sa hunyo, anuman ang makita mo dun, yun pa rin ang makikita mo sa oktubre. ang lagi lang nawawaglit ay layter at bolpen. Hindi ko madadala sa isang bitbitan ang lahat. Wala na rin akong paglalagayan sa pwesto ko sa bahay. dala na rin ng katamaran, hinayaan ko na lang na maiwan ang mga bagay na naroon. Itatapon na lang daw ng tita ko. Ni hindi ko na sinilip kung mayroon mang mahahalagang bagay na maiiwan. sa tuwing titingnan ko kasi kung anong bagay ang mahahalaga, walang naitatapon. ang kinuha ko na lang ay ilang kopya ng kule, ang mga bag na naglalaman ng mga notebooks at ang mga damit. iniwan ko na ang sobrang bigat na electric fan kahit na maraming sentimental value na ang ipinuhunan dun ng tatay ko, ako, at ng lola kong yumao.

agad kong pinalabhan ang mga nakuha kong mga damit. at agad kong isiniksik sa ilalim ng kama ang mga bag, na hindi ko na rin sinilip ang laman. kinabukasan, inaayos ko ang ilang gamit sa ilalim ng kama. inilagay sa isang walang lamang bag ang lahat ng ginamit sa thesis proposal (salamat kay jeeu, karl, caloy at eleyn). isinalansan at nilagay sa mga malalaking envelopes ang mga kopya ng kule. pero hindi ko na nakuhang piliin pa mula sa mga laman ng bag kung anong mga gamit pa ba ang kakailanganin ko. matapos malinisan ang ilalim ng kama ( todo na ang bahing ko sa puntong ito), nagsimula na akong magpatugtog sa radyo ng bunso kong kapatid. gustong-gusto kong naririnig ang dave matthews band (kahit na satellite lang ang alam kong kanta nila) habang nag-aayos ng gamit. para bang na-teleport na naman ako sa kung anong era at lugar.

naaalala ko ang eksena sa almost famous (ayan, eto ang tinatawag nina caloy na the great fudgie complex, na para bang eksena sa pelikula ang buhay ko). tinitingnan ng batang si william miller ang pinaubaya sa kanyang album koleksyon ng naglayas niyang ate ("look under your bed. it will set you free."). dun ko unang nakilala si joni mitchell at ang malungkot niyang hiling sa ilog. inihalintulad ko dito ang pagtingin ko at pagbasa ng mga dating kolum sa kule.
ito ang mga pagkakataong kung minsan, tumitiklop ako sa sarili kong mundo bago pa man nabuksan ito sa silid 401, sa vinzons, sa mendiola, sa bigote, sa madrinan, sa timog, sa tarlac at sa kung saan-saang lupalop na hindi ko matutunton nang mag-isa.

nung makasama ko ang dakilang manunulat na si k---- sa bistro isang hapon, napausal ako sa pagkasabik. iyon kasi ang una kong beses na napunta sa '70s bistro. kamusta raw at saan ako nanggaling? ang totoo, sa kwarto ko. dun lang naman uminog ang mundo ko. kung madalas man akong mag-isang naglalakad sa sm north o sa quiapo, ang totoo, nanatili pa rin ako sa loob ng masikip kong kwarto. masikip ngunit kumportable. kabisado ko kung saan ako matatapilok, kung paano ayusin ang mga bagay. kahit pa madalas akong mabahing dahil sa alikabok, wala akong takot na baka lumalala ang sipon na iyon.

at kahit na nakalabas na ako sa kwarto ko matapos ang dalawang dekadang hiatus, tuwing may pagkakataon, pinipili ko pa ring manatili at bumalik sa kwarto. mas mura ang pamasahe pabalik. katwiran ko, gusto kong magpahinga. matapos ang buwan-buwang pagsusulat ng mga bagay na sa akala ko'y makakapagpabago ng panahon, ayaw ko munang magsulat kahit naghihintay ang mga mahahalagang gawain. pinili kong mag-kumponi ng pc, magbuo ng panibagong bahay sa sims, mag-experimento ng bagong putahe, manood ng tv, makipagkilala kay jack kerouac, at makiiyak sa sinapit ng tatlong lider-aktibista sa gitnang luson.

at naiwan akong nakatitig sa awa, at tumitig ang awa pabalik sa akin.

pag natapos ko nang masalansan ang mga papel at dyaryo, titingnan ko ang mga nabili kong libro sa loob ng limang taong may pagkakataon akong magkamal ng intellectual at cultural capital. hindi lalagpas sa 50 ang mga libro ko. at tatatlo lamang ang orig kong cd (kung sinuman ang nanghiram ng cynthia alexander ko, ng twice blessed, ng days of disquiet, ng raise high at catcher in the rye, at ng dekada '70 sa ikalimang pagkakataon, paki soli na po! at ng marami pang bagay na nawaglit). marami na rin akong hinayaang mawalang vcds kahit noong una'y ito ang most prized possession ko, wala na rin akong effort na pagsisingilin ang sinumang nanghiram. ganito rin ang nararamdaman ko sa ambisyon ko dating maging filmmaker, o di kaya isang premyadong manunulat. ilang beses ko na ring iniiyak ang pagkawala ng mga pangarap na ito. matay ko mang isipin na hindi rin naman sa loob ng kwarto ko mahahanap ang mga ito.

minsan kahit alam kong walang patutunguhan ang ganitong paglulunoy sa pagiging petiburges ay ginagawa ko pa rin. at iyon na rin ay dahil package deal ito ng pagiging peti-b. na kahit alam kong isang hakbang lang palabas ng kwarto ang kelangan kong gawin, ay lagi't laging akong tumitiklop. sana, tulad nung isang araw, magawa kong hayaan na lang mga bagay, at hindi silipin kung ano pa ang maaring maisalba mula sa mga napag-iwanan.

nabuhay kasi ako sa pelikula kaya para bang kay simple ng mga kontradiksyon kung i-roromanticize ang mga bagay. minsan ako ang namamagang version ni piolo, o kaya ang utal na william miller na wrong grammar, o kaya si vilma santos na nagtataas kamao.

di bale, sa ngayon, nabura ko na ang sims sa pc, at wala akong mahanap na bagong installer.

_____________________________________________________
paumanhin kina ka ric, ka kiko, ka pedy atbp., pasensya na habang naliligo kayo sa sariling dugo ay nagpapakalunod ako sa malalim na balon ng pagkamakasarili. pagpupugay sa inyo, kayong nagmamay-ari ng daigdigan (sabi ng kanta). sana tulad ni eman, balang araw, sana mabunutan ko rin ang sarili tulad ng niyog.

Thursday, October 20, 2005

salinlahi underground

mga sanhi ng ating lunggati: dalawang salin ng subterranean ni eric gamalinda

Subterranean
by Eric Gamalinda

Let me be the first to say
that I know the name for everything
and if I don't I'll make it up:
dukkha, naufragio, talinghaga.
Just like the young
whose hearts give no shame,
I love the excesses of beauty,
there is never enough sunlight
in the world I will live in,
never enough room for love.

I fear none of us will last long enough
to prove what I've always suspected,
that the sky is a membrane
in an angel's skull,
trees talk to each other at night,
ice is water in a state of silence,
the embryo listens to everything we say.

I am afraid for the child skipping rope
on the corner of my street,
the girl on the train with flowers in her hair,
the man whose memory is entirely
in Spanish. I am more afraid of losing consciousness
when I go to sleep, and that in my sleep
I will grow old and forget how desire
once drove me mad with wakefulness

Just like the perfect seasons
they will die
and I will die
and you will die also;
no one knows who will go first,
and this is the source
of all my grief.

-0o0-

subterranean
salin ni omer mejia

Hayaan na mauna akong magsabi
na alam ko ang pangalan ng lahat
at kung hindi man lilikha ako:
dukkha, naufragio, talinghaga.
Tulad ng kabataang
may mga pusong hindi nakakapanghiya,
iniibig ko ang mga kalabisan ng kariktan,
hindi sumasapat ang sinag ng araw
sa mundong ako ay mamumuhay,
hindi sapat ang puwang para sa pag-ibig.

Natatakot ako na wala sa atin ang magtatagal
upang patunayan ang aking mga laging hinihinala,
na ang langit ay isang lamad
sa loob ng bungo ng isang anghel,
nakikipag-usap sa isa't isa ang mga puno kapag gabi,
ang yelo ay tubig sa kanyang tahimik na kalagayan.
nakikinig ang binhi sa lahat ng ating sinasabi.

Ako ay natatakot para sa batang nagluluksong-lubid
sa kanto ng aking kalye,
sa babaeng sakay ng tren na may mga bulalak sa kanyang buhok,
sa lalaking ang buong alaala ay nasa wikang Kastila.
Ako ay higit na takot na mawalan ng kamalayan
tuwing ako'y matutulog, at sa aking pagtulog
ako ay tatanda at kalimutan kung paanong minsan
ang pagnanasa ay binaliw ako ng pagkakagising.

Tulad ng mga sakdal na panahon
papanaw sila
at ako ay papanaw
at ikaw ay papanaw din;
walang nakakaalam sino ang mauuna,
at ito ang pinagmumulan
ng lahat ng aking hinagpis.

-0o0-
subterranean
ni carlos piocos iii at karl castro

Hayaan mong sabihin kong
alam ko ang pangalan ng lahat
at papangalanan ko yaong hindi ko alam:
dukha, naufragio, talinghaga.
Katulad ng musmos na may dibdib
na walang takot sa muwang at pusok
Iniibig ko ang labis na Alindog
Hindi sapat ang liwanag
sa kulimlim ng aking daigdig
Hindi sapat ang puwang para sa pag-ibig

Ikinatatakot kong maaring wala nang magtagal pa
para patunayan ang matagal ko nang hinala:
na ang langit ay isa lamang lamad
sa loob ng bungo ng anghel,
ang mga puno'y nag-uusap pagsapit ng dilim,
ang yelo ay tubig na pinatahan ng lamig,
minamanmanan tayo ng sanggol mula sa sinapupunan.

Ikinababahala ko ang pagluluksong-
lubid ng bata sa kanto, ang babae
sa tren na may bungkos ng bulaklak sa buhok,
ang lalaking ang buong Gunita ay yaong
nasa wikang Kastila. Higit kong ikinatatakot
ay ang mawalan ng malay kapag natutulog,
at sa aking paghimbing, tatanda ako’t makaliligta
kung paano minsan ako'y pinagdamutan
ng pagnanasa ng antok at katinuan

At tulad ng mga Kapanahunan,
sila ay mamamatay,
at ako ay mamamatay,
at ikaw ay mamamatay rin.
Walang nakasisigurado kung sino ang unang yayao
at ito ang sanhing lahat ng aking lunggati

Wednesday, October 19, 2005

utos ng hari

“The history of the oppressed teaches us that the state of emergency we live in is not the exception but the rule.”
-Walter Benjamin

Agad kong naalala ang sinabing ito ni Benjamin nung nabanggit sa akin ng isang kaibigan ang nasabi ni Mareng Winnie sa Debate nung nakaraang linggo. Hindi hamak na malayo raw ang Batas Militar noong panahon ni Marcos kung ikukumpara sa CPR at EO 464 at 467 ni Gloria.

Inisa-isa pa ni Monsod sa kanyang pang-Sabadong kolum sa Inquirer ang mga puntos kung bakit hindi na posibleng muling ipasailalim sa diktadura ang bansa. Punong-puno na raw ang Saligang Batas ng 1987 ng mga batas upang pangalagaan ang demokrasya. Dito pa lang sa ubod ng kanyang argumento, mapapasinungalingan na siya ng mga pangyayari noong nakaraang linggo.

Gasgas na nga kung tutuusin ang paggamit sa Saligang Batas bilang pansalag sa pasismo ng estado. Makailang beses na ring binabaluktot ang konstitusyon upang makalusot at umayon ang interpretasyon ng batas sa sinumang may monopolyo ng mismong interpretasyon ng batas. Kakatwang sa isang bansang makadalawang (tatlo?) beses na nagtungong EDSA, ano’t BP 880 ni Marcos ang ipinapatupad sa mga lansangan sa tuwinang may kilos-protesta.

Taktikal din kung tutuusin ang pagkakalagay ng numero unong disipulo ng Malakanyang sa Department of Justice. Kay Raul Gonzales pa lang, niluluto na ang mga batas (at paglabag sa batas kung ipupukol sa kaaway ng administrasyon) na maaring gamiting pananggalang ni Arroyo mula sa batikos at sa katotohanan. Nang mapasama si Miriam Santiago sa slate ng K4 noong nakaraang eleksyon, hindi alyado ang binili ni Arroyo kung di abogado.

Unang naging bukambibig ng mga bulaan sa Malakanyang ang katagang “rule of law” nang nanganib sa kamay ng sambayanan ang pananatili ni Arroyo sa puwesto. Sa panahon nga ng postmodernismo at globalisasyon, singkong-duling na lang ang katapat ng interpretasyon ng batas at ng ibanabandilang “rule of law.”

Simple lang, kung paanong sinuspinde ni Marcos ang pagpapatupad ng 1935 Constitution nang ideklara niya ang Martial Law, ganoon din isinantabi ng revolutionary government ni Aquino ang 1971 Constitution pabor sa Freedom Constitution. Dahil sa huli’t huli, walang ibang naglelehitimisa sa mga batas kundi ang pagsunod dito ng taumbayan. Kung gayon, ang mamamayan pa rin ang mapagpasyang nagsusulong ng karapatan nilang higit sa lahat ay makapangyarihan. At hindi kailanman maaaring pagbanggain ang kapakanan ng bayan sa karapatan ng mamamayan.

Sa lipunanang binubuhay ng pagsasamantala, ang bayan ay nasa palagiang “state of emergency.” Lagi’t laging nasa bingit ng paghihingalo. ‘Yun bang naghihintay parati na masalinan ng dugo. Sa bayang ito, ganito ang nasasaad sa batas: Kung wala na’t maubusan ng blood donor, hindi mangingimi ang hari o reyna nagmaglabas ng pangil.

Wednesday, October 12, 2005

"ng katotohanang tayo ay nag-iisa,na ang mundo ay nakaliligta."


dibuho ni Karl Castro

Flash Photography

ni Eric Gamalinda
Salin nina Carlos Piocos III at Karl Castro

Matagal na, ngunit maaring

isa ito sa mga nangamatay

sa kidlat: madaling mahinuha

kung paano napunit ang langit

na parang lamat sa bumbunan

ng nabitawang bungo. Tanging ang nakikita

lamang ang nalalaman.


Ipagpalagay na lamang na iyon

ay isang agos kontra sa pangkaraniwang

daluyong ng pang-araw-araw. Isang

batis ng yumao nang himala,

hindi sinasadya at walang saysay

sa kasalukuyan, isang daigdig na umiinog

sa pamahiin, sa salimuot.


Pinipili lamang ang nais alalahanin.

Walang pag-ibig sa paggunita,

kundi pagkatupok sa liwanag

mula sa pagkalunod sa dilim

at pagkalulong sa nakalalason.

Maaaring retrato ng

di gumagalaw, imortal, imoral.


O mas nakababalam, na parang sinasabi

na lahat ng ating nawala

ay mananatiling nawawala,

at ang litrato ay isang paraan lamang

ng hindi paghahanap,

at ang tanging pag-asa ay ang lente,


itong aparatong walang pakialam,

ay makagagawa ng paraan

upang mapalitan ang lahat ng liwanag

mula sa mga nagpakahulugan

sa mga itinatago nating takipsilim,

at ang paningin

ang tanging hindi nakapapansin sa lagim


ng katotohanang tayo ay nag-iisa,

na ang mundo ay nakaliligta.

At sa huli, hindi gunita kundi pangungulila

ang aangkin sa lahat,

at bilang kabayaran,

pumupuslit tayo ng alaala

para sa lahat ng nawala’t lumisan.


-0O0-

Flash Photography
by Eric Gamalinda


This could have been someone
who died of lightning long ago:
easy to imagine how the skies
broke and the fulguration
like a skull exploding. I know
only what I see with my eyes.

Think of it as a current
impervious to the ordinary run
of lives, a source of ancient mystery
but meaningless and inadvertent
now, a whole world spun
of rumor, of perplexity.

Chooses what it likes to recall.
Selects not with love,
but light. Does its harm
in darkness, in the thrall
of poisons. May be portraits of,
still lives with, soft porn.

Or more urgent: as though to say
all that we've lost
still persist in their absence,
and the photograph is a way
of not seeing, and the most
we can hope for is that the lens,

this indifferent apparatus,
somehow borrows the light
of those who gave meaning
to the darkness in us,
and the faculty of sight
dispels the terrifying

realization that we are alone,
that the world forgets.
All told, not absence but memory
takes what it can,
and we pay our debts
by remembering completely.

Tuesday, October 11, 2005

"times are shitty, but I'm pretty sure they can't get worse*..."



"I could seat guests as they come
/Chatting not about Heidegger, but wine! / ...Let's open up a restaurant in Santa Fe/ Our labors would reap financial gains /We'll open up a restaurant in Santa Fe / And save from devastation our brains.../ We'll pack up all our junk and fly so far away / Devote ourselves to projects that sell/ We'll open up a restaurant in Santa Fe / Forget this cold Bohemian hell*..."


Isa na namang text mula kina A, B at F, mga matapat na kaibigan mula pa noong simula. nagyaya sila na mag-lunch date kami sa darating na huwebes.
naisip ko bago pa man ako magkamal ng cultural capital sa ivory tower, sila ang mga nauana kong nakausap sa iba't ibang hilig: indigo girls, joni mitchell, rent, almost famous, cynthia alexander at marami pang iba. ilang beses na rin pala kaming nagtangkang magplano para sa isang night out, pero lagi't laging may aberya.

third year kami nang magsimulang magkawatak-watak ang aming landas. dumalang ang pagkikita namin. at pagdating ng fourth year, sa panahong nagiging malinaw na sa iba ang mga bagay na gusto naming gawin, lalong bihira na kaming nakakapagsama-sama. at lalo na nang grumadweyt na sila.
parang 5 minutes lang ang isang marathon na kuwentuhan na umaabot na ng madaling araw. tuluyan nang nagsanga-sanga ang iba't ibang landas namin.

masaya ako para kay F dahil kahit papaano ay ginagawa niya ang bagay ng gusto niyang gawin. pinaka-determinado naman si A para tuparin naman ang pangarap niyang maging pinoy pop superstar (chos!), kaya't kahit maliit ang kita sa paminsan-minsang gig, pinapatos niya. at siyempre sobrang tuwa ko nang sa hindi inaasahang desisyon nag-NGO si B (kahit na iba ang paniniwala ko sa NGOismo).
masaya akong lalo, na bagama't iba-iba kami ng paniniwala, na tanggap nila ang piniling kong buhay. paminsan-minsan mang nagkakadiskusyon e madalas namang iniintindi na nila ako, kahit ba itong niyakap kong paninindigan ang dahilan kung bakit ako ang pinakamadalas na absent sa mga paglabas.

pero kahit na alam at iniintindi nila ang landas na tinahak ko, hindi pa kailanman ko pinakilala sa kanila ang mundo ko: ang vinzons hill, ang mendiola, ang espanya at welcome rotonda, ang bigote, at iba't iba pang lugar kung saan madalas ako nangangarap at binubuo ang mga pangarap na iyon.

minsan, naisip ko ang isang eksena: imbes na si vilma santos, silang tatlo ang kikitain ko sa isang liblib na restaurant
sa chinatown at ako ang namamagang version ni piolo, at melodramatic kong i-re-reassure sila na mabuti ang kalagayan ko at masaya ako sa ginagawa ko.

sila ang pinaka-nakakaintindi sa akin tuwing ginagawa kong pelikula ang bagay-bagay. sa kanila rin pinakamabenta ang malalaswa kong hirit. at bakit ko nga ba ngayon ginagawa ito? korni na kung korni pero paraan ko ito para sabihing pasensya na sa lahat ng kakulangan (etching) at salamat sa lahat. to quote B's favorite line from a chick flick: "TEAR."

p.s. isa lang ang inseguridad ko sa kanila. ang kanilang wakanangshet na boses, habang ako ay tone deaf. bwiset! hmp!
_______________________
*from the song Sta. Fe, Rent (shemps, the situation can get worse, and i'm pretty sure about that!)

Wednesday, October 05, 2005

days of disquiet, nights of rage*



mag-antanda na at iusal na ang dasal sa paghambalos ng unos:


"Aba po Santang Gloria'ng Hari. Inang walang awa. Wala kaming kabuhayan o kapayapaan; Aba, isinasakdal ka namin. Ikaw nga ang pinaparatangan namin sa mga pinapanaw na taong anak ni Eva. Ikaw din ang ikinabubuntung-hininga namin ng aming pagtangis dini sa lupang bayang kahapis-hapis. lisanin mo na kami, reyna ng kasukdul-sukdulang Kalbaryo nang kami'y makinabang sa pangako ng aming pinaghirapan.
Siya nawa."

_________________________________________
lumabas itong dasal na ito sa huling issue ng kule 04-05. upload ko lang dito dahil mukhang (pun intended) iigting pa ang hambalos ng walang hiya!
*pasintabi kay Pete Lacaba;

Friday, September 30, 2005

bigote nights club


Awit ni Joni*

Ana Morayta


Ano e, pagod si Joni noon, naalala kong sinabi niya

Minsan sa Bigote: Pagod ako Mami

Sabay ubo, malalim at dumadarang –

Nakarinig ako ng gasgas sa lalamunan

Isang kanta lang, isang Brickell o Chapman,

Sabi ng mga taong medyo lasing na

At sentimental sa isang gabi

ng muling pagkikita

at pag-alis ng isang kasama

E ganun naman ata talaga, hindi ba't

magkatuwang ang pagtatagpo at paglisan

Dahil wala namang bigat ang paglisan

kung hindi iyung nais mong makatagpo ang magpapaalam

At ano lang nga ba naman ang muling pagkakatagpo

kung hindi siya ang iyong inaasam?

Dahil kahit tila wala kang magawa,

Sa katunayan e ang pag-ibig ay isang pagpapasiya

Ang pag-ibig ay pagpanig

At pagkitil sa kabilang hindi mo pinili

At pagkikipagtitigan sa mata

O pagpapaputok ng mga buto sa daliri

At marami pang iba,

Pero mabalik nga tayo sa kwento,

Na isang gabi sa Bigote pinapakanta,

Pero pagod na itong ating kasama


Pero - kumanta pa rin - kumanta si Joni


Pinunit ng boses niya ang hatinggabi.

May bahid ng paos

Nagpapaalala ng dausdos ng usok ng yosi

at matagal na paghihintay.


Pagpupuyat paglalakad at paglalakbay

Pabulong at humahagod sa ilang bahagi

Parang nanunuyo at nanunukso

Parang humihimas sa katawang hapo


Malutong at marahas kung bumirit,

Galit at nag-aalimpuyo

Sa sagasa ng pakikipag-iibigan

O sa malupit na panahon

Sa hilalil at panlilinlang

Sa walang katarungan

Sa mga sandaling nasayang

Sa pagpapatuloy

At sa bukas na sinusubukang mabago

Tuluy-tuloy lang.

At maalala ko lang,

Nung gabing umawit si Joni

Nakita n'yo ba kung paanong bago siya tumayo

Ay marahan at mariing hinaplos ni Anton

ang isang eksaktong lugar sa kanyang likod niyang hapo.

________________________________________
*mula sa Kasal sa Apoy at iba pang Nagbabagang Balita