Thursday, December 18, 2008

"Hindi gawang biro o kasiyahan ang magpinta ng iba't ibang mukha ng kalungkutan. Anong salita kaya ang magsasaad ng lahatlahat?"






Papuri
ni Edel Garcellano

Nagustuhan mo ang mga tulang minsa'y natunghayan
mo sa isang lumang dyurnal ng aking kabataan.
Salamat na lamang, sapagkat sino naman akong
magwawaksi sa iyong tinuran -- dapat pa nga akong
magalak at may nagpahalaga sa aking mga isinulat,
kung masasabi ngang may katuturan ang tekstong iyon.

Ngunit balisa na ako sa ganoong mga pahapyaw.
Bagkus, ang araw ay higit na lumalamig,
ang malayelong hangin ay sumisigid sa buto na ngayo'y
dagling nanluluoy sa ihip ng mga nakakabangungot na
panaginip. Hindi gawang biro o kasiyahan ang
magpinta ng iba't ibang mukha ng kalungkutan.
Anong salita kaya ang magsasaad ng lahatlahat?

(mula sa koleksyong Una Furtiva Lagrima)

Thursday, December 11, 2008

XC

Napanaginipan kong ako'y pumanaw: na naramdaman ko ang ginaw sa aking tabi;
at ang tanging natira sa aking buhay ay nilaman ng iyong pag-iral:
ang iyong bibig ay liwanag ng umaga at panglaw ng aking mundo,
ang iyong balat, ang republikang aking itinatag para sa sarili sa pamamagitan ng mga halik.

Sa isang iglap, ang bawat libro sa sandaigdigan ay nagwakas nang lahat,
lahat ng pagkakaibigan, lahat ng yamang pilit na pinagkakasya sa mga sisidlang bakal
ang salaming bahay na sa matagal na panahon ay magkasama nating tinayo--
naglaho na silang lahat, hanggang sa wala nang nalabi maliban sa iyong mga mata.

Dahil ang pag-ibig, habang nagpapatuloy ang kaabahan ng buhay,
ay ang nananaig na alon sa sunod-sunod na pagdaluyong nito
ngunit darating ang araw na ang wakas ay kakatok sa pinto.

Ay! Tanging ang iyong mukha ang pupuno sa kawalan,
tanging ang iyong aliwalas ang mananatili,
tanging ang iyong pag-ibig sa pagdating ng takipsilim.

- mula sa Sonnet XC ni Pablo Neruda

salamat kay J

Tuesday, December 09, 2008

ang mahiwagang tawag*


di ako mahilig sa mga sorpresa, pero sadyang nakapapawi ng lumbay ang mga tawag na di inaasahan pero inaasam-asam:

Walang Paglimot (Sonata)
No Hay Olvido (Sonata)
ni Pablo Neruda
salin ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Kung tatanungin mo ako kung saan nagmula,
dapat kong sabihing "Maraming nangyari."
Dapat akong magsaysay ng lupang
nagpaitim sa mga bato,
sa mga nasirang ilog sa katagalan nito,
wala akong alam sa mga bagay-bagay
liban sa nawaglit ng mga ibon,
ang iniwan kong dagat, o kapatid na babaeng lumuluha.
Bakit napakaraming pook? Bakit naipon sa bibig
ang gabing pusikit? Bakit may mga patay?

Kung tatanungin mo ako kung saan nakarating,
dapat kong kausapin ang mga nasirang bagay,
ang kagamitang nagdurusa ng labis,
ang malalaking hayop na palagiang naaagnas,
at ang sawi kong puso.

Hindi ito mga gunitang nagkurus ng landas
o ang naninilaw na kalapating nakahimlay sa paglimot,
ito'y mga mukhang lumuluha
at mga daliri sa ating lalamunan
at anumang napigtal sa piling ng mga dahon:
ang lumipas na dilim ng isang araw,
ng isang araw na nasandat sa ating
nalulumbay na dugo.

Ito'y biyoleta, langay-langayan,
lahat ng inibig natin at matutunghayan
sa malalambing na tarhetang may mahabang kolang
dinaraanan ng panahon at ng katamisan.

Ngunit hindi tayo makaigpaw sa mga ngiping ito,
hindi natin makagat ang mga talukab
na inipon ng katahimikan,
dahil hindi ko batid ang sagot:
kay-raming mga patay,

at kay-raming dikeng pinigtas ng pulang araw
at kay-raming ulong bumunggo sa mga barko
at kay-raming palad na lumikom sa mga halik
at kay-raming bagay na nais kong limutin.


---
salamat kina js at jc, at sa iba pang nagbasa sa akin ng tula isang gabing pusikit

Monday, December 01, 2008

Ang Pinto

i.
Maingat niyang inilapat ang pinto sa paglabas niya ng bahay. Ang tanging ingay na kaniyang iniwan ay ang marahang pitik ng seradura. Ayaw na sana niyang gambalain pa ang dinalaw na kaibigan sa pagkakahimbing. Ilang hakbang pa mula sa pinto, saka lamang niya nagawang pakawalan ang isang buntunghiningang tila kaylalim ng pinaghugutan.

ii.
Padabog na ibinagsak ng nagdaang bugso ng hangin ang naiwang pintong nakabukas. Sa gulat niya, nabitiwan niya ang isang baso ng malamig na malamig na tubig. Naramdaman na lamang niyang binalot ng ginaw ang mga hubad niyang binti. Kaniya munang minasdan ang nagkandapira-pirasong kristal sa kaniyang paanan bago hinakbangan at saka kumuha ng walis at daspan.

Tuesday, November 18, 2008

jose gonzalez on morning becomes eclectic

huli para sa araw na ito.

pasensya na, masyado lang akong naaliw sa baul ng yaman ng morning becomes eclectic.

suzanne vega on morning becomes eclectic

hail suzanne!

Sunday, November 16, 2008

things that can't be shared

"Maybe she was just tired of dead ends, phone calls that were never returned, promises that were never kept, tripping over the same stone... These are the things that can't be shared."
-Things You Can Tell Just by Looking at Her (2000)



lubhang napakahirap humanap ng tiyempo para muling makapagsulat. bukod sa walang panahong magsulat, ay wala rin namang nagaganap na maaaring isulat (maliban sa serye ng mga pangyayaring pinagkakaabalahan na balak ko gawan ng isang blog entry sa huling buwan ng taon). hinayaan kong ang mga larawang ipinost ko sa multiply ang magkwento sa mga naganap nitong mga huling buwan.

kahit ang pagbabasa at panonood ng pelikula ay kelangan ng effort para sa akin ngayon. lagi kong nahuhuli ang sariling nakatunganga at low-batt. pero gayunpaman, may ilang bagay pa rin namang nakakapagpabuhay sa aking dugo sa mga nakalipas, tulad na lang ng mga ito:


the children of men ni pd james

borderlands/ la frontera ni gloria anzaldua

salvador ni joan didion


maliban sa salvador, hindi ko pa tapos basahin ang children of men at borderlands. sinwerte ako last week nang maispatan ko ang bordelrands sa booksale sa megamall. swerte ring maituturing nang mabili ko ang salvador sa halagang P40 sa booksale farmer's. sa mga susunod na entry ko na lang siguro ibabahagi ang aking rebyu-rebyuhan sa salvador (in time for human rights day sa disyembre) at sa children of men at borderlands, kung susuwertehing (o mas apt, sisipagin) matatapos ko silang basahin.



short cuts ni robert altman


things you can tell just by looking at her ni rodrigo garcia



magkasunod na linggo ko pinanood ang short cuts at things you can tell. parehong gumagamit ng multiple character at storyline and dalawang pelikula. nahihilig ata ako ngayon sa mga sala-salabid na kuwento. una na akong na-amaze sa amores perros nina inarritu at arriaga, pero bago pa man pala ito, nauna na si altman sa ganitong estilo ng pagsasalaysay ng kwento. malaki ang pagkakahawig ng short cuts sa magnolia ni paul thomas anderson (di ko nagustuhan ang magnolia dahil lahit na anglungkot ng pelikula, di ko ito nararamdaman).

tulad ng magnolia at short cuts, tragic ang mga kwento ng limang babae sa istorya. sa huling bahagi ng pelikula dineliver ni cameron diaz ang linyang sinipi sa itaas. bakit kaya lagi't laging may kakambal na lungkot ang mga babae? parang yung nabasa kong linya mula sa autobiography ni liv ullmann (sinong may kopya? pahiram!): "i want to write about being a human being. i want to write about loneliness. i want write about being a woman."

naaalala ko ang isang sipi mula sa paborito kong short story ni genoveva matute na kuwento ni mabuti: "tanging ang nakararanas ng lihim na kalungkutan, ang siyang nakakararanas ng lihim na kaligayahan." sa tuwing nakahahanap ako ng mga libro at pelikulang tulad ng mga nahanap ko nitong mga huling buwan, kahit papaano, kahit pansmaantala, kahit artipisyal, naiibsan ang mga pana-panahong yugto ng lumbay.