

Pinakamatingkad na katangian ng Inglatera noong dekada 80 ay ang laganap na kahirapan bunsod ng kawalan ng trabaho sa ilalim ng panunungkulan ng konserbatibong si Margaret Thatcher. At katulad ngayon, ang tropang Ingles ay sumabak noon sa isang gera, ang Falklands War. Tulad ng pagiging di popular na pagsali ng UK sa Iraq War, marami sa mamamayan ng England ang di pabor sa pagdedeklara ng gera ng Britanya laban sa Argentina para igiit ang karapatan nito sa Falklands.
Lumawak ang hanay ng mga uring manggagawang walang trabaho bunsod na rin ng maling prayoridad ng gubyernong Thatcher. Nagresulta ang ngayo’y tinaguriang Thatcherism sa malawak na pagkadiskontento ng mga mamamayan. Sa ganitong panahon umusbong ang iba’t ibang subkultura sa England gaya ng mods at skinheads. Gayung may hibo ang ilan sa mga subkulturang ito ng subersyon at pagiging progresibo, ang polarisasyon sa mga mamayan ay nagbigay din ng pagkakataon para lumaganap ang mga grupong ultra-nasyunalistiko, pasista at neo-Nazi.
Ito marahil ang dahilan kung bakit ilan sa mga bagong dugo ng UK Cinema ay nagbabaliktanaw sa 80s England bilang mayamang inspirasyon para sa kani-kanilang mga gawa. Makikita sa bawat pelikula ang mga tema ng isolation, kawalang-pag-asa, depresyon, desperasyon at, sa kabilang banda, ang pagpupunyagi sa ng kawalang pag-asa. Pinagyayaman din ang bawat pelikula ng distinct na musika ng 80s England.
---
4) Starter for 10 (2006)
Bagamat nasa tradisyunal na pormula ng romantic-comedy, dinala ng first time director na si Tom Vaughan ang mga manonood sa isang nostalgia trip gamit ang musika ng 80s. Tampok sa pelikula ang pangunahing tauhang si Brian (James McAvoy, Atonement), na bagamat galing sa uring manggagawa, ay determinadong makapagtapos sa isang unibersidad at matupad ang pangarap ng kanyang ama na mapasali siya sa isang popular na quiz show. At tulad ng tradisyunal na rom-com, tampok sa pelikula ang pagkalito ni Brian kung sino ang iibigin sa pagitan ng nakaaalwang teammate na si Alice at ng aktibistang si Rebecca.
3) Control (2007)
Pinili ng tanyag na MTV director at videographer na si Anton Corbijn ang talambuhay ni Ian Curtis, nagpakamatay na bokalista ng bandang Joy Division, bilang unang pelikula niya. Sa paggamit ng black and white na sinematograpiya, nagawang ni Corbijn na ipako ang pokus ng manonood sa ligalig na kinasasadlakan ni Curtis (na magaling na ginampanan ng baguhang aktor na si Sam Riley) sa gitna ng biglang kasikatan at gumuguhong relasyon sa kanyang asawa (Samantha Morton).Tila elektrisidad na pinakawalan ni Riley ang kanyang rendisyon ng mga kantang pinasikat ng Joy Division na lalong nagpatingkad ng atmospera ng England sa unang bahagi ng dekada 80.
2) The History Boys (2006)
Tungkol ang The History Boys, ang patok na dula ni Alan Bennett, sa pagpupunyagi ng isang grupo ng mga matatalinong estudyante mula sa isang grammar school sa Sheffield, England na makapasok sa mga prestihiyosong unibersidad sa Oxford at Cambridge sa tulong ng kanilang mga dalubhasang guro sa general studies at history.
Sa pagiging diverse ng grupo, naipakita nina Bennett at Nicholas Hytner ang demograpiya ng lipunan sa England noong 1980. Umupa ang headmaster ng isang baguhang guro para kinisin ang kakayahan ng mga mag-aaral. Ipinakita sa magkasalungat na pamamaraan ng paghahasa at pagtuturo ang banggaan ng makaluma at makabagong kaisipan sa Inglatera sa dekada 80 kung kalian malaganap na ang halina ng kaisipang postmoderno.
1) This is England (2007)
Matagumpay na naisalarawan ni Shane Meadows ang hitsura ng 1980s England sa perspektibo ng 12-year-old na si Shaun (Thomas Turgoose). Matapos maulila sa amang namatay sa Falklands War, nakahanap ng pagtanggap si Shaun isang grupo ng mga skinheads. Unit-unting lumubog at namulat si Shaun sa kultura ng mga skinheads at sa reyalidad ng lumalaganap na ultra-nasyunalismo sa gitna ng krisis pang-ekonomya sa bansa.
Epektibong naipakita ni Meadows, gamit ang isang coming of age film, ang ugat ng rasismo at pasismo sa panahong ang Inglatera ay nasa gitna ng gerang agresyon laban sa Argentina. Pinagyaman pa ang pelikula ni Meadows di lamang ng paggamit ng angkop na musika ngunit maging ng mga documentary clippings ng mga kaganapan sa England at sa Falklands upang maisakonteksto ang kwento ni Shaun at ng kanyang mga kaibigan.
Itinanghal ang This is England na Best British Film ng Bafta (katumbas ng Oscars sa UK) para sa taong ito.
----------*unang linya ng Please, please, please let me get what I want ng The Smiths