Wednesday, December 24, 2008

lahat ng hindi ko kailangan malaman, natutunan ko sa mga pelikulang napanood ko noong 2008*

sa tuwing napapagod, stressed at hindi makasabay sa bilis ng panahon, refuge ko ang sulok ng aking kwarto. saglit tumitigil ang mundo ko, makikitawa at makikiiyak sa mga tauhan sa gawa-gawang mundo ng pelikula. hindi ako naniniwala na ang pelikula ay salamin ng reyalidad. mas gusto kong paniwalaan si zizek na nagsabing "cinema is the ultimate pervert art. it doesn't give you what you desire - it tells you how to desire."

ang mga sumusunod ay ilan sa mga pelikulang kinaaliwan, pumawi ng kalungkutan ko at/o kinagiliwan ko nitong 2008. hindi bago ang ilan sa mga ito pero nitong 2008 ko lamang sila napanood.

Short Cuts (1993) - Robert Altman
bago pa man ang magnolia ni pt anderson at ang mga pelikula ni inarritu, kilala na si altman sa paghahabi ng salasalabid na kuwento ng iba't ibang tauhan. sa short cuts, pinagdugtong-dugtong ni altman ang mga maiikling kuwento ni raymond carver. kabilib-bilib kung paano ginagamit ni altman ang mga salimuot at animo'y (dis)koneksyon sa pag-dissect sa human psyche.


Things You Can Tell Just By Looking at Her (2000) - Rodrigo Garcia
"Maybe she was just tired of dead ends, phone calls that were never returned, promises that were never kept, tripping over the same stone... These are the things that can't be shared."
-Carol, Love Waits for Kathy segment (Things you can tell...)

"sa katagalan ng panahon, nawalan na rin siya ng
dahilan upang itanong sa sarili kung bakit lagi siyang
sapupo ng kalungkutan."
-edel garcellano, takipsilim iv (una furtiva lagrima)


Tape (2001) - Richard Linklater
naalala ko ang play ni sartre na no exit nung una kong napanood itong huling pelikula nina ethan hawke at uma thurman bago sila naghiwalay. nagsilbing reunion din ito kina hawke at sean robert leonard na unang nagsama sa pelikulang dead poet's society.


This is England (2006) - Shane Meadows
backdrop ng coming of age film na ito ang inglatera sa panahon ni margaret thatcher at falklands war noong dekada 80. ipinakita sa this is england kung paano ang abstraksyon ng nasyunalismo sa panahon ng krisis at digmaan ay maaaring magbunsod ng pasismo.


Control (2007) - Anton Corbijn
"When the routine bites hard
And ambitions are low
And the resentment rides high
But emotions wont grow
And were changing our ways,
Taking different roads
Then love, love will tear us apart again"
- Joy Division, Love Will Tear Us Apart


The Edge of Heaven (2007) - Fatih Akin
"At itinuro sa atin ng karanasan, ang konsepto ng bawal ay double-edged: magkatuwang ang katangian ng sarap at subersyon."
- Ana Morayta, Adik Sa 'Yo (Bakit Masarap ang Bawal?, Philippine Collegian)


Juno (2007) - Jason Reitman
dalawang phenomenal na babae ang pinasikat ng pelikulang juno-- ang canadian actress/ superhuman na si ellen page at ang stripper/blogger na si diablo cody.


Paranoid Park (2007) -Gus Van Sant
perenyal na tema sa mga pelikula ni gus van sant ang diyaletikal na ugnayan ng youth and death. unang collaboration nina gus van sant at christopher doyle (cinematographer ni wong kar wai sa mga pelikulang in the mood for love, 2046, days of being wild) ang paranoid park. ang resulta: isang atmospheric study sa paranoia ng isang skaterboy sa suburbia ng portland. habang pinapanood ko ito, katulad ng pinanood ko ang brick ni rian johnson, pakiramdam ko may ulap sa aking balikat.


My Blueberry Nights (2007) - Wong Kar Wai
pangamba ng isang kakilala na hindi magiging kasing husay ang pinakabagong pelikulang ito ni WKW ng mga iba pa niyang pelikula dahil hindi si Doyle ang kinuha nitong cinematographer. walang bago sa My Blueberry Nights. Para ngang tinranspose lang ni WKW ang uniberso niya sa HK patungong US. pero ang naging kalakasan ng pelikulang ito ay ang i-expose si WKW bilang auteur, na gumagamit ng talinghagang recycled. pero bakit nga ba nasa listahan ko ang pelikulang ito? sabi nga ng isang kaibigan, "for posterity's sake."


In Bruges (2008) - Martin McDonagh
"Because at least in prison and at least in death, you know, I wouldn't be in fuckin' Bruges. But then, like a flash, it came to me. And I realized, fuck man, maybe that's what hell is: the entire rest of eternity spent in fuckin' Bruges. And I really really hoped I wouldn't die."
-Ray, In Bruges


Be Kind Rewind (2008) - Michel Gondry
ang gsuto ko sa mga pelikula ni gondry ay kung paano naipapakita sa kanyang mga pelikula na masaya siyang gumagawa ng pelikula. para sa akin, ang be kind rewind ay homage ni gondry sa sincere art ng filmmaking.


Milk (2008) - Gus Van Sant
"If a bullet should enter my brain, let it destroy every closet door."
-Harvey Milk


*pasintabi kay Jose F. Lacaba (Lahat ng Hindi ko Kailangang Malaman, Natutunan ko sa Pelikulang For Adults Only)

Thursday, December 18, 2008

"Hindi gawang biro o kasiyahan ang magpinta ng iba't ibang mukha ng kalungkutan. Anong salita kaya ang magsasaad ng lahatlahat?"






Papuri
ni Edel Garcellano

Nagustuhan mo ang mga tulang minsa'y natunghayan
mo sa isang lumang dyurnal ng aking kabataan.
Salamat na lamang, sapagkat sino naman akong
magwawaksi sa iyong tinuran -- dapat pa nga akong
magalak at may nagpahalaga sa aking mga isinulat,
kung masasabi ngang may katuturan ang tekstong iyon.

Ngunit balisa na ako sa ganoong mga pahapyaw.
Bagkus, ang araw ay higit na lumalamig,
ang malayelong hangin ay sumisigid sa buto na ngayo'y
dagling nanluluoy sa ihip ng mga nakakabangungot na
panaginip. Hindi gawang biro o kasiyahan ang
magpinta ng iba't ibang mukha ng kalungkutan.
Anong salita kaya ang magsasaad ng lahatlahat?

(mula sa koleksyong Una Furtiva Lagrima)

Thursday, December 11, 2008

XC

Napanaginipan kong ako'y pumanaw: na naramdaman ko ang ginaw sa aking tabi;
at ang tanging natira sa aking buhay ay nilaman ng iyong pag-iral:
ang iyong bibig ay liwanag ng umaga at panglaw ng aking mundo,
ang iyong balat, ang republikang aking itinatag para sa sarili sa pamamagitan ng mga halik.

Sa isang iglap, ang bawat libro sa sandaigdigan ay nagwakas nang lahat,
lahat ng pagkakaibigan, lahat ng yamang pilit na pinagkakasya sa mga sisidlang bakal
ang salaming bahay na sa matagal na panahon ay magkasama nating tinayo--
naglaho na silang lahat, hanggang sa wala nang nalabi maliban sa iyong mga mata.

Dahil ang pag-ibig, habang nagpapatuloy ang kaabahan ng buhay,
ay ang nananaig na alon sa sunod-sunod na pagdaluyong nito
ngunit darating ang araw na ang wakas ay kakatok sa pinto.

Ay! Tanging ang iyong mukha ang pupuno sa kawalan,
tanging ang iyong aliwalas ang mananatili,
tanging ang iyong pag-ibig sa pagdating ng takipsilim.

- mula sa Sonnet XC ni Pablo Neruda

salamat kay J

Tuesday, December 09, 2008

ang mahiwagang tawag*


di ako mahilig sa mga sorpresa, pero sadyang nakapapawi ng lumbay ang mga tawag na di inaasahan pero inaasam-asam:

Walang Paglimot (Sonata)
No Hay Olvido (Sonata)
ni Pablo Neruda
salin ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Kung tatanungin mo ako kung saan nagmula,
dapat kong sabihing "Maraming nangyari."
Dapat akong magsaysay ng lupang
nagpaitim sa mga bato,
sa mga nasirang ilog sa katagalan nito,
wala akong alam sa mga bagay-bagay
liban sa nawaglit ng mga ibon,
ang iniwan kong dagat, o kapatid na babaeng lumuluha.
Bakit napakaraming pook? Bakit naipon sa bibig
ang gabing pusikit? Bakit may mga patay?

Kung tatanungin mo ako kung saan nakarating,
dapat kong kausapin ang mga nasirang bagay,
ang kagamitang nagdurusa ng labis,
ang malalaking hayop na palagiang naaagnas,
at ang sawi kong puso.

Hindi ito mga gunitang nagkurus ng landas
o ang naninilaw na kalapating nakahimlay sa paglimot,
ito'y mga mukhang lumuluha
at mga daliri sa ating lalamunan
at anumang napigtal sa piling ng mga dahon:
ang lumipas na dilim ng isang araw,
ng isang araw na nasandat sa ating
nalulumbay na dugo.

Ito'y biyoleta, langay-langayan,
lahat ng inibig natin at matutunghayan
sa malalambing na tarhetang may mahabang kolang
dinaraanan ng panahon at ng katamisan.

Ngunit hindi tayo makaigpaw sa mga ngiping ito,
hindi natin makagat ang mga talukab
na inipon ng katahimikan,
dahil hindi ko batid ang sagot:
kay-raming mga patay,

at kay-raming dikeng pinigtas ng pulang araw
at kay-raming ulong bumunggo sa mga barko
at kay-raming palad na lumikom sa mga halik
at kay-raming bagay na nais kong limutin.


---
salamat kina js at jc, at sa iba pang nagbasa sa akin ng tula isang gabing pusikit

Monday, December 01, 2008

Ang Pinto

i.
Maingat niyang inilapat ang pinto sa paglabas niya ng bahay. Ang tanging ingay na kaniyang iniwan ay ang marahang pitik ng seradura. Ayaw na sana niyang gambalain pa ang dinalaw na kaibigan sa pagkakahimbing. Ilang hakbang pa mula sa pinto, saka lamang niya nagawang pakawalan ang isang buntunghiningang tila kaylalim ng pinaghugutan.

ii.
Padabog na ibinagsak ng nagdaang bugso ng hangin ang naiwang pintong nakabukas. Sa gulat niya, nabitiwan niya ang isang baso ng malamig na malamig na tubig. Naramdaman na lamang niyang binalot ng ginaw ang mga hubad niyang binti. Kaniya munang minasdan ang nagkandapira-pirasong kristal sa kaniyang paanan bago hinakbangan at saka kumuha ng walis at daspan.