salin ng Walking Around ni Pablo Neruda
Mangyari’y pagod na ako sa pagiging tao.
At mangyari'y napapadaan ako sa mga sastre at sinehan
nang lanta, di maarok, katulad ng isang sisneng piyeltro,
naglalayag sa tubig na pinagmulan at abo.
Ang amoy ng mga barberya’y nakakapagpapahagulgol sa kin
at ang tanging nais ko’y humimlay tulad ng mga bato o lana.
Di ko na nais pang makakita ng mga tindahan o hardin,
ng mga kalakal, mga salamin, mga asensor.
Mangyari’y sawa na ako sa aking mga paa at kuko
at sa aking buhok at anino.
Mangyari’y pagod na ako sa pagiging tao.
Magkagayunman, katutuwa-tuwa pa ring
manakot ng notaryo gamit ang pinitas na liryo
o patayin sa sindak ang isang madre sa isang ihip sa tainga.
Magandang gawin siguro
ang maglakad sa labas habang tangan-tangan ang isang luntiang sundang
nang nagsisigaw hanggang panawan dahil sa lamig.
Ayaw kong manatiling ugat sa kadiliman,
urong-sulong, banat, nanginginig sa pananaginip,
pababa, sa mamasa-masang kaloob-looban ng lupa,
sumisipsip at nag-iisip, araw-araw na kumakain.
Ayaw kong maging tagapagmana ng labis-labis na kasawian.
Ayaw kong magpatuloy bilang ugat at puntod,
tulad ng isang lagusan sa ilalim ng lupa, isang bodega ng mga yumaong
nanigas sa lamig, naaagnas sa sakit.
Kung kaya’t nalulustay tulad ng langis ang Lunes
kapag nakikita akong paparating na mukhang preso,
at humihiyaw itong tulad ng napatid na gulong,
at nag-iiwan ng bakas ng mainit na dugo patungong gabi.
Itinutulak ako nito sa kung anong mga sulok, sa kung anong mga basang bahay,
sa mga ospital kung saan ang mga buto’y sa bintana lumilisan,
sa kung anong mga sapatos na amoy suka,
sa mga lansangang kakilakilabot tulad ng mga bitak.
Mayroong mga ibong kulay asupre at mga nakaririmarim na bitukang
nakasabit sa mga pintuan ng mga bahay na aking kinasusuklaman,
may pustisong naiwan sa isang takore ng kape,
mayroong mga salaming
marapat na manangis sa kahihiyan at takot.
May mga payong sa paligid, at mga lason, at mga pusod.
Kampante akong nakakapaglakad-lakad, nang may mga mata, nang naka-sapatos,
nang may galit, nang madalas nalilimutan ang lahat,
napapadaan ako, tumatawid sa mga opisina at tindahan ng gamit pang-ortopediya
at sa mga patyong may nakasampay na damit sa alambre:
mga karsonsilyo, mga tuwalya at mga pinagdamitang nananangis
ng mababagal, maruruming luha.
1 comment:
ang galing ng salin. na-imagine ko si s.l. jackson (?!)
tanung, anu tingin mo sa salin ni alma at baquirin sa mga gawa ni pablo neruda? yung nilabas ng up press. mahusay ba ang pagkakasalin? iniisip kong bumili.
Post a Comment