Wednesday, April 30, 2008

Cordillera Day 2008: Ang tunay na yaman ng Baay Licuan

Ikalima ang dyip na sinasakyan namin sa mga lumarga mula sa isang maliit na gas station sa Bangued. At dahil sa puno na sa loob ng dyip, 14 sa aming mga pasahero ang pinili na lamang mag-topload o sumakay sa ibabaw. Pangkaraniwan na sa mga dyip biyaheng Baay-Licuan ang magsakay ng mas marami sa kaya nitong isakay. Ang kaibahan lang sa pagkakataong ito, sa ordinaryong araw, iisang beses lamang nagbibiyahe ang nag-iisang dyip palabas at papasok sa maliit na bayan ng Baay-Licuan sa Abra.

Espesyal ang araw na ito para sa mga taga-Baay-Licuan. Sa unang pagkakataon, gaganapin ang taunang taunang pagdiriwang ng Araw ng Kordilyera o Cordillera Day (Cordi Day) sa maliit nilang bayan. Sa kabila ng makipot, malubak at peligrosong daan patungong Brgy. Poblacion, humigit-kumulang 20 dyip at mangilan-ngilang bus at trak ang matiyagang naghatid sa may 2,000 delegadong dadalo sa pagtitipon.

Nang marating na ang Baay Licuan, isang tahimik na bayan sa pusod ng Kordilyera, sinalubong kaming mga hapong manlalakbay ng mainit na pagbati ng mga lokal at maging ng mga taga-karatig bayan na dumayo sa poblasyon para sa selebrasyon.

Baay Licuan
Agad kaming pinapunta sa kusina kung saan naghihintay ang bande-bandehadong kanin at bagong lutong nilagang baboy. Baboy at kanin ang karaniwang pagkain sa Baay Licuan. Sapat lang kasi sa kinokonsumo ng bawat pamilya ang mga pananim na gulay at prutas habang bibihira namang makarating sa poblasyon ang mga aning gulay ng karatig-probinsyang Benguet. Dahil na rin ito sa di magandang kundisyon ng kalsada sa Baay Licuan at sa kakulangan ng pampublikong transportasyon.

Dahil likas na mataba ang lupa sa poblasyon, di naman kinukulang sa suplay sa bigas ang Baay Licuan. Ang kaso lang, sa 4,000 populasyon ng munisipalidad, isang kapat lamang ng ektarya ang pag-aari ng bawat isa sa 230 magsasaka. Dahil dito, sasapat lamang ang inaani ng bawat pamilya para sa kani-kaniyang pangangailangan. Bagamat sagana sa likas na yaman ang Baay Licuan, nanatiling salat sa maraming bagay ang mga tagarito gaya ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Dahil na rin sa kahirapan, katulad ng iba pang Igorot (tawag sa indigeneous people ng Kordi) na nakapagtapos ng hayskul ay nagtatrabaho bilang mga factory worker at domestic helper sa Taiwan at Hong Kong. Kung kaya naman idinadaraos din ng mga komunidad ng mga migranteng galing sa rehiyon ang Cordi day sa mga nasabing bansa.


Banta ng pagmimina
Gayong mahirap na ang kalagayan ng mga Igorot sa Baay Licuan at maging sa buong rehiyon, nakaamba pang madagdagan ang kanilang problema sa planong pagsasagawa
ng kompanyang Canadian na Olympus Pacific Mining ng malaking operasyon sa pagmimina sa 4300 ektaryang lupain ng munisipalidad. Hindi lamang ang kabundukan at ilog na pinanggagalingan ng kanilang tubig at kabuhayan ang mapipinsala kundi magreresulta rin ito sa pagpapaalis sa mga komunidad sa paligid ng mining site.

Ang mining exploration sa Baay Licuan ay isa lamang sa marami pang aplikasyon ng mga dayuhang kompanya sa lokal na pamahalaan ng Abra para magsagawa ng mining operation sa iba’t ibang dako ng probinsya. Hindi kaila na mayaman sa ginto, tanso at iba pang mineral ang mga kabundukan ng Kordilyera. Sinasabing nauubos na ang ginto sa mga kabundukan ng Benguet dahil sa deka-dekadang pagmimina kaya sa Abra ang puntahan ngayon ng mga mining companies. Mariing tinututulan ng mga lokal ng Licuan maging ng mga iba’t ibang organisasyon sa Abra ang mga planong operasyon sa kanilang lugar.

Kasaysayan at tradisyon
Hindi ito nalalayo sa mga nakaraang pagtutol ng mga katutubo ng Kordilyera noong nakaraang dekada. Sa katunayan, ang pagdiriwang ng Cordillera Day ay paggunita sa kabayanihan ni Macliing Dulag, pinuno ng isang tribo sa Kalinga. Pinamunuan ni Ama Macliing ang paglaban sa pagtatayo ng Chico Dam na proyekto ng rehimeng Marcos at pinondohan ng World Bank. Pinaslang ng mga pinaghihinalaang sundalo si Ama Macliing noong Abril 24, 1980. Magmula noon, taun-taong gunugunita ang kabayanihan ni Ama Macliing sa pamamagitan ng isang selebrasyon at pag-imbita sa mga sumusuporta sa adhikain ng mga mamamayan ng Kordilyera. Limang taon matapos mapaslang si Ama Macliing, idinaos ang kauna-unahang Cordillera Day sa araw mismo ng kanyang pagkapaslang.

Sa pagdiriwang ng Cordi Day, ipinagpapatuloy at pinagyayaman ng mga Igorot ng Kordilyera ang kanilang kultura at tradisyon Sa loob ng tatlong araw na selebrasyon ng Cordi Day, hindi na mabilang kung ilang beses isinayaw ang pattong, katutubong sayaw ng mga Igorot. Sa saliw ng pagtambol sa gangsa, pinangunahan ng mga delegado mula sa anim na probinsya ng rehiyon ang pagsayaw ng pattong. Inaanyayahan din ang mga delegado mula sa Metro Manila at iba pang probinsya. Maging ang mga delegado mula sa iba’t ibang bansa ay magiliw na nakisayaw sa mga lokal.

Ang bawat pagsayaw ng pattong ay pagdiriwang ng mga mamamayan ng Kordilyera ng kanilang natatanging tradisyon at kultura. Selebrasyon ito ng kanilang buhay. At ang buhay nila ay nakaugat na sa lupang kanilang binungkal at pinagyaman. Kung ito’y kukunin at tatanggalin sa kanila, parang ang buhay na rin nila ang binawi. Ang pagtatanggol nila sa kanilang lupa ay pakikipaglaban nila para mabuhay at magpatuloy na umiral ang kanilang mayamang tradisyon at kultura.

3 comments:

Pasyon, Emmanuel C. said...

nakakainggit naman. isang beses pa lang kami nakapunta dun. sa lubuagan naman.

ang husay ng mga katutubo dun. nakagawa sila ng piping system, gamit ang matatabang kawayan at tubig mula sa bondok.

anu isyu ngayun?

post ka pa ng pics.

Anonymous said...

Puwede ito sa Pinoy Weekly, ah. Tanungin natin ang EIC.

guillerluna said...

nyay, teo, hindi kaya paso na?