dumating siya sa panahong pinakabulnerable ang Tao.
sa kalagitnaan ng pag-aayuno, hinamon niya ang Tao. pinulot niya ang malamig at makinis na bato sa kanyang paanan at inilapat sa nakalahad na palad ng Tao:
"alam kong magagawa mo ito. ibsan ang gutom, gawing tinapay ang bato!"
nanuot ang lamig ng bato sa palad ng Tao-- gumapang sa kalamnan at buto, hanggang marating ng panlalamig ang sikmura. sa unang pagkakataon, tinanggihan siya ng Tao.
inilipad niya ang Tao sa taluktok ng bundok. ipinamalas niya ang lawak ng lupalop.
"malasin mo ang iyong kaharian! saklaw mo anuman ang abot ng iyong tanaw."
sinakmal ang Tao ng pagkalula. pakiramdam nito napuno ang baga ng sanlibong ipo-ipo. kaylawak ng kanyang saklaw. at siya, ang Tao, ay kaymumunti para sa lahat ng ito. di sasapat ang palad ng Tao para ang lahat ng ito'y magagap. di niya ito matatanggap.
di siya nakuntento. dinala niya ang Tao sa bingit ng bangin. at sa huling pagkakataon, hinamon ito:
"magpatihulog ka! tawagin ang mga anghel sa kalangitan at ika'y sagipin!"
umugong ang hangin mula sa kanluran at ibinudyong ang pangalan ng Tao sa sanlupalop. hindi natinag ang Tao. halos madali ng lintik na kidlat ang tagiliran ng Tao. hindi pa rin ito natinag. bumuhos ang malakas na ulan. ngunit hinding-hindi natitinag ang Tao.
magkagayunman, nahihintatakutan ang Tao. hindi lamang sa posibilidad na siya'y magpatihulog. higit sa lahat, nalula ang Tao sa kapangyarihan niyang taglay. sa tayog nang narating. sa kawalang hanggan. sa magkatuwang na pagnanais sa kapangyarihan at katubusan. dito, sa puwang na ito sa ubod ng Tao, dito siya nanahan magpakailanaman.
ang nais lamang ng Tao ay maisalba ang sarili. sa bingit ng bangin. sa pagdarahop. sa kawalan ng pag-aari.
paminsan-minsan, nahuhuli ng Tao ang sarili na lihim na nagsasanay sa paglikha ng tinapay mula sa bato. siya, ang Tao, ay tao lamang. at kung magawa man ng Tao ang magpatihulog, iyon ay hindi dahil gusto niyang siya'y maisalba pa. batid ng Tao hangga't nanahan sa puso niya ang takot, ang pangamba, hindi darating ang inaasam niyang katubusan. di niya magagawang magpatihulog. hindi.
----
*pasintabi kay VJ Rubio