Una ko siyang nakilala isang Sabado ng hapon noong Setyembre 2002. Kagagaling lang namin sa isang piket sa Camp Aguinaldo para gunitain ang ika-30 taong anibersayo ng deklarasyon ng Batas Militar. Inanyayahan siya ng organisasyon ko noon para sa isang hapon ng kape at kuwentuhan sa taluktok ng Vinzons Hall. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa payong, bukod kasi sa makulimlim, nagsisilbing tungkod na rin niya ang payong sa pagpanik sa ika-apat na palapag ng Vinzons.
May tatlumpu siguro kaming taimtim na nakikinig sa mga kuwento niya. Sariwang-sariwa pa sa kanya ang mga pangyayari noon. Binuod niya sa amin ang mapait niyang karanasan sa isang tula na siya mismo ang sumulat. Parang nararamdaman pa rin niya ang mga tadyak at kulata sa kaniyang tagiliran sa pagsambit niya ng bawat kataga. Sabik na sabik akong itanong sa kanya kung kilala ba niya ang mga tauhang dati-rati’y nababasa ko lang sa mga libro. Nabanggit ko ang pangalan ni Lorena. “Si Lorie,” wika niya at biglang naglumiwanag ang mga mata niya. Naalala niya ang mga dating kasama at kaibigang dumating at lumisan ngunit nag-iwan ng pitak sa kanyang puso at tatak sa mahabang tradisyon ng pakikisangkot at pakikibaka.
Hindi lang ito ang naging laman ng huntahan noon. Sa kanya ko natutunan ang hindi paglalagay ng asukal at cream sa brewed coffee. Iginugupo na rin kasi siya ng panahon at ng kanyang katawan. Hindi na naghilom ang mga sugat niya sa binti na kanyang natamo nang ma-ambush siya noong dekada ’80. Ang kwento pa nga, mayroon pang shrapnel na naiwan sa kanyang ulo. Magkagayunman, nagpapatuloy pa rin siya.
Hinikayat niya rin kaming maging vegetarian at huwag tangkilikin ang mga dairy products dahil sa masamang epekto hindi lamang sa tao kung di maging sa mga hayop na inaabuso sa ngalan ng mass production. Ganun na lamang ang pangangalaga niya sa kanyang katawan kaya’t katakatakang madali na siyang iginugupo ng mga sakit na kumakapit sa kanya. Hidni man niya ako nakumbinseng maging vegetarian, maraming bagay na rin ang natutunan ko mula sa hapong iyon.
Muli ko lamang siyang nakasalamuha nang mag-prerog ako sa klase niya sa PI noong 2004. Siguro hindi na niya ako natatandaan dahil sa madalas akong late o di kaya absent dahil alas-7 ang klase ko sa kanya. Laking gulat ko na lamang nang tawagin niya ako sa klase para i-congratulate nang mapili ako para pamatnugutan ang dyaryo. Kilala pala niya ako. Kilala pala niya ang bawat isa samin. Matalas pa rin ang memorya niya. Bukod sa gagap niya ang leksyon sa bawat session, kayrami niyang kuwentong ibinabahagi. Pinagsisihan kong madalas akong late at hindi naririnig ang bawat kuwento niya. Pakiramdam ko noon, kayraming bagay ang nais niyang ibahagi sa amin, higit kay Rizal, higit sa mababasa namain sa libro at readings.
Hindi na ako nakabawi sa kanya. Nang sunod na kunin ko bilang elective ang isang kursong itinuturo niya, lalong dumalas ang pag-aabsent ko. Ang laki ng tampo niya sa amin ng ilan kong kaklase dahil madalas na nga kaming wala, bihira pa kaming magsalita sa klase. Iyon pa naman daw ang pinakamabisang propaganda. Isa pang kasalanan ko sa kanya ay ang pagbinbin ko ng mga requirements sa subject na iyon. Kaya ganun na lamang ang panlalamig niya sa akin nang magpasa ako sa kanya ng completion form. Doon ko lang napansin ang pamamalat ng kanyang boses. Nagiging madalas na ang pagkawala ng boses niya at nagiging bagahe na sa kanya ang pagsasalita. Pero dahil sa dedikasyon niya, patuloy pa rin siyang nagtuturo sa kabila nang paghihirap niya sa pagsasalita.
Naging magaan na lang uli ang pakitungo niya sa akin nang iabot ko sa kanya ang isang poetry zine na gawa ng mga kaibigan bilang pagtugon noon sa deklarasyon ng state of emergency. Parang na-reassure ko siya kahit papaano na may pag-asa pa. Na kahit madalas ay binibigo namin siya, ay nagagawa pa rin naming ipakita na mahal din namin ang bayang ito katulad ng ipinamalas niyang pagmamahal dito. Hindi man namin mahigitan, magawa man lang naming bantayan ang kalayaang ipinaglaban niya nang maraming taon. Iyon ang inaasahan niya sa amin at sa mga susunod pa.
Kanina, muli ko siyang nakita ilang oras bago mag-Pasko. Bagamat tinutulungan ng aparato, lumalaban pa rin siya para magpatuloy. Wala man ang pamilya niya rito, matiyaga siyang binabantayan ng mga dating estudyante, kasama at kaibigan sa unibersidad at paaralan ng lansangan. Mga taong minsan niyang nakahuntahan, nasermunan at nabigyan ng aral. Sir Nic, hindi kayo nag-iisa, kasama niyo pa rin kami sa laban niyong ito. Hihintayin po namin ang inyong paggaling. Mahal namin kayo.
No comments:
Post a Comment