
nung mga nakaraang linggo, napansin kong nagbukas ng kanyang friendster account ang isang kaibigan. mahigit isang taon na kaming hindi nagkikita o nagkakausap man lang kaya naisip kong magpadala ng personal na mensahe sa kanya, pero nakalimutan ko na ang rason kung bakit hindi ko ito nagawa. ang hindi ko alam, sa friendster ko rin mababalitaan na marahas siyang dinukot ng mga militar sa isang dampa sa bulacan. magpasahanggang ngayon ay hindi pa siya inililitaw ng mga dumukot sa kanya. hugas kamay din ang batalyong naka-assign sa lugar na iyon. pero hindi kaila sa marami ang paghahasik ng lagim ni gen. palparan, ang punong berdugo ng rehimeng arroyo.
gumapang sa buong katawan ko ang isang matinding bagabag at pangamba. si karen, ang masayahing si karen. magaling umawit si karen, magaling maggitara, madaling patawanin, masipag at mahilig magwalis, maasahan at masarap kakuwentuhan. siya ang nagdala sa akin sa kakaibang bersyon ng "summer of our discontent," ipinakilala niya ako sa isang nagdarahop subalit nagsusumikap upang makaahon sa kahirapan na komunidad, sa mga matitiyagang mangingisdang pumapalot sa madaling araw, sa katotohanang gaano man kasimple ang pamumuhay ay tigib pa rin ito ng opresyon.
sa ngayon, wala akong alam na iba pang paraan para makatulong para mahanap si karen at kanyang mga kasamahan. ang alam ko lang, hindi makatarungan sa kahit saang lipunan ang dukutin ng wlang laban at ikulong sa kung saang lupalop ng walang due process.
Pakawalan si Karen Empeno at ang mga kasamahan niyang dinukot!
---
Dapithapon sa Binuangan
hahagkan ng araw
ang dulo ng tanaw
dito niya sisimulan ang pagkulay
sa tubig ng kulay pula
hanggang sa maging kupas na kahel
ang nakalatag na katawan ng dagat
humihikab ang mga alon
sa tulad nitong dapithapon
pahihintuin ang langay-langayan
sa pagdagit ng bangus, tilapia
o kung anupamang laman-tiyan,
upang tirhan ang mangingisdang
sa madaling-araw pa makakapalaot
upang may pasobrang maihahain
sa hapag-kainan ng mag-anak
na masaya na sa isang maghapong bentahan sa bayan
o ng mga dayong namumualan
sa pagmamahal ng nagdarahop na komunidad
tiwalang pinagbubuklod sila ng iisang adhikaing
iahon ang nayong nasanay na sa pagtaas at paghupa ng tubig-alat
darating ang panahong
hindi na lamang sa madaling araw
papalaot ang mga mangingisda
o maging ang mga dayong walang alam sa pamamalakaya
ngunit masigasig umunawa sa mga alituntunin ng pangingisda
hindi na hihikab ang dagat sa pagkainip
12:04 AM; 18 Abril 2005
Kalye Burgos, Sto Nino