
ni Kerima Lorena Tariman
(unang lumabas sa CD na Uniberso: New Poets Calling at sa antolohiyang Latay sa Isipan)
I.
Ibarra, Sisa, Basilio
Huwag mong salingin
Ang sugat ng bawat
Metro kuwadrado.
Ang instruksyon ng kanto:
sanayin ang paa
Sa paroo't parito.
Alamin ang lengguwahe
Ng halowblaks at yero.
Kilalanin ang tanod,
Tambay, at filibustero.
Huwag maliligaw.
Huwag na huwag babarkada
Sa mga ipis at langaw.
II.
Ang kanto ng Instruccion
Ay paaralang elementarya.
Sa eskwelahan ng sikmura,
Ang patakaran ay kalam
At kulo ang panata:
Iniibig ko ang eskinita.
Ito ang aking sinilangang sulok.
Ito ang pusod ng aking piitang bulok.
Ako'y kanyang pinupukpok
At ipinagtutulakan,
Upang maging matalas
Sa batas ng lansangan.
Saan nagmumula
Ang wastong kaisipan?
Ito'y hulog ng ngitngit
Mula sa panunupil,
Mula pa sa unang baitang.
III.
Ang trapik sa Dapitan
Ay walang salungatan.
Kaya't sa dulo ng biyahe,
Laging matatagpuan
Ang uniberso ng mga unibersidad.
Kulumpunan ng mga gusali
Na nagsisiksikan,
Sa pumipintig na litid
Sa leeg ng Kamaynilaan.
Palagiang daluyan ng pula
Ang kahabaan ng Espana't Morayta.
Patungong Recto at Mendiola,
Bugbog ang hangin sa mga kamao.
Mga pader ang pisara,
Ng mga talumpati at kuwento.
Nakatungo ang pamantasan
Sa mga leksyon sa kanto.
Sa mga martsa sa lansangan,
Walang mukha ang henyo.
IV.
Dumating ang surbeyor
Sa malawak na bukirin
Ng aking ulo.
Pagkasukat sa aking talino,
Ang ahente ay isinugo,
Kasama ang opisyal
Mula sa munisipyo.
"Ano ho ang sadya ninyo?"
Tanong ng aking kuto.
"Nais naming idebelop ang kanyang ulo."
"Napakalawak ng tiwangwang na utak."
"Meron po ba itong titulo?"
Nang marinig ang masamang balak,
Nagulantang ako
At nagkamot ng balakubak.
Lalagyan nila ng bakod
Ang aking hinagap!
Sila na ba ang magtatakda
Ng alaalang may muhon,
Hanggang ang aking pang-unawa
Ay maging subdibisyon?
"May katibayan ba kayo,
o kahit sertipiko?!"
Wala, wala, wala,
Wala akong diploma.
Naisip kong magpapeke
Sa Recto-Avenida,
Ngunit ginawa kong magpatunay
Sa pasya ng Kabesa.
________
*kahit na ang university belt sa maynila ang ginamit na metapora ng tula, hindi maikakaila na akma rin itong pagsasalarawan sa kolonyal na edukasyon na ipinanatili ng UP at ng buong sistemang pang-edukasyon sa bansa. ngayong sentenaryo ng UP, hindi pagbabago ang hatid ng korporatisasyon ng pamantasan, sa pamamagitan ng bago nitong charter, kundi pagpapalawig at pagpapaigting ng paniniil sa malayang kaisipan. Tunay lamang na magiging mapagpalaya ang edukasyon ng UP kung ito'y magsisilbi sa sambayanan (i.e libreng edukasyon, mas mataas na budget, maayos na pasilidad atbp.) at hindi sa kapakinabangan lamang ng iilang korporasyon.