"kung hindi nakalingon ay alumpihit namang nakatanaw" - ana morayta
"summer is beginning to give up the fight" ang sabi ng indigo girls. pero nung isang araw lang napanisan na naman ako ng kanin--matindi pa rin ang init kaya aktibo pa rin ang mga bakterya sa pagkain.
nung unang lumatag ang ulan, laking panghihinayang ko dahil katatapos ko lang maligo. kailan nga ba ako huling naligo sa ulan? kaya nang magkaroon ako ng pagkakataon, nang minsang bumuhos ang malakas na ulan, hindi na ako nagdalawang isip pa at lumabas at hinayaang mabasa ang buo kong katawan ng ulan. ewan ko ba, baka sakaling tangayain ng tubig ang lahat ng alinsangan sa lahat ng sulok ng katawan ko. kay raming bagay ang hindi pa ma-settle-settle. ni wala pa ring closure sa pag-aaral dahil matagal nang nakabinbin ang thesis, ang natitirang tinik na nakatarak sa kokote ko.
ngayon alam ko na ang pakiramdam ng nakabitin-- nakalutang dahil walang matungtungang stable, pero meron pa ring kinakapitan. napaka-bulnerable ng isang nasa limbo. bawat araw nagpapabago-bago ang mga plano ko. nung isang araw lang gusto ko nang maging isang freelance writer (hanggang ngayon nabibilaukan pa rin ako pag sinasabi kong writer ako). kinabukasan napanood ko ang day for night ni truffaut, balak ko nang tuparin ang pangarap ko simula pa nung bata na maging filmmaker. tapos nabalitaan kong may napatay na namang aktibista, na-guilty na naman ako.
sa purgatoryo ayon kay dante, ang mga taong nasa limbo ay nagdurusa, pero hindi sapat ang bigat ng kanilang mga kasalanan para mapunta sa impiyerno. pero hindi kaya impiyerno na rin ang mapunta sa limbo?
dati, magkahalong pagkasabik at kaba ang nararamdaman ko pag malapit na ang hunyo. pasukan--bagong klase at kaklase, at the same time nababagabag na pahirapan na naman sa registration.
mahirap ang kaso ko ngayon, wala na akong klaseng papasukan, pero hindi pa rin ako graduate. naghahanap na rin ng trabaho. mali, hindi swak. naghahanap ng direksyon. sapul!
---
isang nakaw na tagpo. maalinsangang gabi pero muntik nang umulan sa loob ng kwarto:
ama: hindi mo man lang sinasabi sa akin na may raket ka na pala? sasapat na ba yan sa iyo? kuntento ka na ba sa buhay mo?
anak: ok na po. sinusubukan ko lang naman po ang mga posibilidad.
ama: uunlad ka ba diyan?
anak: hindi naman nasusukat sa pera. (utal na sinabi kaya ilang beses inulit)
ama: e sa ano pala?
anak: (patlang)
ama: nung isang araw dumaan ka pa sa U. ano na naman ba ang ginawa mo dun?
anak: may ginawa lang po.
ama: ano nga?
anak: (patlang)
ama: sabi ko sa iyo walang magagawa yang pag-iingay niyo. ano, andyan pa rin si gloria?
anak: pero...
ama: itaga mo sa bato, hanggang sa mamatay ako walang magbabago sa pilipinas.
anak: e sistema naman po ang sinusubok naming mabago.
ama: nakailang palit na ng pangulo may nabago ba wala.
anak: (patlang, bakit ngayon wala siyang mapaliwanag?)
ama: hindi mo man lang kami naaalala. kapag wala ka pa, hindi kami mapakali.
anak: (nagtangkang magkuwento ng isang pagkakataon, pero naunang pumatak ang luha kesa salita. pigil na lang ang salita para di bumuhos ang luha.)
ama: alam mo sawang-sawa na ako sa buhay ko. magmula noong... ( at nagsimula ang mahabang kasaysayan ng mga kabiguan).
ama: ang problema sa atin, wala tayong communication. laging may gap
anak: (patlang. tulad nito?)
----
Sitting In Limbo
(Gully Bright-Plummer/Jimmy Cliff)
tuck and patti rendition
Sitting here in limbo
And I know it won't be long
Sitting here in limbo
Like a bird without a song
Well they're putting up resistance
But I know that my faith will lead me on
Sitting here in limbo
Waiting for the dice to roll
Sitting here in limbo
Got some time to search my soul
Ooh they're putting up resistance
But I know that my faith will lead me on
Say I don't know where life will lead me
But I know where I've been
And I don't know what life will show me
But I know what I've seen
I've tried my hand at love and friendship
Some of them have passed along and
This little girl is moving on
Waiting for the tide to flow
Sitting here in limbo
And I know in my heart that it's time for me to go
Well they're putting up resistance
But I know that my faith will lead me on