
Maituturing na mahahalagang dokumento ng kasaysayan ng pakikisangkot ng pelikulang Pilipino ang mga obrang
Sister Stella L.(1984) ni Mike de Leon at
Orapronobis (1989) Lino Brocka. Gayong marami pang pelikula na nagawa noong dekada ‘70 at ‘80 ang naglarawan at tumuligsa sa pamahalaan at, sa pangkalahatan, sa sistemang panlipunan, namumukud-tangi ang
Sister Stella L. at
Orapronobis na lantarang tumalakay sa aktibismo at sa pakikisangkot bilang paraan ng paglaban sa namamayaning kaayusan. Dahil sa katangiang ito ng dalawang pelikula, naiigpawan ng mga obrang ito ang pagiging reliko na lamang ng nakalipas.
Dalawang dekada na ang nagdaan mula nang isapelikula ang mga ito, masasabi pa ring “napapanahon” ang mga obra sa kasalukuyang konteksto ng maligalig na sitwasyon ng bansa sa kinakaharap nitong krisis pampulitika sa ilalim ng pamahalaang Macapagal-Arroyo. Pagpatay sa mga aktibista at lider unyon, militarisasyon sa kanayunan, pakikisangkot ng mga taong simbahan sa pulitika, kaliwa’t kanang kilos protesta at labis na kahirapan ay ilan lamang sa mga isyung tinalakay sa mga pelikulang ito na kung tutuusi’y araw-araw na nakikitang mga imahe sa mga peryodiko at telebisyon sa ngayon.
Sa maraming bahagi, malaki ang pagkakatulad ng dalawang pelikula sa isa’t isa bukod sa kapwa isinulat ito ng batikang mamamahayag/manunulat na si Jose F. Lacaba (kasama si Jose Almojuela, Mike De Leon at Ricardo Lee sa Sister Stella L.) kahit na tumatalakay ito sa magkaibang rehimen. Idinirihe ni De Leon ang Sister Stella L. para sa Regal Films noong 1984, isang taon matapos paslangin ang lider ng oposisyon na si Ninoy Aquino na diumano’y nagpalawak sa kilusang laban sa diktadura. Ginawa naman ng namayapang pambansang alagad ng sining na si Brocka ang Orapronobis sa tulong ng mga prodyuser na Pranses bilang protesta sa lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa “liberal-demokratikong” rehimen ni Corazon Aquino, tatlong taon lamang matapos ng pag-aalsang EDSA.
Sangandaan
Sa pagbabalik-tanaw sa dalawang pelikulang ito, hindi nalalayo ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa mga naganap noong panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos o sa cacique democracy sa ilalim ni Cory Aquino. Ang mga pagkakahawig ng dalawang pelikula ang siya ring mga kantangian na nag-uugnay sa kasalukuyang sitwasyon. Bagamat tumatalakay sa mga unibersal na tema ng kahirapan, karapatang pantao, katarungan at kalayaan, sumesentro ang bawat pelikula sa partikularidad ng kani-kaniyang milieu.
Kahit na ang pinakamatingkad na usapin noong unang bahagi ng dekada ’80 ay ang nagpapatuloy na diktadurang Marcos sa kabila ng pag-alis ng batas militar, piniling talakayin ng Sister Stella L. ang problema sa paggawa at ang tumitinding kahirapan (na mas binigyang mukha sa sumunod na kolaborasyon ni Brocka at Lacaba na Bayan Ko: Kapit sa Patalim), hayagan na itong nagtatanong at nagbibigay ng alternatibong kasagutan. Tila ba nang-uudyok ang matagal nang sigaw at tanong: “Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan?” Kung tutuusin, mas mapangahas pa nitong inilalantad ang ugat ng problema, sa pamamagitan ng madreng si Sister Stella Legaspi (na sinasabing hinalaw ang karakter kay Coni Ledesma, dating madre at ngayo’y kasapi, kasama ang asawang si Luis Jalandoni, na dati ring pari, ng National Democratic Front), iminulat ni De Leon maging ang mga manonood sa nakapanlulumong reyalidad ng isang kapitalistang sistema kung saan “ang pang-aapi ang siyang nagpapanatili sa kapangyarihan ng mga nang-aapi,” ayon na rin sa isang tauhan sa pelikula.
Rumurok ang pelikula sa pagdukot, pagtortyur at pagpaslang sa pangulo ng Republic Oil Labor Union na si Ka Dencio (Tony Santos) at sa panawagan para bigyang hustisya ang pagkamatay nito. Hindi na ito bago sa mga makakapanood ngayon ng pelikula. May ilang lider ng mga unyon na rin ang napapaslang sa loob lamang ng limang taong panunungkulan ni Gloria Arroyo. Dalawa sa mga ito ay sina Ding Fortuna, pangulo ng unyon ng mga nagwelgang manggagawa ng Nestle Philippines, at Ric Ramos pangulo ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Hacienda Luisita ng mga Cojuangco.
Wala Nang Tao sa Santa Filomena
Maihahalintulad naman sa panawagan ni Ginang Arroyo para sa all-out war laban sa mga komunista ang pagtugis ng grupo/kulto ng mga vigilanteng Orapronobis sa mga pinaghihinalaang rebelde sa pelikulang Orapronobis. Nanatiling limitado ang mga nakapanood ng pelikulang ito ni Brocka nang patawan ng X-rating ng MTRCB noong rehimeng Aquino. Tanging mga nasa akademya lamang ang nabibigyang pagkakataon na mapanood ito maliban na lamang sa mga patagong pagpapalabas ng pelikulang ito sa mga komunidad. Patunay ito na magpasahanggang ngayon, itinuturing pa rin ng pamahalaan at ng estado ang pagiging delikado ng pelikulang ito. Ngunit, kung tutuusin, wala na rin namang itatago ang pamhalaan mula sa mga nailantad sa pelikulang ito. Maliwanag ang mensahe ng pelikula: ang estado ang rekruter ng mga rebelde.
Kamakailan lamang nang mapabalita na naubusan na ng cedula ang mga barangay sa San Jose sa Nueva Ecija matapos ipag-utos ni Major General Jovito Palparan na ang bawat mamamayan na magdala ng cedula bilang pagkakakilanlan. Para kay Palparan, kung wala nito ang isang tao, nangangahalugang ito ay rebelde na dapat arestuhin at/o likidahin bilang bahagi ng anti-insurgency campaign sa Gitnang Luson. Kahit na kay Norberto Manero, pinuno ng kulto at vigilanteng pumatay sa Italyanong paring si Tulio Favali, pa unang hinulma ni Brocka ang tauhang si Kumander Kontra (Bembol Roco), hindi maikakaila ang pagkakahawig ng karakter na ito sa itinuturing na berdugo ng mga aktibistang si Palparan.
Humigit 700 na ang kaso ng extrajudicial killings sa bansa magmula nang iluklok sa EDSA 2 si Arroyo. Kalakhan ng bilang na ito ay sa mga rehiyon kung saan nakatalaga si Palparan. Taong 2002 nang magsilikas ang daan-daang Mangyan at mamamayan mula sa Mindoro matapos tugisin ng batalyong pinamumunuan ni Palparan ang mga kasapi ng mga ligal na militanteng grupo sa Timog Katagalugan. Noong 2004, pumalo ang dami ng mga pagpaslang at pagdukot sa mga lider aktibista at magsasaka sa Eastern Visayas nang madestino doon si Palparan. Ang paglikidang ito sa mga kasapi ng militanteng grupo ay walang ibang pagsisilbihan kundi ang pananatili ni Arroyo sa Malacanang. Maihahalintulad ito sa pagsasalarawan ni Brocka ng pasismo bilang panatisismo ng mga vigilante, na kinakatawan ni Kontra, sa altar ng kapangyarihan at karahasan.
Tumabo na sa 50,000 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang naitatala sa limang taong panunungkulan ni Arroyo. Hinihigitan na nito ang tinatayang 30,000 kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa halos dalawang dekada ng rehimeng Marcos at 20,000 kaso sa rehimeng Aquino. At tumataas pa ang kaso ng mga hamletting, extrajudicial killings, enforced disappearances at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa bawat araw ng pananatili ni Arroyo sa puwesto laluna nang ideklara niya ang all-out war laban sa CPP-NPA. Nagpahayag na ang iba’t ibang grupo ng mga human rights advocates, maging sa international community, ng pagkundena sa pamahalaang Arroyo sa di masawatang pagdami ng mga kaso ng pagpaslang sa mga aktibista at kasapi ng media. Maliban sa isyung ito, laganap na rin ang pagkadiskuntento ng mamamayan sa pamahalaang Arroyo bunsod ng mga akusasyon ng pandaraya sa eleksyon, katiwalian at ang di maampat na krisis pang-ekonomya ng bansa.
Kung hindi tayo, sino?
Bukod sa political opposition, ang simbahan ang isa sa mga binabantayang sektor sa kanilang tindig sa kasalukuyang krisis. Inaantabayanan ang bawat pahayag o pastoral letter na inilalabas ng CBCP kaugnay ng krisis pampulitika. Patunay lamang nito na lumalawak ang pagkadiskontento sa pamahalaan at ang pagkahiwalay ng rehimeng Arroyo mula sa mamamayan. Bagay namang pinatunayan na sa kasaysayan na masisipat sa mga pelikulang Orapronobis at Sister Stella L. Kapwa alagad ng simbahan ang mga pangunahing tauhan sa dalawang pelikula—si Sister Stella Legaspi (Vilma Santos) na naghahanap ganap na pakikisangkot para sa pagbabagong hubog ng lipunan at si Jimmy Cordero, dating pari at napalayang detenidong pulitikal matapos ang pagbagsak ng rehimeng Marcos. Pagsanib ng simbahan sa taumbayan nang mag-aklas ang mga ito sa EDSA 1 at 2 ang isa sa mga salik sa pagtatagumpay ng mga ito.
Magmula sa usaping pulitikal, ang saklaw ng mga pagkakasala ni Arroyo at ng mga rehimeng bago ito ay nagiging usaping moral bagay na hindi mapapalagpas ng simbahan. O sa ibang pagtingin, sa paglala ng krisis, hindi maiiwasan ang pagiging pulitikal ng iba’t ibang sektor na dati’y nyutral gaya ng militar, simbahan at maging ang mga manggagawang kultural/alagad ng sining.
Kung kaya hindi kataka-taka sa panahon ng panunupil umuusbong ang mas mapapangahas pang akdang sining. Makikita sa Sister Stella L. at Orapronobis na itinutulak ang mga alagad ng sining na pumanig at makisangkot. Malinaw kung anong posisyon ang pinili nina Brocka at De Leon.
Kilala si Brocka sa pagiging aktibistang alagad ng sining. Siya ang nagtatag ng Concerned Artists of the Philippines. Itinalaga siyang kasapi ng constituent convention para sa paglikha ng Saligang Batas ng 1987 bilang pagkilala sa suporta niya kay Aquino at sa kanyang paninindigan para sa kalayaan sa pamamahayag. Naging kontribusyon niya ang free speech clause sa naratipikahang Konstitusyon, pero nagbitiw din siya sa ConCon dahil hindi niya magawang ikompromiso ang tindig niya sa iba’t ibang mahahalagang usapin kabilang na ang agraryong reporma. Pero higit na hinangaan si Brocka nang siya’y mapiit sa kulungan noong rehimeng Marcos dahil sa pagsuporta sa jeepney strike. Bagamat kaibigan niya si Aquino, hindi siya nangiming tuligsain ito sa pamamagitan ng pelikulang Orapronobis dahil sa pagtindi ng militarisasyon sa kanayunan gayong demokrasya ang pangako ng naunang pag-aalsang EDSA.
Di tulad ni Brocka, hindi nakikita si De Leon sa lansangan at nakikibaka, ngunit hindi maitatanggi ang tapang at talas ng pelikulang Sister Stella L. kung ikukumpara sa iba pa niyang pelikulang may pahaging na komentaryo sa diktadura (maging si Mother Lily Monteverde ng Regal ay napabulalas ng: “komunista na yata ako,” sa isang manunulat matapos mapanood ang prinodyus na pelikula. Binawi niya rin ito at sinabing tama na muna sa paggawa ng mga socially relevant na pelikula matapos langawin sa takilya ang Sister Stella L. Sa kaso naman ni De Leon, kakatwa naman ang pagkuha niya sa proyektong ito na tumatalakay sa labor unrest gayong ganitong uri ng problema ang kinaharap ng kanyang pamilya kung kaya’t nagsara ang pag-aari nilang LVN Pictures ). Sinasabing hubad sa “tatak Mike De Leon” ang Sister Stella L. dahil nakupot ito sa pagiging agit-prop, pero ito rin mismo ang kapangyarihang taglay ng pelikula bilang de-kalibreng obra ng panahon nito, at ito rin ang lakas ni De Leon bilang filmmaker. Waring nangungusap ang pelikula direkta sa manonood: “kung hindi tayo, sino?”
Kung hindi ngayon. kailan?
Sa kabila ng hindi magandang takbo ng industriya ng pelikulang Pilipino, masigla at puno ng optimismo ang independent cinema kung saan sumibol ang mga tulad nila Brocka at De Leon. Maituturing na matabang lupa para sa mga mapagplayang naratibo ng panahon ang kasalukuyang ligalig ng lipunan. Mas nakakaluwag pa nga ang panahon ngayon para makagawa ng mapapangahas pang naratibo ng pakikisangkot sa kalayaang tinatamasa ng independent cinema (walang Mother Lily na aayaw sa mga socially relevant na pelikula) dahil mas mura na ang gumawa ng pelikula kumpara ilang dekada na ang nakararaan.
Isa muling hamon ang gamitin ang kapangyarihan ng sining ng awdyo-biswal bilang matalas na sandata ngayong nahaharap ang bansa sa matinding panunupil ng batayang karapatan. Hakbang tungo sa “demokratisasyon” sa access sa sining nga awdyo-biswal ang pag-unlad ng teknolohiya ng digital video. Sa kasalukuyan, naging mabisa ang paggamit ng midyum na pelikulang dokyumentaryo sa pagsisiwalat ng katotohanan sa panahong sinisikil ang paglabas nito. Patunay ang masigasig na paglabas ng iba’t ibang dokyu mula sa mga grupong Kodao, Sine Patriyotiko, Tudla at Southern Tagalog Exposure. Nagagamit ang teknolohiya ng LCD projectors para maibahagi sa mga komunidad ang mga pelikula at ang mga isyu. Magkagayunman, nagagamit din ang teknolohiyang ito para sikilin ang mismong karapatan sa pamamahyag sa pamamagitan ng paglabas ng propagandang dokyu ng gubyernong Paglaban sa Kataksilan 1017. Ginagamit naman ang powerpoint presentation na Know the Enemy sa mga komunidad at kanayunan para takutin ang mga mamamayan at tugisin ang mga lehitimong nagpapahayag ng pagkadismaya sa pamahalaan.
Tulad noon, hindi rin ligtas ang mismong mga filmmakers sa panunupil. Ilang kasapi ng mga audio-visual groups ang nakulong, inaresto, sinaktan, pinagbantaan at inakusahang terorista habang gumagawa ng pelikula at/o habang pinalalaganap ang kanilang sining sa mga komunidad. Patunay na delikado pa rin ang sining ‘pag isinangkot sa pulitika.