isang panibagong attempt sa pagsasalin at... pag-alala, at pag-move on.
Ang Mga Diktador
ni Pablo Neruda
Nanatili ang sangsang sa tubuhan:
pinaghalong dugo at laman, tumatagos
na talulot na nagdudulot ng pagkahilo.
Sa pagitan ng mga puno ng niyog, ang mga hukay ay puno
ng mga lansag na buto, ng mga impit na pagsigaw.
Ang maselang diktador ay nakikipag-ulayaw
sa mga punong ministro at dugong bughaw.
Kumikinang ang palasyo tulad ng relo
at ang mga dumadalisdis na langong halakhakan
ay manaka-nakang umaalagwa sa mga pasilyo
at sumasaliw sa mga tinig ng mga nangamatay
at ng mga nangasul na bibig na kalilibing pa lamang.
Hindi alintana ang pagtangis, tulad ng halaman
na ang mga buto’y walang humpay na bumabagsak sa lupa,
na ang malalapad at bulag na dahon ay lumalago kahit walang araw.
Napupuno ang poot, bigat sa bigat,
dagok sa dagok, sa nakaririmarim na tubig ng sapa,
na may ngusong naglalaway sa pananahimik.
---
The Dictators
by Pablo Neruda
An odor has remained among the sugarcane:
a mixture of blood and body, a penetrating
petal that brings nausea.
Between the coconut palms the graves are full
of ruined bones, of speechless death-rattles.
The delicate dictator is talking
with top hats, gold braid, and collars.
The tiny palace gleams like a watch
and the rapid laughs with gloves on
cross the corridors at times
and join the dead voices
and the blue mouths freshly buried.
The weeping cannot be seen, like a plant
whose seeds fall endlessly on the earth,
whose large blind leaves grow even without light.
Hatred has grown scale on scale,
blow on blow, in the ghastly water of the swamp,
with a snout full of ooze and silence
---
ipo-post ko na rin ang revision ng una kong isinalin na neruda last year.
Kung limutin mo ako
ni Pablo Neruda
Nais kong ipabatid sa iyo ang isang bagay
Alam mo na kung paano ito:
Kung masdan ko ang kristal na buwan
Mula sa pulang sanga ng mabagal na taglagas mula sa aking durungawan
Kung hawakan ko ang di maapuhap na abo malapit sa apoy,
O ang magaspang na katawan ng panggatong
Dinadala ako ng lahat ng ito sa iyo
Waring ang lahat ng umiiral—mga samyo, liwanag, mga bakal
Ay mga mumunting bangkang naglalayag patungo
sa mga isla mong naghihintay sa akin
Ngunit kung ngayo’y
Unti-unting pumanaw ang pagmamahal mo sa akin
Unti-unti rin, ihihinto ko ang pagmamahal sa iyo
Kung sa isang iglap,
ako’y limutin mo
Huwag mo na akong hanapin
Sapagkat nilimot na rin kita
Kung matagal at baliw mong pag-isipan
ang bugso ng hangin na nagdaan sa buhay ko,
At napagtanto mong dapat mo na akong lisanin
sa dalampasigan ng puso kung saan ako nag-ugat,
alalahanin mong
sa araw na iyon, sa oras na iyon,
ikakampay ko ang aking mga braso
at ang aking ugat ay hahanap ng panibago nitong lupalop
Ngunit,
kung sa bawat araw,
bawat oras,
nadarama mong ikaw ay para sa akin
ng may di nagmamaliw na tamis,
kung sa bawat araw ay may bulaklak
na dumadampi sa mga labi mo upang hanapin ako,
o mahal ko, o sinta ko, ang kabuuan ko ay muling mag-aalab,
walang mamamatay sa akin o mawawaglit.
Nabubuhay ang pag-ibig ko sa pagmamahal mo, minamahal ko
habang nabubuhay ka, mananatili ito sa bisig mo
nang hindi lumalayo sa akin