Wednesday, June 29, 2005

antala at kaligta

habang naghahanap ng mga kakailanganin para sa aking mga completions sa limang subject napatid ko ang videoclip ni joma sison habang binabasa ang salin ng kanyang tulang sometimes the heart yearns for mangoes. kung hindi ako nagkakamali salin ito ni gelacio guillermo.

nalungkot ako habang pinapanood ko, kaya, ayun, tinranscribe ko.

sometimes the heart yearns for mangoes

paminsan-minsan sabik ang puso

sa mangga kung nariyan ang mansanas

sa init kung nariyan ang ginaw

sa mabundok na kapuluan

kung nariyan ang kapatagan

kay layo ng kaib’han sa tahanan

at sa daloy ng mga kaibigan at kamag-anakan.

ang mga di kinasanayan at kinasasanayang

bagay at lugar na naghuhudyat

sa hapdi ng mga patid na ugnayan

ang mga kawalang dulot ng antala at kaligta.

direct dialing at fax machine

computer disc at video cassette

mga bisitang lulan ng supersonic jet

ay bigong paglapitin ang agwat

ng mga aral na pagpapamalas

at mga kaalwaan sa tahanan.

may mga kasama at kaibigang

nakakapagpa-ibig sa lupang dinayuhan

subalit sila’y may sariling gawi

may sariling buhay

na di abot ng pang-unawa at pakialam ng dayuhan.

silang ibig ipagkait sa distiyero

ang tahanan, mga kaibigan at kamag-anakan

ang buhay, katawan at kalayaan

ay sila ring pinakamaingay

na siya raw ay nakalutang

sa dagat matapos siyang hugutin

sa lupang pinag-ugatan

ang distiyerong may layunin

ay patuloy na nakikibaka

para sa inang bayan

laban sa nagpalayas sa kanya

ang mga mapagsamantala,

at kahit tiyak na nananahanan

sa kanyang bayan at sandaigdigan.

Friday, June 24, 2005

walang panahon

paumanhin. paminsa-minsan lang naman ito. i-re-relaunch pala siya. hopefully baka next week.

Kung hindi ngayon, kailan?
ni Marijoe Monumento


ANG BAWAT sandali ay panahon ng pagpapasya at “walang panahon para sa pananahimik.”

Hindi kataka-takang mabasa ang pahayag na ito mula sa mga pahina ng Philippine Collegian, ang prestihiyoso-notoryus (?) na opisyal na pahayagan ng mga estudyante sa UP (Unibersidad ng Pilipinas) sa Diliman. Para sa patuloy na sumusubaybay sa buhay-aktibismo sa loob ng nasabing unibersidad, ang pahayag na ito ay mababasa ngayong taon sa antohohiyang 24/7 Walang Panahon, ang literary folio ng Collegian na inilunsad nito lamang nakaraang Mayo 10.

Hindi rin kataka-taka na lumipas ang limang taon bago muling makapaglabas ng antolohiyang pampanitikan ang Collegian. Gayundin ang nangyari noong 1995, nang muling maglathala ng folio, ang F1 (sa pamamatnugot nina Ericson Acosta at Michael Ac-ac), pagkatapos ng walong taon. Ang naging “tradisyon” yata ng ilang patnugot ng Collegian ay pagsasawalambahala sa paglalabas ng literary folio. Napakabilis nga ng panahon, at tila wala namang umalma o nanghinayang para sa publikasyong nagsimula bilang isang “College Folio” noong taong 1910!

Kaya naman siniguro ng patnugutan ng 24/7 sa pangunguna nina Carlos M. Piocos III at Jayson DP. Fajarda na siksik sa nilalaman ang kasalukuyang antolohiya. Naisakatuparan ito gayong ang mga kontribusyon mula sa mga manunulat ay binakuran ng isang tema: ang sinasabing 24/7 - o dalawampu’t apat na oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo na pagkatali ng tao sa panahon at pitik ng relo.

Naglaan ng isang hiwalay na seksiyon ang antolohiya para sa mga litrato, ang Sipat na pamagat ng regular na espasyo ng litrato sa Collegian. (Huling bahagi ng dekada ’80 o maagang dekada ’90, nang ilathala ng Collegian ang Sipat, isang buong libro na koleksiyon ng mga litrato.) Masasabing mahusay na rin ang ganitong pagsisikap, bagamat hindi kasing-sinsin ng mga munting granahe na nagpapaandar sa orasan ang pagtutugma ng bawat akda upang tupdin ang kredo ng antolohiya. Mainam ang kabuuan ng 24/7 para sa pagpapasigla ng paglikha at pagtangkilik sa makabuluhang panitikan.

Sasambulat sa simula ang isang pagtatangka sa ars poetica, ang “Poetry-de-Luxe” ni Mark Angeles: sa poetics, you let your subjects mutate / pormalismong tumutulo sa isang plangganang pormalin… Para sa mga sinikal, maaring isa na naman itong musmos kung hindi man bigong pangangarap upang pantayan o higitan sa isang halaw ang tulang “Sa Poetry” ng pinagpipitaganan (at ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining) na si Rolando Tinio. Pero tila walang pakialam roon ang persona ng “de Luxe,” at sa huli ay may babala pa nga sa mga musmos na nagtatangkang maging manunulat, o ‘di kaya’y sa mga nagugurang na sa pagiging sikat: "’Pag political power ay naagaw ng Neps, / sa kangkungan kayo pupulutin./"

Palalawigin ni Edel Garcellano ang ganitong “gerang pang-ideolohiya sa sining at panitikan” sa “Extra Memo,” isang sanaysay na nalathala sa Collegian noon pang taong 2002. Samantala, ang mga sanaysay nina Neferti Xina Tadiar, at E. San Juan ay hamon para sa kilusang pangkultura at feministang pag-aaral sa harap ng “gera laban sa terorismo” ng imperyalismong Estados Unidos. Muling ipinalaganap ang mga papel-talumpati ng dalawang huling awtor na bagama’t napapanahon ay maaring hindi na naipatatampok sa ibang mga dyornal o publikasyon.

Hindi mawawala ang mga “eksenang Peyups (UP)” na inilalarawan sa ilang mga likha, gaya ng paglalango ng tulang “Sarah’s” ni Princess Marasigan, o ang sinubaybayang komik-istrip na “Leni Bedspacer” ni Kenikenken na nalathala sa mga pahina ng Collegian. Nakakikilabot naman ang pamilyaridad sa UP na inilalahad ni U.Z. Eliserio sa kuwentong “Failure to Punctuate.”

Ngunit dahil na rin sa tema ay mas kapansin-pansin ang pangingibabaw ng pagtalakay sa oras batay sa isyu ng paggawa. Matutunghayan ito maging sa komiks na “Ang Makina” ni Ivan Reverente na matatagpuan sa pagitan ng mga kuwento at tula. Mapapansin din na may mga lebel ng pang-unawa at pakikisangkot na sinasalamin ang ilang akda. Nariyan ang walang-humpay at walang-puntirya na paghahambing ng tao sa makina. Nariyan ang paglalarawan sa alyenasyon ng manggagawa o di kaya’y ang paglalantad ng mga makauring kontradiksyon sa isang lipunang “konsumerista.” Ngunit dahil sa mga akdang ito ay mapapansin ang pagsisikap ng ilang awtor na mag-isip, at sa gayon ay magsulat sa isip-manggagawa, o sabihin nang sa proletaryadong pananaw sa daigdig.

Simple ngunit patung-patong ang inilalahad na kontradiksiyon sa dagli na may pamagat na “Mall Tour” ni Katrina G. Valdez. Ang bida, na isang saleslady sa SM, ay nananabik makapanood sa mall tour ng iniidolong si Regine Velasquez. Sa huli, siya’y mapupuno at “sasabog” (…kaninong hiyaw ang lumunod sa mga birit ni Regine…) dahil sa nadaramang alyenasyon sa lugar ng trabaho. Ang dispatsadora na nakakulong sa isang mall na tila kahon ay nakakahon din sa konsumeristang kultura.

Ang opus na “Walang Pahinga” ni Reagan Maiquez, ay tila may intensyon na pumanig sa anakpawis ngunit tila nalilito rin sa sarili at nagtatanong: Sino ang tunay na maylikha?/ Sino ang tunay na makapangyarihan?/ Inihahambing ang tao sa makina at ito ang tumatampok na tunggalian. Ipinapahiwatig na ang bawat sandali ng paggalaw ay rebolusyon o pag-ungos ng pagbabago ngunit gawa ng ano, laban sa ano at para kanino?

Ang ganitong kondisyon sa paggawa ay mas payak at epektibong isinalarawan ni Randy Evangelista sa kanyang tulang “Awtomatik.” Ipinipinta ng tula ang ilang sandali sa isang pangkaraniwang umaga sa buhay ng isang manggagawa. Mahusay ang simpleng paglalahad ng tunggalian na hindi lang patungkol sa mga bagay gaya ng makina o pabrika, kundi mas pumupuntirya sa mga aparatong ginagamit ng taong may-kapangyarihan: Pagbaba ng Trabajo, lalakad ng bahagya / Kakatok sa pinto ng gate ng pabrika / Kaytaas ng gate, hindi makakapasok ang maysamang nasa / Di rin makalabas ang nais kumawala / Ang pabrikang ito’y kulungan yata/ Hindi binibitin ang mambabasa sa pagtatanong, bagkus iginuguhit ng personang manggagawa ang kanyang sariling tadhana: Tatambad sa isip ang kahapon lang ginawa/ Hahawak sa makina / Hahawakan ng makina / Hahawakan ang makina.

Nagtatagumpay din sa pagpipinta ng iba’t ibang imahe ng paggawa at pakikisangkot ang mga tulang “Oda sa Langay-langayan” ni Soliman Agulto Santos at “Pag-uwi sa Madaling Araw” ni Hilda Nartea.

Tila sinadyang ilagay sa dulo ng koleksiyon ang dalawang tulang “Pag-aaral sa Oras” ni Ting Remontado at “Ulat” ni Sonia Gerilya, gaya na lang ng mga anino at yapak ng mga Pulang mandirigma sa mga larawan ni Nino Rojo na nasa dulo ng seksiyong Sipat ng 24/7. Sa tula ni Remontado, ang sinasabing 24/7 ay ang buong panahon o pultaym na pagkilos bilang isang NPA o mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

At tila sinasabi nga ng mga nagkalat na armalayt sa disenyo ng aklat: kung hindi ngayon, kailan?

Thursday, June 23, 2005

hard day's night

sabi nga ni hilda rosca nartea: "walang pating."

nang minsang "buntisin" ng malakas na buhos ng ulan ang mataong lupalop ng philcoa, hindi natinag ang mga hardcore. kesehodang lunurin ng baha ang mga paang hinihiludan at gabi-gabing nilo-lotion. hihiyaw at hihiyaw ang henerasyon natin sa sama ng loob dahil sa kawalan ng pagbabago. sabihin na nating si gloria ang ating "narrowest" target, at sa oras na masukol na ang walanghiya, isang dipa rin ang naiusad ng ating puspusang pagsusulong ng higit na makatarungang lipunan.

ang hiyaw hardcore nang dapithapong iyon ay hindi lamang kay gloria nakatuon. sabi nga ni wanda, wala na tayong pakialam sa bagyo dahil matagal na tayong binabagyong ng kasinungalingan at pagtatraydor. hayaan mong magpanting ang mga tainga ng mga bwakanangina.

walang pating pero may taning.

Thursday, June 16, 2005

oust!

papet, pasista, pahirap sa masa! patalsikin si gloria!