Monday, October 18, 2004

mga nahalungkat sa gulagulanit na kwaderno

Prologo ng Isang Subersyon

matapos kang iluwal
ng lupa
ng hangin
ng langit—
ng daigdig,
ika’y kumuwala
mula sa pagkakasikil
ng amang alabok
at ng inang kapalaran
pilit na tinatakasan
ang itinakda
ng buhay
at kamatayan,
upang lumayang sugatan
upang malamang wala kang pinatunguhan,

wala—
wala ni bagwis
at kapangyarihan
upang lumipad sa kalawakan
upang maabot ang iyong kamalayan.

ngunit pilit mong winaksi
ang iyong kahinaan
at hiniling sa tandang panahon
na paghilumin
ang anumang latay
sugat
hiwa’t
galos
na iniwan
ng iyong pagpupumiglas
mula sa mundong tinatakasan.



Bubuntisin kita ng mga salita

ang sabi ng bibliya
bawal tumingin sa hindi mo asawa,
lalo na kung nag-uumapaw sa pagnanasa.

ngunit, di ko man sadya,
pang-akit mo’y iyo rin namang salita,
kaya’t bubuntisin rin kita
ng aking mga talinhaga.

aba, ika nga’y pinagpala
bighani mong talinhagang
kay hirap tapatan
kaya’t sariling salita,
bansot man sa hiwaga
pilit pa ring tinatarok
ang malalim mong kaibuturan
kaya’t pagpasensyahan, ang
pinipilipit pilit na pagsamba

aba! at ako’y nagulat,
nang tunay na magkatawang tao,
salita ko nga ba’y sa tiyan mo nagpalobo?
at ako’y naharot, nilikot ng gayong panganorin.

imaculada concepcion, di naman puwede
di ka naman birhen,
di rin naman ako manggagawa,
pako ko’y mga kudlit, graba’y mga salita.

ngunit, lalong natuliro
ama ng iyong emmanuel di pala hiwaga,
lalo’t di katulad kong makata,
di man siya manggagawa
pintura’t pinsel naman ang gamit
sa paglikhang gumuhit ng buhay
sa iyong sinapupunan

ang sabi ng bibliya
bawal tumingin sa hindi mo asawa,
lalo na kung nag-uumapaw sa pagnanasa

ang sabi ko naman
walang magagawa ang aking tingin
lalo na ang aking mga salita
dahil baog ang aking talinhaga.



24 oras sa panahon ng pagpapatiwakal

sa madaling araw, ang lawa ko’y bangungot
sa isang lagok kong naghihintay ng wakas
lubog man sa lawa, di pa malunod-lunod

madilim ang umagang walang tinatanaw
walang hinihintay sa laot man o pampang
sa bangungot kong naglawa, wala ang araw

at ang tanghali’y walang hanggang pagkauhaw
hindi mawawakasan ng libo mang lagok
di mainom, alaalang nag-uumapaw

sa dapithapon, hindi ko kaya ang paggaod
bigat ng dalahin, sa bangka ko’y nagtaob
sa pusod ng lawa, di pa malunod-lunod

at sa gabing nanunuot ang alimuom
alimpuyo ng alaala’y laksang alon
nilunod ang buwan sa naglawang bangungot

di makahinga, di pa rin malunod-lunod
ang isang lagok ko’y naghihintay ng wakas
sa madaling araw, ang lawa ko’y bangungot



Larawan ng isang suicide
(kay Maningning Miclat)

S
A
L
I
T
A
!
(dugo!)

Pitong palapag lang
ngunit pwede nang mag-entropy
(sakaling tulad mo bigyan ako
ng lakas ng loob para harapin ang karuwagan)

Upang lumaya
(gaya niya?)

Para matigil
ang puta-
puta-
puta-
putakting
panggugulo sa isipan
ng isang nangangarap
(the lovers cried and the poets dreamed)

At tulad niyang
sumampa
at lumipad sa kamatayan

Upang wakasan ang buhay

Di masisisi
kung natuliro
(at nagdilim ang paningin)
at lumapit sa liwanag
(o kinain ng dilim)
at malaman ang talinhagang
sinasambit sa sariling tula

Salita...
di siya nanatiling salita.


Emmanuel
(kay Jomarwin, at sa lahat ng nag-akalang siya si Emmanuel sa panahon ng kapaskuhan)

Mesiyas!
siya raw ang mesiyas—
ang mesiyas ng bagong milenyo.

Iniluwal ng riles na bakal
ang isang batang may iisang paa,
siya na nga yata ang hinihintay
na magliligtas sa kapuluang makasalanan.

Isang daan at apat na taon
mula nang mamatay ang isang gat,
ipinagbuntis ng isang siglo,
ipinaglihi ng dalawang dekada,
at muntik pang makunan,
upang ipanganak sa madaling araw
ng bagong milenyo.

Pinunla ng matris ng lahi
upang iduyan ng kulubot nang sinapupunang
kay tagal naghintay sa kaniyang pagsilang.

Ipinagluksa ng bayan
ang kaniyang pagdating.
Lumuha ang mga may kayang lumuha.
Naantig ang mga kaya pang maantig.

Ngunit, bakit ganoon?
Hindi ilaw ang sa mukha niya’y naglulumiwanag,
kundi sunog na balat
hatid ng mensaherong treng nagdala sa kaniya.
Di trompeta ng mga anghel
ang umaalingawngaw sa kalangitan
kundi mga panaghoy at pagtangis.

Siya nga ba ang mesiyas?
Siyang tulad nating ipinanganak
sa sabsaban ng karukhaan,
siya nga ba ang anak ng bagong milenyo—
ang anak ng diyos na bakal?

Marahil siya na nga
kung hihintayin nating ipako siya sa krus
at mamatay sa kalbaryo ng basura,
siya na nga ang mesiyas ng bagong milenyo.


Kay Morayta,
at kung paano ba maging isang ina sa panahon ng digma

“...ang konsepto ng bawal ay magkabilang talas ng punyal: magkatuwang ang katangian ng sarap at ng subersyon...”
-Ana Morayta, Iniibig kita at iba pang pagkakasala
(pasintabi, kay morayta, sa aking panghihiram ng kaniyang mga pagkakasala)


Naipit mo siya sa iyong puson
ngunit alam niyang di mo sinasadya.
Hindi man siya makahinga’y
di pa naman marunong sumipa.

Tatlong buwang walang regla’y
tatlong buwan ng ganja,
tatlong kilometro ng takbo
sa dambana ng mendiola.
Ay! kung nalaman mo lang agad.

Di inalintana ang mga panahon
panahong di mo kailangan ng pasador.
Di akalaing may laman pala ang tiyan.
Saka lamang nalaman
nang matuto na siyang umaklas,
saka lamang nahinto, ganja’t mga hagaran.

Kaya’t bago pa man
iire’t bigyan mo siya ng pangalan,
bangungot mo’y palengke
ng pira-piraso ng kaniyang katawan.
Pinarurusahan, kahit sa pag-idlip
ikaw na inang may mahinang panamdam.

At nang siya’y niluwal mo na
tinawag mo siyang A—
unang letra ng alpabeto,
kung saan nais mo siyang magsimula.
Nais mo siyang agad matuto
maliban sa mga letra, bilang, hugis at kulay.
Kailangan kasi, sabi mo—
inianak mo kasi siya sa panahon ng digma.

Ngayong limang taon na si A,
at kaya nang isulat ang kaniyang pangalan,
higit na nais mo niyang matutunan
kung paano makipaghagaran
sa paanan ng mendiola,
ngunit, hindi ang humithit ng ganja.

Sa iyo, na papalit-palit ng pangalan

hindi ko alam kung paano simulan
ang unang sulat na hindi sa lansangan ipipinta
nasanay na kasi akong hanggang dito lang ang larangan

pasensya na’t hindi ko alam
kung anong pangalan kita babatiin
nasanay na kasi akong tawagin kang kasama

hindi ko alam kung anong ikukuwento sa iyo,
alam mo na rin naman ang puno’t dulo
nasanay na kasi akong ikaw ang nagtuturo

hindi ko alam kung ano ang pwedeng ilakip
nitong unang sulat kong makakarating diyan
nasanay na kasi akong iniaabot sa iyo
baryang pang-isang araw lang

hindi ko alam kung iyong natatandaan
pangako mong sa aking hindi ka magtatagal
hindi pa rin kasi ako sanay na maghintay

pasensya na’t hindi ko alam
kung anong pangalan ang aking ilalagda
nasanay na kasi akong tinatawag mo akong kasama

at lalong hindi ko alam kung paano ko wawakasan
itong unang sulat ko sa iyo—
kung ako ba’y aasa pang makita ka
nasanay na kasi akong ang lahat ng umaalis ay nagbabalik



Pag-uwi

Bitbit ang balutang puno ng alaala at pinagrumihan
nagtiyaga sa punuang dyipning
lulan ay sampu-sampung hapong katawan.

Naghihintay sa muling pag-uwi
di maiwasang masagi
ang mga nasambit na pangako, at binuong pangarap,
habang tinatanaw ang daang minsan kang nagpaalam.

Tulad nila’y ika’y nananabik (o natatakot)
kaya’t kipkip-kipkip ang balutan
upang di mahulog sa bawat yugyog ng dyipni—
habang nilulusong ang marupok na tulay,
(sa ilalim ay tubig na nagkulay putik sa paghihintay
ng ganitong panahon ng pag-uwi)
tulay na nagdurugtong sa pinanggalingang iniwan
at sa walang kasiguraduhang patutunguhan;
habang sinusuong ang tarik ng bundok
na sa pag-ahon ay sementadong kapatagan;
habang dinuduyan ng lubak ng daan
ng kinagisanan mong kanayunan.

Hanggang sa maamoy mo na
ang simoy na nilimot mo nang sampung taon.
At nilasap ang bawat pagsalubong ng hangin,
upang muling punuin ang bagang ginupo ng usok.

Hanggang sa matanaw mo na
ang burol na noon ay iyong kaharian
habang hinuhuli ang mga tutubing mabababa ang lipad.

Lalong nananabik ang kumakalam na tiyan
sa handang pagkain ng inang,
nananabik sa hagod ng mainit na sabaw
sa nanlamig nang sikmura.

At biglang naisip, kung paano mo maisasalba
ang naghihingalong bulsa ng pamilya.
Kaya’t kinapa mo sa balutan
ang pangakong pasalubong kay bunso.
Kaya’t hinalukay mo sa isip ang magagandang kwentong
ihahandog kay amang.
Ngunit, kailangang mong itago sa loob
ang luha ng pagkabigo ng kanilang pangarap
para sa iyo.

Ngayong abot tanaw mo na
ang dampang kinalakihan,
nalimot mo na pala sa lungsod
ang kanilang pinakakaaabangan—
ang dahilan kung bakit mo sila nilisan.

Sa mga nalalabing lubak
tinipon mo ang mga salitang
magpapalubag sa kanilang nanghihinang loob
at magpapatahan sa hikbi ng iyong pagkabigo.

Kaya’t nagpasya ka na lang ibahagi sa kanila
ang alaalang iyong hinulma
habang tinatahak ang daan pauwi.




Nanlalabong alaala

halos hindi ko na matandaan
ang hugis ng iyong ilong
at ang kabuuan ng iyong mukha

nalimot ko na
ang amoy ng ating mga pagniniig
at ang awit ng ating mga bulungan

at ang mga natitirang alaala
ng mga impit nating halakhak at iyakan
sa sulok ng kwadrado nating daigdig
ay inaagiw na sa dilim
at pinuno na ng alikabok
sa tagal ng panahon

ngayon, pilit kong binubuo
ang wasak-wasak nitong mga anino
at tinitipon sa aking palad
ang mga bubog ng ating nakaraan



Epilogo

at naglaon,
inakala mong ganap na nga
malayang laruin ang alapaap
salungatin ang ihip ng hangin
kalabanin ang diyos ng buhay,
upang magising na ika’y
bumalik lang sa pinagmulan
humalik sa sinapupunang
binihisan
ng kabihasnan
ng modernong kaisipan.

tinangka mong bumalikwas
iayon ang wakas
sa iyong mithiin,
ngunit hindi pa rin matarok
ng harayang baog,
baog—
tigang sa pang-unawa
tuyot sa pandama
walang kakintalan.

gayunpaman,
patuloy ang pagtanto
sa dulo
umaasang mababasag
ng iyong lakas
ang kahimbingang
dumuduyan
sa hibla
ng iyong pagkatao
at susuyod
sa kadawagang
hindi madadalumat
ng imortal na ningas
ng pagnanasa mong mabuhay

nang malaya.